WALANG PANAHON

Salin sa Tagalog

ni Rafael A. Pulmano

​

Ako ay lumuhod upang manalangin

     subalit di pa nagtatagal

Ay agad tumindig at nagtutumuling

     nagtungo sa aking tanggapan

Tambak ang gawaing dapat kong tapusin,

     kailangang maghanapbuhay

Darating na naman, mga maniningil,

     marami akong babayaran.

​

Kaya nga matapos ang isang maikli

     at apurahang panalangin,

Tumayo na ako upang magmadaling

     harapin ang mga gawain

Nagampanan ko na, kahit sasandali,

     ang aking Krist’yanong tungkulin

Matatahimik na ang kalulwa't budhi,

     wala nang aalalahanin.

​

Sa buong maghapon, abalang-abala

     at sadyang wala akong oras

Upang bigyang-sigla ang walang pag-asa,

     o tumulong sa kapuspalad

Wala akong oras na ipakilala

     si Jesus, pagka’t nangingilag

Na mapagtawanan ako't mapahiya,

     pukulin ng mga paglibak.

​

Abalang-abala at walang panahon

     sa dami ng mga gawain

Araw-araw na lang, palaging ganoon

     ang aking reklamo't hinaing

Walang oras upang sa kapwa'y tumulong,

     hanggang sa oras ko'y dumating

Sa wakas, sumapit na nga ang panahon

     ng aking pagpanaw at libing.

​

Nang nasa harap na ako ng Maykapal,

     hindi ko magawang tingnan S'ya

At nang buklatin na ang Aklat Ng Buhay

     ay ito ang Kanyang winika:

"Hindi ko makita ang iyong pangalan...

     noon ay isusulat Ko na,

Nguni’t walang oras, panahon Ko'y kulang,

     sapagka’t ako ay abala."

​

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link