BUGSO NG GUNITA

ni Bert Cabual

​

​

PASINTABI | PAALAM, MAHAL KO! | NASA ISIP KITA, NAYON KO | ITO BA ANG LONDON? | LONDON AT MAYNILA | SIPAG-PILIPINO | HAWIG NG PALAD | PAGHANGA | KAMAYANG KAY PINA

​

​

LONDON AT MAYNILA

​

​

​

​

​

​

​

​

​

​

​

​

​

​

​

Sa pangalwang araw ng aming pagdating

sa itinalagang tinulugang otel;

may nagpaliwanag ng marapat gawin,

saka tinulutang papasyal-pasyalin.

​

Ang paligid-ligid ay aming pinasyal—

Hampstead, Piccadilly, Victoria’y nilakbay;

at saka ang bantog na sa Londong tulay

ay buong paghangang pinagmasdan-masdan.

​

London at Maynila’y kung paghahambingin,

di nagkakahuli sa unang pagpansin;

maganda ang London sa aking paningin,

kay sigla kung araw, kung gabi’y maningning.

​

Nguni’t ang Maynila’y bagama’t may sigla

at may paningning ding kung gabi’y masaya;

doon ay may pook na pangmalik-mata,

basura’t estero na nakasusuka.

​

Sa Lungsod ng Londo’y mayroon din kaya

na bunton ng taong limahid at dukha?

sa lugar bang itong balumbon ng rangya’y

may patay-gutom ding kawawa at aba?

​

Ang lamig ng hangin habang naglalakad

ay dapyong tumimo sa buto ko’t balat;

kalamigang yao’y habang nalalanghap,

nasasa-diwa ko ang bansa kong liyag.

​

Ang Pilipinas kong laging nagbabata

ay di matatalo sa kiyas at ganda;

danga’t may kuhilang nagsasamantala

sa pawis at dugo ng bayan kong sinta.

​

 

KASUNOD > SIPAG-PILIPINO

​

PASINTABI | PAALAM, MAHAL KO! | NASA ISIP KITA, NAYON KO | ITO BA ANG LONDON? | LONDON AT MAYNILA | SIPAG-PILIPINO | HAWIG NG PALAD | PAGHANGA | KAMAYANG KAY PINA

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link