Ang Dasalan ni Belen
| Isang Libo't Isang
Halik
| May Lihim ang
Bahay-bahayan | Mayo
at Disyembre | Si
Mang Estong | Subyang sa Puso
MAY LIHIM ANG BAHAY-BAHAYAN
ni Lamberto B. Cabual

MASAKIT ang sigid ng init ng araw sa balat, ikasampu pa lamang ng
umaga. Sinimulan na ang paggawa ng isang mansiyon na
umano’y pag-aari ng isang maykaya. Hindi namin
kilala ang may-ari ng ipinagagawang ito. Ayaw raw na
magpakilala. Sa isip-isip ko, marahil ay isang malaking
pulitiko na ayaw mabisto ang kayamanan sa pangambang baka
siya’y imbestigahan at makasuhan ng
Inexplicable Wealth.
Isa akong arkitekto, at bukod sa
rito’y
Civil Engineer pa. Dalawa ang kurso kong
natapos. Matiwasay akong nakapagtapos ng
high school sa
pagpupunyagi ng aking mga magulang. Mapangarapin ako at nag-
working
student ako sa siyudad. Awa ng Diyos, maluwalhati
akong nakatapos ng dalawang kurso na kapuwa ko naipasa sa eksamen ng
pamahalaan. Kaya ngayo’y
licensed Architect at
licensed Civil Engineer ako.
Sa ginagawang malaking gusali, ako ang
arkitektong gumuhit ng plano at ako rin ang enhenyero. Hindi
ko alam kung sino ang nagpapagawa, basta may kinatawan siyang
nakipagkontrata sa akin. Pumayag ako, di ko man kilala ang
may-ari, tutal babayaran naman ako sa halagang
napagkasunduan. Ang kinatawan ng nagpapagawa ang pumirma sa
kontrata.
Ang
foreman na raw ang bahala sa lahat, sa pagbili ng mga materyales,
pagpapatrabaho sa
steel man, kapentero, tubero, electric man at
labor. Basta’t ako’y manaka-naka raw
lamang na sisilip upang tingnan kung tama ang ginagawa ng mga
trabahador. Nguni’t ang nais ko’y tumutok
sa ginagawang bahay. Gusto kong makita at masubaybayan nang
malapitan ang lahat nilang ginagawa. Hangad kong ang
bawa’t bahay o gusaling ako ang arkitektong gumuhit at
enhenyerong namamahala ay magawa nang tama sa plano at pulido ang
pagkakayari.
Kinausap ko ang kinatawan ng may-ari na
gusto ko’y naroroon ako habang ginagawa ang bahay upang
makatiyak na magiging maayos ang lahat. Subali’t
sabi ng kinatawan ay pangingilagan at kasisilungan ako ng mga
manggagawa. Para daw sa kabutihan at kapanatagan ng mga
manggagawa, minsan-minsan na lamang akong sumipot. Naroon daw
naman ang kapatas para ipatupad ang lahat ng nais ko sa pagpapagawang
ito.
Iginiit ko ang gusto ko. Iminungkahi
kong magpapanggap akong trabahador din, sasama ako sa mga manggagawang
nasa grupo ng labor. Pumayag siya at yaon nga ang nangyari,
kaya narito ako, kasamang nagtatrabaho at nagpapawis sa init ng araw.
“Pedro, bilis-bilisan mo nga
ang paghahakot ng
hallow blocks,” sigaw sa akin ng
kapatas. “Aabutin tayo ng kuwaresma sa paggawang
ito kung ganyan ka kabagal!”
“Opo,” tugon ko
naman habang tagaktak ang pawis sa buo kong katawan.
Ang talagang palayaw sa akin ay Peter,
nguni’t dito’y Pedro ang itinatawag nila,
palibhasa’y nasa
labor group lamang ako, busabos ang
pagtingin nila sa akin. Wala silang kamalay-malay na ako ng
arkitekto at enhenyero ng pagpapagawa ng malaking tahanang
ito. Ngali-ngali na akong mainis, magpakilala, at sila ay
pagmumurahin ko. Datapwa’t dahil nga sa may misyon
ako, kaya dinagdagan ko ang pagpipigil ng sarili.
“Tumulong ka sa paghuhukay
pagkatapos niyan.”
“Masusunod po.”
Malimit kaming binubulyawan na nasa
pangkat ng labor hindi lamang ng
foreman. Ang iba pang
matataas sa amin ang tayo, tulad ng
steel man, mason, at karpentero, sa
paggawang iyon, ay nambubulyaw din.
Lumipas ang mga araw. Nang
makapag-
layout at iskuwalado na ang mga sulok, sinimulan ang
excavation
at kaming nasa
labor ay pinapaghukay ng pagbubuhusan ng
graba, buhangin at semento. Sabi sa akin ng kapatas ay doon daw
mag-aasinta ng
hallow blocks. Sa loob-loob ko, talagang bangag ang
tingin sa akin ng kamoteng ito. Gusto ko nang mayamot at
harapin siya, nguni’t nagpigil pa rin ako.
