PAALAM, MY LOVE

ni Rafael A. Pulmano

​

ARAY KO! Kaysaklap naman ng mabigo

Wasak ang damdamin, sugatan ang puso

Bakit sa Hongkong pa tayo nagkatagpo?

Tulog kong damdamin ay iyong biniro...

​

Malayo sa bansang ating sinilangan,

Nangungulila ka't ako'y homesick naman

Walang anu-ano ay ating nagisnan

Na tayong dalawa ay nagmamahalan.

​

Matuling lumipas ang araw, ang buwan

Finished contract ka na't kaylangang lumisan

Ako nama'y merong natanggap na liham

Kailangan ko ring umuwi ng bayan.

​

Ang isla ng Hongkong, atin nang iiwan,

Pati alaala ng suyuang bawal:

Hinihintay ka na ang asawang hirang,

Bunso ko't maybahay rin ay nag-aabang...

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link