Site menu:

 Bakit Kailangang Dagdagan ng Isa Pang Taon ang Haiskul sa Pilipinas?
Balagtasan
Budhing Inaanay
Isang Bagay ang Tiyak

  SEND EMAIL

TUNGKOL SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

SALAMAT SA MGA SPONSORS







ads - group 5
ads - group 6


 

SALTIK-PANITIK:  BALAGTASAN

ni Bert Cabual

 

TUNAY na sa paglipas ng mga dantaon ay buhay at umaalingawngaw pa ang tinig ng Balagtasan sa Pilipinas at sa iba pang panig ng daigdig.  Hindi man singningning ng mga nakaraan, ito’y nasasaksihan pa sa entablado ng mga liwasang-bayan at sa tanghalan ng mga paaralan sa ating bansa.  Sa Ibayong-dagat nama’y di nagpapabaya ang mga Filipinong nangingibang-lupa na magtanghal ng Balagtasang kamanyang ng ating pagkalahi.   May web site pang OFW-Ang Bagong Bayani na nagtatangkakal ng sining ng debate sa tula at pinamamatnugutan ng kaibigan naming Rafael A. Pulmano, isang makatang may lantay (kumbaga sa ginto) na pagkahilig at malasakit sa pananalunton sa mga bakas ni Balagtas.


PAGSULYAP
     
MARAMI nang nagsulat sa paksang ito na nagkakaisang ang bahaging ito ng ating panitikan ay parangal sa kadakilaan ng Ama ng Tulang Tagalog na si Francisco Balagtas, ang unang makatang pumaimbulog sa tugatog ng katanyagan at nakaakyat sa pinakamayog na taluktok ng bundok-Parnaso.  Mahirap nang pantayan ang tinamong tagumpay ni Balagtas sa pananaludtod ng imortal niyang tulang kasaysayang “Florante at Laura.”  Nagbabadya ang  tipan ng kasaysayan na ang orihinal na Tagalog ng likhanggurong ito ay may salin sa iba pang wikain ng Pilipinas — sa Ilokano, sa Ibanag, sa Panggasinan, sa Kapampangan at sa Sinugbuwanon.  May salin pa rin ang matayutay na obra maestra sa wika ng ibang bansa — sa Aleman, sa Pranses, sa Ingles, at sa Kastila.  Katotohanan at di maipagkakailang kinikilala at hinahangaan ang matalisik na aklat hindi lamang sa Pilipinas, manapa’y sa iba pang panig ng mundo.  Mahihinuhang di lamang makatang  pam-Pilipinas si Francisco Balagtas, bagkus ay isa rin siyang makatang pandaigdig.  Kaya nga ba’t tumpak lamang na ilangkap sa pangalan niya ang pagtatalo sa larangan ng pagtula — ang ipinagtataas-noo natin na may harayang...“Balagtasan.”

Mababakas na bago pa nagkaroon ng Balagtasan, ang pagsasagutan o pagpapasaringan noon sa tula ay tinatawag na “Duplo.”  Umano’y ganito kung manaludtod sa duplo ang ating mga ninuno ng huklubang  panahon:

“Ikaw pala nama’y salawahang loob,
Nakapamamangka sa dalawang ilog;
Sarhan mo ang isa’t nang mapanibulos,
Sa isa na lamang mapisan ang agos.”

O kaya’y —

“Ako sinta’y ‘nalis haharap sa Diyos,
Ipagsusulit ko ang di mo pag-irog;
Kung ako’y tulutang sa lupa’y manaog,
Pagmumultuhan ka nang katakut-takot!”

At nauwi nga sa debate o pagmamatuwiran sa tula, na bininyagang “Balagtasan” (sunod sa pangalan ni Balagtas), ang dating matandang duplo upang parangalan at dakilain ang Hari ng mga Makatang Filipino.