Tutulong sana ako sa pag-aasinta ng
hallow blocks subali’t nagalit ang
foreman.
“Kay bagu-bago mo e
mag-aasinta ka, naloloko ka na ba?”
“Kung hindi po ako
magsisimulang gumawa nito, paano po ako matutoto,” sabi ko.
“Hoy, magtigil ka nga, Pedro,
gusto mo bang makagalitan ako ng arkitekto at enhenyerong nagplano at
namamahala nito?” wika niyang mabalasik.
Ako ‘yon, sigaw ng isip ko na
hindi ko maisatinig. “Pasensiya na po kayo, Bossing, gusto ko
lamang po namang makatulong.”
“Doon ka nga sa paghahalo ng
buhangin, graba at semento,” nakaismid siya, “at
huwag kang parang laging natitikbalang.”
“Opo, Sir,”
mahinahon akong nagtungo sa mga naghahalo.
KUNG gabing pagod ako sanhi ng maghapong paggawa, sa
pamamahinga’y nagugunita ko si Melinda, ang
kasintahan kong lumimot na sa akin. Nasasaktan ako
kung naaalaala ko siya.
Kay saya ng aming kamusmusan. Mga bata pa kami’y
magkapalagayang-loob na kami. Laging kami ang magkalaro
palibhasa’y magkapitbahay. Iisa ang harapan ng
aming bahay nguni’t sa gawing likuran ng tahanan ng
cute kong
kababata ay malimit kaming nagbabahay-bahayan.
“Ikaw ang tatay, ako naman ang
nanay, payag ka.”
“Siyempre, payag ako, sabi mo
e.”
Napapalakpak si Melinda,
“Sige, pasok na tayo sa bahay natin.”
Nasok kami sa bahay-bahayang yari sa
pinagsagpi-sagping karton. Karton din ang bubong at halos
kasiyang-kasiya lamang kaming dalawa.
“Pa’no naman ako
magiging tatay, at pa’no ka naman magiging nanay e wala naman
tayong anak.”
“Meron na,”
nakapikit na ngumuso siya sa akin.
“Nasa’n?”
“D’yan ka
lang,” lumabas si Melinda, “kukunin ko ang anak
natin.”
Naghintay akong nakahalumbaba, at di
nagtagal bumalik siya. May kung anong dala na nasa kamay
niyang nakatago sa likuran.
“O, ano ‘yang
tinatago mo?”
Inilabas niya ang itinatago sa likod,
“O, ito na ang anak natin.”
Inabot ko sa kanya ang isang manika,
tuwang tuwa ako, at sa katuwaan ko’y niyapos ko siya at
hinagkan sa kaliwang pisngi.
Napahagikhik siya, parang nagustuhan ang
ginawa ko. “Hagkan mo rin itong kabila.”
“Bakit?”
“Kasi, nakikita ko, pag
hinahagkan ni tatay si inay, magkabilang pisngi ang
hinahagkan.”
“Ikaw naman, kulit-kulit .
Sige na nga,” hinagkan ko ang kanang pisngi ng kababata ko.
Tuwang-tuwa siya.
NAITAYO na ang malalaking poste ng bahay at mataas na ang asinta ng
hallow blocks. Inihanda na ang porma para sa
pagbubuhos ng biga. Pinatulong ako ng kapatas sa pagtatayo ng
mga pala-pala. Mataman kong inobserbahan ang paglalagay ng
mga batangan at suliras. Naisagawa iyon nang ayon sa hangad
kong tatag ng bahay. Nagporma ng mga
plywood na de medya para
sa pag-iislab at yaon ay nilatagan ng bakal na tama sa sukat na gusto
ko. Tinalian ang mga bakal ng kawad sa tamang distansiya.
Habang pinagmamasdan ko ang ginagawang
bahay, sumilid na naman sa isip ko si Melinda. Tapos na kami
noon ng mataas na paaralan at kasintahan ko na siya. Nasa
huling taon na siya ng kursong
Nursing. Ako nama’y
matatapos na rin ng
Architecture. Nasa isip ko na rin ang
plano kong kumuha ng
Civil Engineering.
“
Sweetheart, kung kasal na
tayo at magpapagawa ng bahay, gusto ko’y matibay at
matatag,” wika niyang tila nangangarap, “saka yaong
malaki… mansiyon.”
“Bayaan mo,” tugon
ko, “magsisikap akong mabuti. Pag natapos ko ang
dalawang kursong gusto kong tapusin e maghahanapbuhay ako nang puspusan
para sa ‘yo.”
“Oo, ‘lam ko namang
gagawin mo ‘yon, tiwala ako sa iyo.”
Inilapit ko ang mukha ko kay Melinda, at
naghinang ang aming mga labi. Maligayang-maligaya kami.
