TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

SALTIK-PANITIK

ni Bert Cabual

Balagtasan

Karugtong – Pahina 2

may paninindigang hindi naigupo,

bagkus naging kulog: umangil, kumulo;

sa dayong watawat ay ayaw yumuko,

sukdang mapatapo’t padurog na bungo.


Nagkawing sa diwa ng malayang pakpak

na inihinang pa ng dugong sumulak;

utak na kinasi ng gabing magdamag

na kasuyong dupil sa pagbabalikwas…

talim ng panitik ang sandatang tabak

na ipinanghawan sa tinikang landas.”


Huling mga taon ng dekada 50 nang lumaganap sa buong Pilipinas ang Balagtasan sa radyo nina Antonio Reymundo (kilala sa taguring Tony Rey) at Ofelia Angeles. Lakandiwa nila si Ka Tino Istanislao, taga-pagpahayag naman ng paksa at taga-pagpakilala si Rino Dakome. Tuwing Linggo, ikasiyam ng gabi, isinasahimpapawid noon ng DZRH ang pagtatalo sa tula. Sinubaybayan sa radyo ng angaw-angaw na Filipino, sa mga tindahan, sa mga tahanan, at maging sa mga lambak na kabukiran, ang kinagigiliwang programang “Oras ng Balagtasan.” Kabilang ang aming pamilya sa pagsubaybay na yaon, at habang nakikinig ng Balagtasan, sa pagdidili-dili’y naglalakbay ang aming guniguni...nangangarap — at ibinubuko sa sariling balang araw ay sasangkot sa sining na ito, na bahagi ng ating kalinangan.  


Sabihin ma’t di sabihin, ay hindi mapasusubaliang ang pangkat ng “Oras ng Balagtasan” ang nagpalaganap at nagpasigla sa nananamlay noong Balagtasan, danga’t may ilang makatang kritiko na hindi kasang-ayon sa kaisipan naming ito. Aywan kung talagang napakinggan nila (ng mga kritikong ito) ang mahimig at nakararahuyong pagtula ng magkatuwang na makata. Sa anu’t ano man nang panahong yaon, sa ganang amin, ay mataas na rin ang naakyat na katanyagan nina Antonio Reymundo at Ofelia Angeles sa pagtutulaang parangal kay Francisco Balagtas. 



PAGSANGKOT


NAGSIMULA kaming sumulat at bumigkas ng tula, nagpalathala ng akda sa mga pambansang magasin at iba pang babasahin.


Nakita at nakasalamuha namin sa Batangas, Batangas (Batangas City ngayon) ang yumaong Claro Mayo Recto, isang taon bago siya binawian ng buhay. Noo’y Abril, 1959 nang magdaos sa Liwasang-Mabini sa Batangas, Batangas ng timpalak-panitik-bigkasan sa tula sa temang “Si Balagtas at ang Wika.” Nagtalumpati siya. Nasa murang edad pa ma’y mataman naming inulinig ang kanyang madiwang talumpati. Aniya’y si Balagtas at ang ating Pambansang Wika’y magkatambal-suyo sa taluktok ng bundok-Parnaso. Sinabi pa niyang marangal ang bansang may sariling wika pagka’t di maililigaw ang kaluluwa at kabansaan  nito.

 

Kalahok kami at pinagwagihan ang timpalak sa tulaang yaon. Pinakabata man sa mga nagsilahok, ay laking tuwa nang sa labindalawang makatang sumali sa paligsahan ay nakamit ang unang gantimpala. Bilang panauhing pandangal, si Recto ang nag-abot ng Tropeo ng karangalan at ng gantimpalang salapi sa mga nagsipagwagi. Nang tanggapin namin ang Tropeo at gantimpala, kumamay at yumakap siya nang mahigpit. “Binabati kita…gusto ko ang tula at bigkas mo!” bulong niya. Hindi namin malilimutan kailanman ang pakikisalamuhang yaon!  


Sa  mga humaliling taon, sa isa ring okasyong-pangwika, ay nahirang kaming makipagtunggali sa Balagtasan sa makatang Petronila Hernandez sa paksang “Sino ang Higit na Mahalaga sa Lalaki at Babae sa Kasaysayan ng Buhay at ng Lipunan?” Sa panig kami ng lalaki at sa panig naman ng babae si Bb. Hernandez. Lakandiwa ang beteranong guro sa Filipino at makatang Lazaro Mercado. Sabi ng Lakandiwa, “Hindi dapat na maghamok ang lalaki at babae, dapat lamang maglambingan kapag sila’y nasa katre...”  Nang isulit ang pasiya ng inampalan, ipinahayag sa tula ng Lakandiwa na patas ang kahatulan.


Nagkapalad kaming maging announcer sa himpilan ng radyo ng Luzon Broadcasting Company, DZBT-Batangas. Mula sa pagiging news reader sa Eveready Newscast  (7:00 – 7:30 n.u.) ay itinaas kaming Chief Announcer. Noon namin hinikayat ang Program Director na lumikha ng mga programang pangkultura. Hindi naman kami nabigo. Unti-unting inilunsad ng himpilan ang pangkalinangang “Filipinyana,” “Mga Gintong Alaala” at ang pinananabika’t mimithing “Ningning ng Balagtasan.” Naging manunulat kami ng iskrip sa Balagtasan at nangalap ng mahuhusay na mambibigkas.  


Hindi basta-bastang tagumpay ang tinamo ng palatuntunan sa radyong “Ningning ng Balagtasan,” na noo’y sumasahimpapawid tuwing Sabado ng gabi. Dumagsa ang mga kalatas ng pagbati at mga liham na humihiling na pagtalunan ang mga paksang mula sa mga taga-pakinig. Tangi sa pagbabalagtasan sa himpilan, ay inanyayahan na kaming magtanghal sa mga pistang-nayon at mga pistang-bayan. Nakarating kami sa malalayong bayan at nayon, sa mga sulok na lugar ng Lobo, Batangas, nakapagtawid-dagat din hanggang sa Isla Verde, Batangas, at Oriental Mindoro.  

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

affiliate_link

MAY KARUGTONG >>>


Pahina  [1]  [2]  [3]

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link