PAGKAMULAT

SINASABING iniluwal daw ang unang Balagtasan sa Instituto de Mujeres sa paksang “Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan” na pinagtunggalian nina Jose Corazon de Jesus at Florentino Collantes.  Kapuwa mahusay na makata at mambibigkas sina Huseng Batute (sagisag-pampanitikan ni De Jesus) at Kuntil-Butil (sagisag-pampanitikan ni Collantes). Sa unang tagisan ng talino sa Balagtasang yaon ay patas ang inihatol ng Lakandiwa.  Nguni’t nang magbalagtasan sila sa Teatro Zorilla sa paksang “Ang Dalagang Pilipina: Noon at Ngayon” ay nagapi si Collantes at tinanghal na Hari ng Balagtasan si De Jesus.  Sa isip-isip namin, sayang at wala pa kaming kamuwangan nang panahong yaon, nasaksihan sana namin ang pagsasagupa ng itinuturing na mga taga-ugit at taga-pamuno ng Balagtasan.

Bata pa man kami’y may pagkahilig na sa pagtula.  Hangang-hanga kami sa mga makata, lubha pa’t mahuhusay na mambibigkas.  Doon sa amin sa Batangas ay nasaksihan at narinig ang pagtula ng hindi madaliring bilang ng mga manunula.  Subali’t nakatawag ng musmos pa naming pansin ang pagtula ng mga makatang Nicomedes Atienza at Pablo Aguila.  Minsa’y nagbalagtasan sila, hindi  na nga lamang namin matandaan ang paksa — dahil bukod sa pangangatuwiran sa tula — ay nasa kiya, bigkas at tinig nila ang aming konsentrasyon.  Sa sarili naming pagtaya ay higit na magaling sa pagbigkas si Aguila, si Atienza nama’y higit na malamukot at makatuturan kung tumula.  Parang nauulinigan pa namin ang bunghalit ni Aguila noon sa baritonong boses, “Huwag mong tularan iyang ibong-uwak, ngala’y sinasambit habang lumilipad!”  Haplit naman ni Atienza sa matinis nguni’t malinaw na tinig, “Di ba ibong-pipit ang iyong kawangis, kahi’t sugatan na’y awit pa ng awit?”

Patunay sa masining at malalim na pagtula ni Atienza ang tula niyang “Dakilang Lumpo” (Parangal kay Apolinario Mabini) na inilathala noon ng isang bantog na magasing-Filipino.  Namnamin ang kanyang pananaludtod sa unang dalawang saknong ng tula:

“Tinig sa karimlang nag-apoy sa dugo
ng lahing ginaga ng budhing baliko;
may paninindigang hindi naigupo,
bagkus naging kulog: umangil, kumulo;
sa dayong watawat ay ayaw yumuko,
sukdang mapatapo’t padurog na bungo.”

“Nagkawing sa diwa ng malayang pakpak
na inihinang pa ng dugong sumulak;
utak na kinasi ng gabing magdamag
na kasuyong dupil sa pagbabalikwas…
talim ng panitik ang sandatang tabak
na ipinanghawan sa tinikang landas.”

    Huling mga taon ng dekada 50 nang lumaganap sa buong Pilipinas ang  Balagtasan sa radyo nina Antonio Reymundo (kilala sa taguring Tony Rey) at Ofelia Angeles. Lakandiwa nila si Ka Tino Istanislao, taga-pagpahayag naman ng paksa at taga-pagpakilala si Rino Dakome.  Tuwing Linggo, ikasiyam ng gabi, isinasahimpapawid noon ng DZRH ang pagtatalo sa tula. Sinubaybayan sa radyo ng angaw-angaw na Filipino, sa mga tindahan, sa mga tahanan, at maging sa mga lambak na kabukiran, ang kinagigiliwang programang “Oras ng Balagtasan.”  Kabilang ang aming pamilya sa pagsubaybay na yaon, at habang nakikinig ng Balagtasan, sa pagdidili-dili’y naglalakbay ang aming guniguni...nangangarap — at ibinubuko sa sariling balang araw ay sasangkot sa sining na ito, na bahagi ng ating kalinangan. 

