MGA DAHON NG PANGARAP




BERT CABUAL

London, United Kingdoom


ANG LALAWIGAN KO


Sa maraming pulo sa dakong silangan,
Ang bawa’t umaga ay lugod ng buhay;
May bulubunduking dungawan ng araw
Na kung tatanawi’y hindi kalayuan;
Sa ibaba nito, ang naniniraha’y
Mga Batanggenyong nilipi sa tapang…
Ito ang Batangas,
Ang lalawigan ko!


May guhit at bula sa pisngi ng dagat,
Kung humahagibis ang hanging habagat;
Nguni’t kung pagmasda’y naglalaho’t sukat
Sa ngiti ng araw na pamawing-ulap;
Ang bukang-liwayway sa pamamanaag,
Ay nagiging ilaw sa dilim ng palad…
Ito ang Batangas,
Ang lalawigan ko!


Di masukat-tingin ang dalampasigang
May sagwak ng alon sa katanghalian;
Ang mga baybayi’y napalilibutan
Ng maraming bangin at mga lansangan;
Ulang may hilagyo ng hanging amiha’y
Pambuhay sa lunting ligaw na halaman…
Ito ang Batangas,
Ang lalawigan ko!


Mga ilog, batis, kagubata’t lawa
Ay yaman ng bayan at hiyas ng diwa;
Ang mga tanawin ay laking biyaya
Sa nagyao’t ditong matanda at bata;
Uling, pilak, bakal, gintong yamang pawa
Ay hasik sa bundok ng Amang Bathala.
Ito ang Batangas,
Ang lalawigan ko!


Ipinadpad dito ng siglong lumipas
Ang mga dayuhang sa Kanluran buhat;
At nakita nilang dito namumugad
Ang dakilang lahing marangal mangusap;
Tiwasay ang buhay sa tiyaga’t sikap
Ng liping pinanday ng giting at sipag…
Ito ang Batangas,
Ang lalawigan ko!


At ang bulkang Taal sa kanyang paggising
Napukaw ang bayan sa pagkakagupiling;
Tuluyang naglaho ang likong damdaming
Magbuhay-timawa’t magdiwang-alipin;
Buklod ang Batangas sa isang mithiing
Mutyang Inang Bayan ay pakaibigin…
Ito ang Batangas,
Ang lalawigan ko!

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link