BALIK-TANAW
PAKSA: GIYERA LABAN SA DROGA
TANONG: SANG-AYON o TUTOL ka ba
sa pinaiiral na sistema ng kasalukuyang
pamahalaan hinggil sa pagsugpo
sa suliranin ng droga sa Pilipinas?
LAKAMBINI (Bahagi ng pawagan at paanyaya)
Luzviminda Inangbayan ang lingkod n'yong nagpupugay
Lakambining papagitna sa dalawang magbabangay;
Si Masigasig Magtanggol – SANG-AYON ang kakampihan,
Dinapoco Macatiis – ang panig ay TUTOL naman;
Simulan na agad natin, at ang unang isasalang:
Ang makatang si Magtanggol...Masigabong palakpakan!
SANG-AYON (bahagi ng unang tindig)
Isa rin po naman akong tahimik na mamamayan
Marubdob na naghahangad na tumino itong bayan
Kaya ako'y walang tutol sa gobyernong pamaraan
Na pitasin ang masama at silabin sa tambakan
Kung sa gayon mapupuksa kaluluwang pawang halang
Maluwag kong tatanggapin ang sistemang umiiral.
TUTOL (bahagi ng unang tindig)
Sa paraan ng gobyerno ako raw ba ay sang-ayon
Na ang droga ay sugpuin? O ako ba'y tumututol?
Ang layunin ay maganda! Payag ako sa himatong
Na ang droga ay puksain upang ganap na malipol;
Nguni’t bulok ang sistemang di ko hangad na ibangon,
Pagka’t di ko ginugustong magnegosyo ng kabaong!
TUNGHAYAN ANG BUONG KATHA > BALAGTASAN: GIYERA LABAN SA DROGA
TUNGKOL SA TAMPOK NA KATHANG ITO
ANG BALAGTASANG ito ay nabuo sa tulong ng mga kaibigan at kasamahang makata, na ang karamihan ay sa Facebook lamang nagkakilala. Lahat ay kasapi ng GIMIKan TULAan at BIRUan sa Bahay Kubo (GTB), isang lihim na grupo sa nasabing social network.
Narito ang pangalan ng mga kontribyutor at ko-awtor ng balagtasang ito, ayon sa hanay na alpabetikal ng kanilang huling pangalan:
• Roni Abanador (Italy)
• Bert Cabual (England)
• Mateo Escalante (Philippines)
• Eclipse Heart (Singapore)
• MVenus Peralta Magbanua (Philippines)
• Ellen Malapitan (Philippines)
• Paul Mapalad (Philippines)
• Ricky Medrano (Italy)
• Felix Ramos (United Arab Emirates)
Isang malaking pasasalamat ang ipinaabot ng inyong lingkod, na nagsilbing patnugot at nag-ambag din ng ilang bahagi (kabilang na ang sa iskrip ng Lakambini) sa mga nabanggit na makata at ka-GTB sa itaas.
TUNGHAYAN ANG BUONG KATHA > BALAGTASAN: GIYERA LABAN SA DROGA
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Nilisan ang bansa
kapalit ng dolyar
Singaporeang paslit
ang inalagaan
Ang sariling anak,
nalamnan ang tiyan
Gutom sa kalinga
ng magulang naman.
Gurong naghahangad
ng riyal na kita
Nag-domestic helper
sa Saudi Arabia
Four years nagtiyagang
pakadalubhasa
Sa ibang lahi
pa nagpapaalila.
Dating chief engineer
sa sariling nasyon
Sa abroad nag-apply:
karpentero-mason
Noo'y naka-jacket
sa lamig ng aircon,
Sa init ng araw
ay sunog na ngayon.
Sawa na sa laging
galunggong ang ulam
Nagsikap marating
ang bansa ng sakang
Sariling katawan
ang ikinalakal
Umuwing mayaman,
malamig na bangkay.
Nagtiis maglayo
yaong bagong kasal
Upang pag-ipunan
ang kinabukasan
Masakit na birong
pag-uwi ng bahay
Nangulilang kabyak,
may iba nang mahal.
Sila ang overseas
contract workers natin
Masipag, marangal,
at mapangarapin
Kahit may panganib,
ayaw magpapigil
Legal o ilegal,
bansa'y lilisanin.
Gobyernong kaylangan
ang foreign currency
Passport, POEA
at etceterang fee
Saludung-saludo,
labis ang papuri
Sa OFWs -
ang Bagong Bayani.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact