MGA DAHON NG PANGARAP




BERT CABUAL

London, United Kingdoom


SAAN PATUTUNGO?


I

Ang dinadaluyan ng aking panimdim

ay agnas na diwa ng sumpang nalaing;

sa gintong umaga’y hubad na ang ningning,

latag na ang kulay ng yakap na dilim;

magkubli man ako sa matang matalim,

bakit tinutudyo ng nilay na itim?


II

Ulinig ko’t mata’y natakpan ng daya

nang panahong ako’y malunod sa luha;

isip ko’y yakap na ako ng Bathala

sa kalungkutan ko’t pagpapakababa;

subali’t ang akin palang sinagasa

ay mangmang na daloy ng pagas na laya.


III

Minsan ang bitui’y nilipad kong pilit

upang ang puso ko’y mahango sa hapis;

ako’y nginitian ng kaakit-akit,

naglalambing manding umaawit-awit;

ano’t nang hagkan ko: udyok ng pag-ibig,

tumilapon ako sa durog na langit.


IV

Ang ngisi ng budhi’y aking iniwasan,

pumikit na ako’t nagbingi-bingihan;

ang Tungkod ng Diyos sa Kaitaasa’y

apula sa aking pag-aagaw-buhay;

ga-patak na dugo ng pusong may-anay,

sa buong daigdig pala’y gumugunaw.


V

(Ikaw ang sa aki’y bugtong at hiwaga,

uwak din sa aking sisiw na akala;

kahi’t hugasan man ang kamay ng siba,

may lason sa utak ang sanlibong haka…

Matutuloy pa ba ang sinimpang nasa

gayong di matunton ang iyong dambana?)

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link