SI MANG ESTONG

ni Lamberto B. Cabual

​

Katapusan ng Kuwento – Pahina 6

    “Oo,” humikbi siya, “naiwan ako kay Lola.”

​

    Maykaya raw sa buhay ang Lola ni Jenny at napapag-aral siya nito. Napapagtapos siya sa kolehiyo. Pangarap niyang makapangibayong-dagat, kaya humingi siya ng pahintulot sa kanyang Lola upang makapagtrabaho sa ibang bansa. Pinayagan daw siya. At nagkapalad siyang makarating at makapaghanapbuhay sa London.

​

    Sa bahaging ito ng pagsasalaysay, nakayukong huminto at nagbuntunghininga si Jenny.  Namayani ang katahimikan.   

​

    At ako ang bumasag ng katahimikang yaon.

​

    “Jenny, ‘lam mo bang sinubaybayan ka namin nang magkita kayo ni Mang Estong sa restoran sa Earls Court noong isang buwan?” 

​

    “Talaga?”

​

    “Pero nang lumabas kayo ng restoran, bakit naghiwalay kayo ng sasakyan. Si Mang Estong ay sa kotse niya at ikaw naman e nag-taxi.”

​

    “Kinailangan kong dumaan sa opisina ng Pinoy’s Courier, at magkaiba ang direksiyon ng pupuntahan namin,” wika ni Jenny.  

​

    “Bakit nga pala may usap-usapang babaero si Mang Estong at ang pinipili pa’y yaong lubhang mga bata kaysa kanya?” tanong ni misis.

​

    “Naipagtapat niya sa akin, Ate, na noon ay sabik siya sa pagtingin ng nakababatang kapatid at nakikita niya iyon sa mga nakababatang kaibigan niyang manunulat na dalaga.  Wala siyang anumang masamang motibo.”

​

    “Kung gayo’y mali ang bulung-bulungan at iniisip ng mga tao,” sabi ko naman.”

​

    “Oo, Kuya, maling-mali ang hinala nila sa kanya. Malinis at maganda ang isipan at puso niya, sinlinis at singganda ng kanyang mga tula.”

​

    Talamak na ang kanser sa atay ni Mang Estong at namatay siya sa ospital. Labis na ipinagdamdam ni Jenny ang lahat.

​

    Sa gabi ng paglalamay sa yumao, naroon kami ng asawa ko. Nakalaan kaming magbigay ng anumang tulong na kailangan ni Jenny sa kanyang pagdadalamhati.

​

    Hindi pa naitatakda ang libing ni Mang Estong. 

​

    “Jenny, kailan ba ang libing ng boy friend mo?” tanong ko.  

​

    “Hindi ko siya boy friend, Kuya”

​

    Namangha ako, “bakit, nagpakasal na ba kayo… secretly married ba kayo?”

​

    “Hindi rin, Kuya.”

​

    “Kung hindi, e… bakit nagmamalasakit ka sa kanya nang ganito?”

​

    Tinitigan niya ako,  “Kuya, siya ang…”  may luhang naglandas sa kanyang pisngi.

​

    “Sino nga siya?” hinawakan ko siya sa balikat.

​

    Yumakap siya sa akin, “Siya ang ama ko!” bigla siyang humagulgol.

​

    Tigalgal kaming napaupo ni misis sa kalapit na sopa! ––

​

Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]  [5]  [6]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link