Sabihin ma’t di sabihin, ay hindi mapasusubaliang ang pangkat ng “Oras ng Balagtasan” ang nagpalaganap at nagpasigla sa nananamlay noong Balagtasan, danga’t may ilang makatang kritiko na hindi kasang-ayon sa kaisipan naming ito.  Aywan kung talagang napakinggan nila (ng mga kritikong ito) ang mahimig at nakararahuyong pagtula ng magkatuwang na makata.  Sa anu’t ano man nang panahong yaon, sa ganang amin, ay mataas na rin ang naakyat na katanyagan nina Antonio Reymundo at Ofelia Angeles sa pagtutulaang parangal kay Francisco Balagtas.


PAGSANGKOT

NAGSIMULA kaming sumulat at bumigkas ng tula, nagpalathala ng akda sa mga pambansang magasin at iba pang babasahin.

Nakita at nakasalamuha namin sa Batangas, Batangas (Batangas City ngayon) ang yumaong Claro Mayo Recto, isang taon bago siya binawian ng buhay. Noo’y Abril, 1959 nang magdaos sa Liwasang-Mabini sa Batangas, Batangas ng timpalak-panitik-bigkasan sa tula sa temang “Si Balagtas at ang Wika.”  Nagtalumpati siya.  Nasa murang edad pa ma’y mataman naming inulinig ang kanyang madiwang talumpati.  Aniya’y Si Balagtas at ang ating Pambansang Wika’y magkatambal-suyo sa taluktok ng bundok-Parnaso.  Sinabi pa niyang marangal ang bansang may sariling wika pagka’t di maililigaw ang kaluluwa at kabansaan  nito.
   
Kalahok kami at pinagwagihan ang timpalak sa tulaang yaon.  Pinakabata man sa mga nagsilahok, ay laking tuwa nang sa labindalawang makatang sumali sa paligsahan ay nakamit ang unang gantimpala.  Bilang panauhing pandangal, si Recto ang nag-abot ng Tropeo ng karangalan at ng gantimpalang salapi sa mga nagsipagwagi.  Nang tanggapin namin ang Tropeo at gantimpala, kumamay at yumakap siya nang mahigpit.  “Binabati kita…gusto ko ang tula at bigkas mo!” bulong niya.  Hindi namin malilimutan kailanman ang pakikisalamuhang yaon! 

Sa  mga humaliling taon, sa isa ring okasyong-pangwika, ay nahirang kaming makipagtunggali sa Balagtasan sa makatang  Petronila Hernandez sa paksang “Sino ang Higit na Mahalaga sa Lalaki at Babae sa Kasaysayan ng Buhay at ng Lipunan?”  Sa panig kami ng lalaki at sa panig naman ng babae si Bb. Hernandez.  Lakandiwa ang beteranong guro sa Filipino at makatang  Lazaro Mercado.  Sabi ng Lakandiwa, “Hindi dapat na maghamok ang lalaki at babae, dapat lamang maglambingan kapag sila’y nasa katre...”  Nang isulit ang pasiya ng inampalan, ipinahayag sa tula ng Lakandiwa na patas ang kahatulan.

Nagkapalad kaming maging announcer sa himpilan ng radyo ng Luzon Broadcasting Company, DZBT-Batangas. Mula sa pagiging news reader sa Eveready Newscast  (7:00 – 7:30 n.u.) ay itinaas kaming Chief Announcer.  Noon namin hinikayat ang Program Director na lumikha ng mga programang pangkultura.  Hindi naman kami nabigo. Unti-unting inilunsad ng himpilan ang pangkalinangang “Filipinyana,” “Mga Gintong Alaala” at ang pinananabika’t mimithing “Ningning ng Balagtasan.”  Naging manunulat kami ng iskrip sa Balagtasan at nangalap ng mahuhusay na mambibigkas. 

Hindi basta-bastang tagumpay ang tinamo ng palatuntunan sa radyong “Ningning ng Balagtasan,” na noo’y sumasahimpapawid tuwing Sabado ng gabi.  Dumagsa ang mga kalatas ng pagbati at mga liham na humihiling na pagtalunan ang mga paksang mula sa mga taga-pakinig.   Tangi sa pagbabalagtasan sa himpilan, ay inanyayahan na  kaming magtanghal sa mga pistang-nayon at mga pistang-bayan.  Nakarating kami sa malalayong bayan at nayon, sa mga sulok na lugar ng Lobo, Batangas, nakapagtawid-dagat din hanggang sa Isla Verde, Batangas, at Oriental Mindoro.    

