DESIDERATA
Salin sa Tagalog
Humayong payapa
sa gitna ng ingay at kaabalahan
At alalahanin
ang kapayapaan sa katahimikan
Hangga't maaari
ay maging mabuti sa kahit sino man
Bigkasing banayad
at nang buong linaw ang katotohanan
At ang sinasabi
ng iba ay iyong dinggin at pakinggan
Sila man na walang
lubhang nalalaman ay may kasaysayan.
Umiwas sa mga
taong mapamilit at lubhang mapusok
Sila sa kalul'wa
ay pawang ligalig ang idinudulot
Kung ang sarili mo'y
ihahalintulad sa iba ng lubos
Magiging palalo
at maninibugho ang sariling loob
Sapagka’t lagi nang
mayroong lilitaw at mayro'ng sisipot
Na sa iyo'y lalong
dakila o lalong hamak at busabos.
Sa iyong tagumpay
at mga balak man, lasapin ang galak
Ang pagkawili mo
sa iyong propesyon ga'no man kahamak
Ay panatilihin,
iya'y pag-aaring totoo at payak
Sa pabagu-bagong
kapalaran nitong panahong nalipas
Sa pagnenegosyo
dapat kang magsanay niyang pag-iingat
Sapagka’t sa mundo,
mga panlilinlang ay lubhang laganap.
Nguni’t ito'y hindi
sa iyo ay dapat bumulag tuluyan
Ng kung ano na nga
ang mayroon ditong mga katangian
Sapagka’t maraming
nangagpupumilit para lang makamtan
Yaong simulaing
matayog na sadya, at saka ang buhay
Ay lipos na lipos
ng kabayanihan. Ikaw'y maging ikaw.
Mas higit sa lahat,
'Wag pagkunwarian ang gawang magmahal.
Huwag ka rin namang
maging mapangutya hinggil sa pag-ibig
Sapagka’t sa harap
ng kawalang-sigla at ng pagkabatid
Sa katotohanang
nagbibigay-laya sa ligaw na isip
Ito'y magtatagal
kagaya ng damo sa paligid-ligid
Tanggaping magalang
ang payo ng mga taon, na kalakip
Ang may kasiyahang
pagsuko ng mga bagay na pampaslit.
Mag-ipon ng lakas
ng yong espiritung maisasanggalang
Sakaling sumapit
nang bigla sa buhay ang kapahamakan
Datapwa't sarili'y
huwag bagabagin ng maling palagay
Pangamba'y malimit
bunga lang ng pagod at ng kalungkutan
Sa kabila niyang
isang pagsusupil na sadyang mainam,
Sa iyong sarili
ay maging banayad at maging magalang.
Ah, ikaw ay supling
nitong sangsinukob na hindi hihigit
Sa puno at bit'win...
may katuturan ka dito sa daigdig
Kaya ipanatag
sa piling ng Diyos ang sariling dibdib
Maging ano pa man
ang larawan niyang mabuo sa isip
At kahit na ano
ang mga nasa mo't pagpapakasakit
Sa sadyang magulong
kalituhan nitong buhay na sinambit...
Ay panatilihin
ang kapayapaan sa kaluluwa mo.
Kasama ng lahat
ng pagkukunwaring tinataglay nito,
Ng mga gawaing
nangakayayamot sa puso ng tao,
At maging ng mga
nabigong pangarap na pira-piraso,
Dapat mong isipin
at sa iyong puso'y itanim na husto:
Ito'y isa pa ring
pagkaganda-gandang masasabing mundo.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact