BLOGTALASAN NG KATWIRAN

Pag-ibig at tampuhan


Sa dalawang nag-iibigan, halimbawang kapwa sila nagkamali, sino ang unang dapat bumati at manuyo upang mawala ang alitan o tampuhan: Lalaki o Babae?

katreena says:

LALAKI ANG DAPAT MAUNA


Malaon nang inilibing sa limot ng alaala

Ang panulat na luma na’t si ama pa’ng nagpamana

Hanggang dito’y masumpungan ang usaping humalina

At gumising sa damdaming akala ko’y pumanaw na.


Sa dalawang magsing-irog na kapuwa nagkamali

Kung ako ang tatanungin, ang sagot na ipapakli

Lalaki ang nararapat na mauna sa pagbati

Upang tampo at alitan ay kaagad na mapawi.


Lalaki sa mula’t mula ay s'yang unang nanunuyo,

Nanliligaw, nagtatapat, nagsisilbi, nang-aamo

Kaya kung kapwa may mali, sa akin ay tamang lalo

Na lalaki ang mauna sa pagluhod at pagsuko.


Sa sandaling gaya nito mas higit na nasusukat

Ang pagsinta ng lalaki sa babaeng nililiyag

Sumapit man ang sandaling ikasal na’t magkaanak

Lalaki’y di mambubugbog magkasala man ang kabyak.



royalblogger says:

BABAE ANG DAPAT MAUNA


Ako muna’y pasintabi sa naunang nangatwiran

Palagay ko hindi dapat kung kapwa may kasalanan

Na lalaki ang maunang babati sa kanyang hirang

Babae pag nahirati, lalaki ang nalintikan.


Payag na nga ang lalaki na manligaw at manuyo

Yamang ito’y nakagisnang ugali pa ng ninuno

Kulang na lang maglupasay, maglumuhod, magsumamo

Para kamtin sa babae ang oo’ng pinipintuho.


Sa probinsya na kung saan uso pa rin ang harana

Kailangang manilbihan kung liligaw sa dalaga

Mag-iigib, magsisibak ng kahoy at maglalaba

Sakripisyong tinitiis alang-alang sa pagsinta.


At okey lang ang magtiis, magtiyaga sa simula

Kasabihan, kung may tyaga kakamtin daw ang nilaga

Ngunit kapag magsyota na o kasal na sa dambana

Babae na ang sya namang dapat na magpakumbaba.


Kaya ako’y di sang-ayon kay katreena’ng ipinayo

Na sa twinang may tampuhan, lalaki ang manunuyo

Sa larangan ng pag-ibig, hindi dapat maging dungo

Aabuso ang babae kung lalaki’y utu-uto!



moj says:

DAPAT MAUNA ANG MAY MAS MALAWAK NA PANG-UNAWA


kung sino sa kanila ang mas malawak ang pang-unawa…. hindi dapat batayan ang gender para lang manumbalik ang kinang ng kanilang relasyon…. kung talagang nagmamahalan sila hindi dapat maghintayan kung sino ang unang babati at manunuyo lalo na kung pareho silang may kasalanan.



tagapamagitan says:

PAGLILINAW SA PAKSA


Isa itong paglilinaw sa nakasalang na paksa:

Kung sasagot ay sagutin ang tanong na nakatakda

Dalawa lang ang pupwedeng pagpilian sa pagtaya…

Lalaki ba o babae? Walang panig na panggitna.


Sa tunay na buhay natin, hindi ganyan ka-white and black

Kadalasan, “Depende Yan!” ang sagot na mas matapat

Ngunit ito’y BlogTalasan, labanan ng mauuutak

Sa gipitan masusubok ang totoong may binatbat!


Kaya nga po sa usapan kung kayo rin ay sasali,

Sa dalawang magsinggiliw, halimbawang kapwa guilty,

Sino ang dapat maunang babati at magso-sorry?

Dito lamang po pipili: Babae ba? o Lalaki?



katreena says:

NASAAN ANG PANGAKO?


Salamat kay royalblogger sa katwirang inilatag

Ang katwiran ay katwiran mapamali, mapatumpak

Sa akin lang di masama kung lalaki ang magbahag

At mauna sa babae sa paghingi ng patawad.


Karamihan sa lalaki, mabait lang pag may gusto

Kung makuha na ang nasa, lumulutang ang totoo.

Sa pag-ibig, lalo na kung isa’t isa ay may tampo

Ang lalaki’y lalong dapat maging isang maginoo.


Sa bulaklak at bubuyog ihahambing ang dalawa

Kung bubuyog di maingat bulaklak ay malalanta.

Lalaking nagmamatigas hindi wagas ang pagsinta

Ang totoong minamahal ay sarili lamang niya.


Ang pangako ay nasaan nu’ng panahong nanliligaw

Na langit ay liliparin? Sisirin karagatan?

Matatayog na salitang wala palang katuturan

Kung babae’y titikisin sa kaprasong tampuhan lang.



butsikik says:

LALAKI DAPAT ANG NAGDADALA


Nakasalang na paksa ay talagang nakakaaliw,

Tambak man ang trabaho, gawain ay nakakabaliw,

Hindi maiwasang ipagtanggol ang aking ginigiliw,

Ipahayag, ipabatid pag-ibig na walang maliw!


Sa pipiliin kong panig, magagalit ang barako,

Ngunit pipiliting maitaas yaring bandila ko;

Sa pagharap sa buhay, sa pag-ibig at sa pagsuyo,

Batas at aral ni butsikik ang pagkamaginoo!


Sa isang relasyon, lalaki dapat ang nagdadala,

Mas malakas, mas matatag, mas makulay, mas masaya;

At dahil may karapatang mas masunod ang mga pasya,

May katungkulan ding mag-ayos ng mga diperensya.


Oo nga’t si Eba ay hinugot sa tadyang ni Adan,

Lahat ng sumunod na lalaki’y may inang pinagmulan,

Gusto ko lang maipakita at maisalarawan;

Espesyal ang babae at dapat pangalagaan.


Kung parehong may kasalanan, may tensyong nabubuo

Bumalik sa basic, ayusin, mag-umpisa ng bago;

At saan ba nag-umpisa ang matamis na pagsuyo?

Kundi sa lalaking mapagmahal, mahusay magsumamo!


Kung gustong patunayan lakas, tatag, tibay at tapang,

Ng isang kabalyerong nasa gitna ng tampuhan

May hihigit pa bang patunay ng kadakilaan?

Pag-amin sa mali, pagtutuwid, pagtuloy ng suyuan!



royalblogger says:

LALAKI ANG HARI


Nakakuha ng kakampi si katreena kay butsikik

Na hindi na nakatiis at nagkusa nang sumingit

Ngunit di rin nagbabago ang tanaw ko sa pag-ibig

Kung parehong mali, dapat, babae unang lalapit.


Kung palaging hahabulin, aamuin, pagbibigyan

Ng lalaki ang babae kung pareho lang nagkulang,

Para na ring kinunsinti si Babaeng pag nasanay

Magpakipot, magmalaki sa twing sila’y mag-aaway.


Kailangang ipakita ng lalaki na mahal nya

Ang babae ngunit dapat malinaw rin sa umpisa

Na lalaki ang syang hari at syang padre de pamilya

At siya ang nasusunod sa lahat ng pagpapasya.


Kung babae’y di susunod sa lalaking napusuan

At sariling pagpapasya ang susundin kung may away

Baka alam na ng byenan, kapitbahay at barangay

Ang problema ang kawawang si mister ay walang alam.


Hindi dapat ang ganito, kung may gusot ang dalawa,

Mas mabuting ang babae sa lalaki’y kumumpronta

Diretsahang ikumpisal kung naapi’t nasaktan sya

Sa halip na ipagsabi sa kung kani-kanino pa!



henia says:

LALAYO, HINDI LALAPIT


Mr. Royalblogger, kaibang matuwid

Hindi yata masarap ang tunog ng iyong tinig

kung ang paraan mo sa babai ay ipipilit

lalayo at hindi lalapit, ang iyong iniibig



katreena says:

SURIIN ANG PUSO


Kay makatang royalblogger na ugali’y makahari

Sa katwirang binitiwan, ina mo ang inaglahi

Ang nanay mo, tulad namin, babae ring magka-uri

Na dapat ay igalang mo kahit pa nga nagkamali.


Ang babaeng gaya namin ay mahina at marupok

Kayo namang malalakas ay matapang at mapusok

Kung parehong nagkasala sa sumpaang pinagbuklod

Higit naming kailangan ang pagsuyo ninyong handog.


Kung sa halip na pagsuyo ay tigas ng kalooban

At pasakit ang dulot mo sa babaeng napusuan

Suriin ang iyong puso at ang utak ay patingnan

Sapagka’t ang nagmamahal nang tunay ay hindi ganyan.



royalblogger says:

PUNDASYON NG TAHANAN


Tunay ako kung magmahal sa babaeng sinisinta

At gayundin sa iisa at dakilang aking ina

Masunurin akong anak sa nanay ko, ngunit siya

Na sa puso’y bibighani, dapat ako’ng sundin niya.


Kung kami ay ikasal na’t biyayaan ng Maykapal

Ng maraming mga anak, ano’ng aral ang iiwan

Kung sa tuwing mag-aaway ay kanilang masaksihan

Na ako pang ama nila ang mahina at talunan?


Ang babae’y iniibig, sinusuyo, minamahal

Binibigyan ng atensyon, tinataas sa pedestal

Ngunit may pagkakataong kailangang iparamdam

Na lalaki ang haligi at pundasyon ng tahanan!



katreena says:

ARAL SA MGA SUPLING


Ikaw na rin, royalblogger, ang nagtanong sa pangaral

Na sa murang pag-iisip ng supling ay ikikintal

Sa twing may di-unawaan ikaw at ang minamahal

May takot na sumisibol sa puso ng kasambahay.