At sa mga kapistahan ay inatasan na rin ang  makata ng “Ningning ng Balagtasan”  na magputong at magpapuri sa reyna at musa ng mga pagdiriwang.  Pawang may taglay na mabibihirang ganda’t panghalina ang mga mutyang sinuob namin ng maindayog na  tulain ng  paghanga at parangal.   Anupa’t ang kaway ng  alaala ay lalaging magkikintal ng ngiti sa aming mga labi.  Hinabi naming mga saknong ang gunita ng karanasang yaon (bahagi ng akdang “Ang Huli Kong Tula”):

“Nagbabalik sa gunita ang masayang mga araw,
mga dahon ng pagsuyo sa aklat ng aking buhay;
kapag ako’y tumutula sa ibabaw ng tanghalan,
pagbigkas ko’y nalulunod sa tunog ng palakpakan;
bumabati ang maraming may hatid na pakundangan,
katanyagang inakyat ko: O, kay hirap malimutan.

Minsan, ako’y nakumbidang sa pistahan ay bumigkas,
upang ako ang magputong sa hinirang nilang dilag;
sa tula ko’y nahalina yaong reynang nagagalak,
kung ako raw’y pakakasal ay papayag siyang ganap;
napangiti ako noon: di ko ibig na magpanggap,
nagbibiro lamang ako’y naniwala na kaagad!

Marami rin ang diwatang pinuri ko’t tinulaan,
mga mutya na hindi ko malilimot kailanpaman;
kung may gandang magdaraya na di dapat na handugan,
palad yaon ng makatang may tungkuling ginampanan…
sa tula ko inaaliw—kaibiga’t kasambahay,
at sa tula’y nilulutas— suliraning tinataglay.

Kapag ako’y tumutula: nilulubid ang buhangin
at kapagka bumibigkas: tinataghoy ang tulain;
kung nais kong magpatawa’y sa tula ko daraanin,
kung may bungkos na pighati’y sa tula ko lulunurin;
mayroon daw kasabihang ang mabuhay sa tulain,
umiiyak kung may tuwa’t may halakhak sa hilahil!”


ALIMPUYO SA IBAYO

KABILANG kami sa bunton ng manggagawang Filipinong nangibang-lupa sa Inglatera—isinadlak ng karukhaan sa pandayuhan, gayunpama’y taglay sa puso ang marubdob na pag-ibig sa lupang tinubuan at  pagdamay sa kababayang nagdaranas ng masidhing pamimighati at pangungulila sa naiwang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Lumikha kami ng katipunan ng mga tula na inaasahang makaaaliw at bahagya ma’y makapagpapagaan sa simbigat ng mundong nakaatang sa balikat  ng  mga kababayang nasa ibayong-dagat.   Ipinaaklat ito ng CFMW (Commission for Filipino Migrant Workers).  Sa huling bahagi ng Foreword (Paunang Salita) ng aklat ay nagpahayag ang Komisyon ng ganito:

“Here in this presentation is the emergence of the first collection of any Filipino Poet in Britain.

L. B. Cabual brings to his art a passionate and sympathetic experience of the condition of Filipino migrant workers.  He compels us to be drawn into the emotions of loneliness, separation from family, pressure to work, foreignness of the environment, humour, and other most human aspects of the lives of migrant workers in Britain, through his poems.

The CFMW considers the publication of these poems as a very significant cultural expression of the Filipino Community here in Britain.”

Nasaling ng titulong-tula (Title Poem) ng aklat  na “Pangingibang-Lupa” ang damdamin ng mga Filipino na itinadhanang mangibayong-dagat.  Ganito ang daloy ng mga taludturang umantig sa puso ng mga biktima ng pagkadukha na nagtaboy na lisanin nila ang bansang sinilangan:

“PANGINGIBANG-LUPA
Ni L. B. Cabual

Ang marubdob na hangari’y isang lundo ng pangarap,
kumakaway na pag-asang iniluwal sa liwanag;
nasa dakong malayo raw ang adhikang hinahanap,
sukdang puso’y mangulila at dalawin ng bagabag;
tayo’y parang bagong taong ang dalangi’t pagsisikap
ay kasuyo ng liwayway sa makulay na watawat.

