MGA DAHON NG PANGARAP




BERT CABUAL

London, United Kingdoom


SIGARILYO AT KUWENTISTA


Sa hitit ng sigarilyo ay may kuwentong binabanghay
ang talisik na kuwentista ng ubaning panitikan;
bawa’t akdang isatitik ay may usok na katambal
na sa utak kung isuob ay talinong bumubukal;
ganyan siya kung magsulat at ang isip kung maglakbay,
hinahawi ang paligid na mausok at masangsang.


Tagahangang mambabasa’y kayang-kayang pasabikin,
sa pambungad na maganda, kuwento niya’y papansinin;
ang salaysay kung ihanay ay mabisa at mariin,
kahi’t na nga yaong kuwento’y nag-uulap nang likhain;
ang natural na usapan ng tauha’y mahusay rin,
may usok mang ibinuga’y wala namang nababahin.


Karaniwang bawa’t k’wento’y may sukdulang nakabuhol
at rurok ng pananabik, nang basahing tuluy-tuloy;
ang kuwentistang may upa-op, sa bahaging ito ngayo’y
sunud-sunod ang paghitit ng tabakong nag-aapoy;
di pansin ang baga niyang dumadalit ng panaghoy,
nagkukuwento ng trahedyang magtatapos sa ataul!


Ang kuwentista’y nang dumating sa bahaging kakalasan,
magaling ding nailahad ang estilo’t kakanyahan;
nang makalag na ang buhol, ay tahimik na naglubay
sa madalas na paghitit na lundo ng kahibangan;
ang darang sa kanyang bagang parang apoy na sinubhan,
may latak ng nikotinang nagtitining na humimlay!!!


Di kasi nga, yaong kuwento’y tatabingan na ng wakas,
sa usok din tatapusin ang sa usok ibinukas;
sa puso ng mambabasa’y tala siyang umaandap,
at sa bundok ng panitik ay taluktok ang naakyat…
(Nguni’t anong hahantungan ng kuwentistang ngayo’y sikat
sa upos ng sigarilyong binalaho ng magdamag?

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link