KAHAPON, NGAYON, AT BUKAS

Salin sa Tagalog

ni Rafael A. Pulmano

​

Sa bawa’t 'sanlinggo'y may dalawang araw

Na di natin dapat pagkaabalahan

Dal'wang araw itong dapat na hayaang

Ligtas sa pangamba at takot kaylanman.

​

Ang isa sa mga araw na nabanggit

Ay yaong KAHAPON, kasama't kalakip

Ang lahat ng kanyang kamaliang hatid,

Ang pagkabalisa, kapintasan, sakit...

​

Mga kabaliwan at kirot na taglay.

Ang kahapong iyan ay minsang lumisan

At kanyang paglisan ay magpakaylanman

Higit pa sa ating kayang mapigilan.

​

Lahat mang salapi sa buong daigdig

Sa kahapo'y hindi makapagbabalik

Ang isang nagawang ano man ang liit

Ay hinding-hindi na kaya pang ituwid.

​

Saka hindi na rin kaya pang burahin

Ang isang salitang nasambit na natin

Pagka’t ang kahapon, katulad ng hangin,

Ay naglaho na nga sa ating paningin.

​

Ang isa pang araw na hindi rin dapat

Pakaisipin pa nang lubha'y ang BUKAS,

Ang mga kaaway nito at pabigat,

Dakilang pangako't pangit na pagganap.

​

Iyang bukas mandin ay di natin hawak:

Ang araw ng bukas ay muling sisikat

Maaaring yao'y may ningning at kislap

O kaya'y magkubli sa likod ng ulap.

​

Nguni’t batid nating iyon nga'y sisikat

At hanggang tuluyan na itong maganap

Wala pa rin tayong gantimpalang tiyak

Pagka’t ito'y di pa naipapanganak.

​

Isang araw na lang ang nalabi -- NGAYON

Ang kahit na sino'y may pagkakataong

Ang pakikidigma ay maipagtanggol

Sa loob ng isang araw lamang ukol.

​

Kaya lamang tayo nanganlulupaypay

Ay kung ang pasanin ng dalawang araw --

Ang kahapo't bukas ay pinagsasabay

At pinagsasama nang walang dahilan.

​

Di ang karanasan ng ngayon ang sanhi

Nitong pagkabaliw ng tao, kung hindi

Iyang pagsisising taos at matindi

At ang nadaramang mapait, mahapdi...

​

Hinggil sa kung anong bagay na naganap 

Doon sa kahapong wala na't lumipas,

At ang pagkatakot na bumabagabag

Sa isasalubong niyang bagong bukas.

​

Kaya tayo sana'y matutong mamuhay

Sa isang panahon nang isang araw lang.

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link