Dati’y abot-tanaw noon ang naglunting kapatagan,
isang hiyas na lunggati ang lagwertang umiilaw;
ngayo’y dahon ng taglagas ang katalik na maselang
at kayakap ang tagsibol sa marosas na lansangan;
kung sumapit ang taglamig at mapanot ang kahuyan,
bumabati ang tag-init sa santaong kasaysayan.

Bawa’t araw na lumipas ang tadhana ay may hamon
na ang bisig at isipa’y buong-sipag na ibangon;
kung mabuyo ang damdamin at madarang ang hinahon
ay may sumbat na darating sa pag-ibig na nalipol;
ang pagtahak sa kanlurang luha’t pagod ang binaon
ay perlas ding matutunaw kung sakmalin ng linggatong.

Maulap nga sa kanluran at ang araw ay malayo,
sa kay lamig na himlaya’y daming luhang tumutulo…
Nasaan ang aking inang karamay ko sa siphayo,
nasaan ang aking amang kung lumingap ay may biro?
ang kapatid, kaibigan, kamag-anak at kasuyo—
ang asawa, mga anak—parang bulang nangaglaho!

Mga buntunghininga ko’y naglalagos sa Silangan,
sabik ako sa pag-irog ng lupa kong sinilangan;
ang alabok sa nayon ko’y sabik ko nang matapakan,
mga bundok niya’t gubat—sa ang ibo’y may awitan;
nagigiliw na rin ako sa aliw-iw ng batisan,
sa kung ako’y tumutula—may himig din silang alay.

May London bang umiiyak sa pagluha ng paligid—
mayroon bang walang pusong lumilikha ng pag-ibig?
May lupa bang hindi kanya’y niyayakap sa pasakit,
at ang lupang kinagisna’y walang awang inuusig?
Kung dungo man ang panata ng may gapos nating isip,
pagbabalik sa bayan ko’y may pangakong bagong langit!”

Tangi sa koleksiyon ng mga tulang nakapaloob sa aklat, ay naroon din ang Balagtasan na may paksang “Dapat ba o Hindi Dapat na Manatili sa London ang mga Filipino?”  Mula nang ipanganak ang aklat na “Pangingibang-Lupa,” ang Balagtasang ito’y makailang beses na itinanghal sa mga pangmadlang palatuntunan sa pagtitipun-tipon ng mga Filipino sa London.


PAGLALAGOM

BAGAMA’T  pagsulyap lamang ang ipinukol namin sa kahapon ng Balagtasan, di ito matatasahan ng mababang pagpapahalaga kung lilimiing ito’y pakundangan sa presensiya ng kasalukuyan.  Kailangang sulyapin ang pinagdanan at tanawin ang haharapin upang makitang malinaw ang  kinaroroonan ngayon ng pamanang Balagtasan ng Sisne ng Panginay, Bigaa, Bulacan. 

Matino’t masugid na pagmamasid, pakikinig, pakikiramdam at pagbabasa ang bulaos at duluhan ng pagkamulat namin sa katotohanan ng paligsahan ng pagmamatuwid sa mga sukat na taludtod at mga dalisay na tugma. 

Datapwa’t lalo pang makabuluhan ang pagsangkot.  Sigla’t sigasig ito na kailangang may lakip na pag-uukol ng panahon, pagtitiis at pagpapakasakit.  Alalaong baga’y pagsangkot na may galaw at walang humpay paggawa.  Tulad sa pag-ibig at pananalig, ang pagsangkot na walang gawa’y patay na pagsangkot!  Nakisangkot  kami nang walang halong pagsisimpi at pagkukunwari sa paglilinang ng malalawak na bukirin at mahahabang tumana ng kahanga-hangang tanawin ng Balagtasan. Mula sa pagpapati-anod sa agos ng batisang nasa sinapupunan ng Inang Bayan hanggang sa pagsalunga sa alimpuyo sa ibayo ng aming pangingibang-lupa ay kasama at kasangkot kami sa paghawi ng ulap na dagim sa langit ng panulaang-Filipino.