Amang hindi kumikibo sa inay na walang imik

Sa mata ng batang munti at musmos ang pag-iisip

May larawang matatanim sa diwang di maaalis:

Ang lalaki mapang-api, ang babae mapagtiis.



royalblogger says:

MAHAL, SAAN KA NANGGALING?


Ganyan din ang iisipin ang tsismosang kapitbahay

At ng byenang binebeybi ang anak na kinampihan

Maski kaming lalaki na ang inapi sa tahanan

Babae pa ang syang martir sa oras na may tampuhan.


Pagod na nga sa maghapong pagkayod sa kikitain

Pag-uwi pa sa tahanan, pobreng mister ra-rat-ratin

Ni misis ng malisyosong ‘Mahal, saan ka nanggaling?”

At ng walang katapusang pagbibintang na nagtaksil!



katreena says:

KUNG TUNAY NA MAGINOO


Oh ginoong royalblogger, wag idamay ibang tao

Sa babae at lalaking kapwa galit o may tampo

Sino ang unang babati? Kung tunay kang maginoo

Ang sagot ay walang iba kundi ikaw na rin mismo.


Sinabi mong ang lalaki ay haligi ng tahanan

Ang haligi’y nararapat maging muog at sandigan

Ng babaeng kung talagang taus-pusong minamahal

Hindi dapat tinitikis kahit ikaw’y nagdaramdam.



royalblogger says:

KAHIT BANAL DI TATAGAL


Ang lalaki pag nagdamdam ay madaling magpalipas

Lalo na kung labis-labis ang pag-ibig sa kapilas

Ngunit kahit santong banal di tatagal at kakalas

Sa babaeng walang kibo, walang imik pag nagbargas.


Alalaong baga’y sana, kung may tampo o hinaing

Wag lang basta manahimik; si mister ay konsultahin

At lalong wag ipagsabi sa iba ang suliranin

Na kung kelan malala na’y lalaki pa’ng sisisihin!



katreena says:

LAGING WALA


Pa’nong hindi mauuna ibang tao sa pagdamay

Ang lalaki pirming wala sa sariling pamamahay

Hatinggabi kung umuwi, lasing at hahapay-hapay

Di ka pa nga umiimik, may ganti nang bulyaw, sampal.



royalblogger says:

ATUBILI SA PAG-UWI


Sinong pagod sa trabaho ang di kaya maturete

Kung sa halip kumustahin, “gutom na ba aking Honey?

Dinig sa kanto ang sermon ni Babae kay Lalaki

Kaya ayaw nang maglagi sa bahay at naririndi!



katreena says:

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG


Sala sa init at lamig ang lalaki kapag ganyan

Umimik ka’t manahimik, ikaw rin may kasalanan.



royalblogger says:

PUSONG MAMON


Lalaki ay pusong mamon kung babae’y marunong lang

Na maglambing at maunang aamin sa pagkukulang!



katreena says:

SINUSUYO


Babae ang sinusuyo, lalaki ang nanliligaw.



royalblogger says:

SINUSUNOD


Lalaki ang nasusunod bilang puno ng tahanan!



katreena says:

MALING URI


Maling uring pagmamahal…



royalblogger says:

PAGGALANG


Igalang ang aming dangal!



tagapamagitan says:

PAGWAWAKAS


Ako muna’y papagitna, royalblogger at katreena

Kapwa kayo may katwiran panig man ay magkaiba

Sa magiting na pagtudla at mahusay na pagsangga

Pasalamat nang marami ang handog ko’t ng balana.


Sa iba pang nagnanais na magbigay ng opinyon,

Patula man o hindi na, tatanggapin pa rin ngayon

Mag-log in lang saka mag-post ang komentong nauukol

At abangan ang pag-approve ng lingkod nyong moderator.


Muli aking paalala sa tutunghay sa blog na ‘to

Bawa’t tao ay may kanyang personal na kurukuro

Mahalaga, kahit munti, tayong lahat ay natuto

Pulutin lang ang mabuti, ang masama iwan ninyo.

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Pagtatanggi

Ang mga komentong nakalathala sa blog na ito ay personal na opinyon...

    

PGMA hanggang 2010?

Tungkol sa pagpapatuloy sa pagka-Pangulo ni Gloria Arroyo hanggang sa 2010

    

Executive privilege vs people's right to know 

Tungkol sa kontrobersyang ZTE National Broadband Network Deal

    

Pag-ibig at tampuhan

Tungkol sa tampuhan at muling pagkikibuan ng dalawang nagmamahalan


Paalam, Cory...Paalam, 'Democracy'

Tungkol sa demokrasya sa Pilipinas at pagpanaw ni Pangulong Corazon Aquino


Noynoy for President

Tungkol sa planong pagtakbo ni Benigno “Noynoy” Aquino III bilang presidente sa halalan sa 2010


Trahedya ni Ondoy

Tungkol sa kung sino sa mamamayan o pamahalaan ang may higit na kapabayaan sa panahon ng kalamidad


Epekto ng print at broadcast media sa Pilipinas

Tungkol sa positibo at negatibong bunga ng media sa bansa

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link