PANANAW

DAHIL sa nalikha’t nahubog ang kamalayan namin sa pagtula sa pamamaraang hinabi ni Francisco Balagtas, hindi kami natangay ng pagbuhos ng baha ng  Kanluraning malayang taludtod (free verse) sa dagat ng mala-banyagang panitik sa pagkatha.  Nanatili kaming tapat na alagad ni Balagtas sa katutubong sukat at tugma ng tulang-Tagalog (Filipino).

Hindi nagmimintis ang matandang kawikaang “Nauulit ang kasaysayan!”  Sa abang pananaw nami’y muli pang mamamayani ang tradisyonal na paraan ng pagtula, gayundin naman, minsan pang mapatitingkad at maibabalik ang dating kulay at dating luningning ng pagtatalo sa pamamagitan ng tula — ang Balagtasang panuob na kamanyang sa makatang hirang  ng ating lahi...at pandaigdig na makata — si Gat Francisco Balagtas. —


balik sa itaas ]

Mga katha ni Bert Cabual na matatagpuan sa sayt na ito
Tula:  Ang Makata at ang Alak | Kamanyang Kay Manny Pacquiao | Si Quezon at ang Wika | Soneto kay Paeng | Noynoy: Asin at Ilaw | Kaluluwa ng Lahing Marangal | Maligayang Pasko | Sining ng Paglaya |
Ang Ulan ng Mayo  
Kwentula: Bugso ng Gunita
Balagtasan:  Bata at Pamalo | Si Manny Pacquiao at ang Politika |  Dagdag na taon sa Haiskul
Sanaysay: Saltik-Panitik: Balagtasan
Maikling Kuwento: Ang Dasalan ni Belen | Isang Libo't Isang HalikMay Lihim ang Bahay-bahayan | Mayo at Disyembre | Si Mang Estong

 


Tunghayan din ang aking Blog

BlogTalasan ng Katwiran


PAKSA # 1
PGMA Hanggang 2010?
TANONG: Dapat ba o hindi dapat magpatuloy sa tungkulin bilang Pangulo ng Pilipinas si Ginang Gloria Macapagal-Arroyo hanggang sa taong 2010?

PAKSA #2
Executive Privilege vs People's Right To Know
TANONG: Sa kaso ni Neri na tumangging sagutin ang ilang katanungan sa pagdinig ng Senado hinggil sa kontrobersyang ZTE National Broadband Network Deal, alin ba ang nararapat bigyan ng higit na pagpapahalaga: Pribilehiyong Ehekutibo ng Pangulo? o Karapatan ng Mamamayan na Malaman ang Katotohanan?

PAKSA #3
Pag-ibig at Tampuhan
TANONG: Sa dalawang nag-iibigan, halimbawang kapwa sila nagkamali, sino ang unang dapat bumati at manuyo upang mawala ang alitan o tampuhan: Lalaki o Babae?

PAKSA #4
Paalam, Cory...Paalam, 'Democracy?'
TANONG: Sa muling pagkagising ng kamalayang makabayan sanhi ng pagpanaw ng dating Pangulong Corazon ‘Cory’ Aquino, ningas-kugon ba lamang ito – o patuloy na mag-aalab sa puso at diwa ng sambayanang Pilipino?

PAKSA #5
Noynoy for President?
TANONG: Dapat bang kumandidatong Presidente ng Pilipinas si Benigno "Noynoy" Aquino III sa halalan sa taong 2010?

PAKSA #6
Trahedya ni 'Ondoy'
TANONG: Malagim na trahedyang bunga ng bagyong 'Ondoy' at iba pang kalamidad sa Pilipinas na maaari namang iwasan kung may kaukulang paghahanda, sino ba ang may higit na kapabayaan – mamamayan o pamahalaan?

PAKSA #7
Epekto ng Print at Broadcast Media sa Pilipinas
TANONG: Higit bang nakatutulong o lalo lamang nakapipinsala ang print at broadcast media sa Pilipinas?



 


"Higit pa sa ginto ang karununga't kaalaman,
Mahalaga kaysa pilak ang unawang tinataglay."
                    – Awit 16:16