“HOY, Pedro, ano ba’t parang namamatanda ka na
naman?” bulyaw ng kapatas. “Hindi
pu’ede ang babagal-bagal, aba’y nag-iislab na
tayo. Bilis-bilisan mo ang paghahakot ng halo at baka abutin
tayo ng ulan, tingnan mo’t nagdidiklom ang langit.
“Opo,” sabi
ko. Binilisan ko ang aking pagkilos.
Bawa’t isa’y naging
masigasig sa aming pag-iislab. Tuloy ang paghahalo ng
buhangin, semento at graba, tuloy ang paghahakot ng ng halo, ang
iba’y nagpapasa-pasa ng timba ng halo hanggang sa makasapit
ito na lugar na binubuhusan.
Nang mahinangan at mabuo na ang mga
steel truss, iginayak na ang pagbububong. Ipinahanda at
ipinahakot sa amin ng
foreman ang nalalabing
PVC para sa
electrical
wiring, at mga yerong pambubong.
Elite type ang bubong na
gagamitin, kulay
maroon.
Anupa’t sa mabilis na paglipas ng panahon ay halos yari na
ang ipinagagawang mansiyon.
ISA nang ganap na nars si Melinda noon, ako nama’y ganap nang
arkitekto at
Civil Engineer, nang isang araw ng Sabadong nasa
White
Beach kami ng
Puerto Galera ay magpaalam siya sa akin.
“Pet, mag-a-
abroad
ako,” nakalingap sa akin ang mapupungay niyang
mata. “Gusto kong magkaroon naman ng ibang
karanasan sa pagiging nars.”
“Saan ka naman
pupunta?” tanong ko.
“Sa London. Payag ka
ba?”
“Kung gusto mo, at inaakala
mong makabubuti sa iyo,” turing ko, “siyempre,
payag ako.”
“Di ba para din sa atin ito at
sa kinabukasan ng ating magiging mga anak?”
“Oo, alam ko
‘yon,” sang-ayon ko, “pero magkakalayo
tayo!”
“Lumayo man
ako… iiwan ko sa ‘yo ang aking puso at
pag-ibig.”
“Talaga?”
“Oo, naman,” humilig
siya sa aking dibdib. “Pagbabalik ko, payag na
akong pakasal tayo.”
“
Promise?”
“Nangangako ako.”
Ang pangakong iyon ng kasintahan
ko’y naglahong parang bula. Nitong mga nakaraang buwan ay
nawalan na kami ng komunikasyon.
Sa limang taong ipinamalagi niya sa
United Kingdom, lagi kaming nag-uusap at nagbabalitaan. Kung
di man kami makapag-usap sa telepono, nagpapalitan kami ng
text o kaya’y nagpapahatiran kami ng
email sa pamamagitan internet.
May ilang buwan na ngayong wala kaming
ugnayan. Hindi ko na siya ma-
contact. Tila nagpalit
siya ng numero ng
cell phone at ng
email address. Walang
sumasagot sa
landline na dati kong tinawagan upang kausapin
siya. Nilihaman ko siya sa huling pahatirang-sulat na
ibinigay niya sa akin, nguni’t walang sagot akong natanggap.
Masamang-masama ang loob ko.
Ganito pala ang hirap ng kalooban ng isang tunay na nagmamahal kung
limutin ng kanyang minamahal.
Ang kutob ng loob kong lumimot at
nagtalusira siya sa aming suyuan ay nagkaroon ng bahagyang linaw nang
si Tito Bert na nangingibang-lupa din sa London ay
magbalik-bayan. Ibinalita niyang nakita raw niya si Melinda
at nakausap. Naging
Private Nurse daw ang nobya ko ng isang
bilyonaryong
British. Pansin niyang si
Melinda ay malapit na malapit sa ubod ng yamang
pinaglilingkuran. O! Melinda, bakit mo nagawa sa akin
ito! sigaw ng puso kong nagdurusa.
Gayunpaman, hindi ko pinabayaan ang aking sarili, ipinagpatuloy ko ang
pagsisikap at puspusang paghahanapbuhay. Marami akong naging
kliyente bilang Arkitekto at Enhenyero, at ito nga, sa
ngayo’y pinagbubuti ko ang pagtatayo ng isang malaking
mansiyon dito sa Lungsod ng Batangas.
NAYARI na ang malaking tahanang ginawa namin, liban sa ilan pang
bagay.
“Dalhin mo nga rito, Pedro, ang kahon ng mga bisagra at
kandado,” utos sa akin ng isa sa mga karpentero.
Ang ipinadadala ay mabilis kong kinuha, “narito na
po.”
“Mabuti!”
Nang mapintahan ang loob at labas ng buong mansiyon ay sumunod ang
pagla-
landscape. Kay ganda ng ginawang halamanan sa paligid
ng tahanan. At sa wakas, tapos na ang pinagpaguran naming
lahat.
KAHARAP kaming lahat noon ng kinatawan ng may-ari ng ipinagawang
bahay. Sabi niya’y gusto niya kaming makausap na
lahat.
“Mamayang gabi, mga kasama, ay darating ang may-ari ng
tahanang ginawa ninyo,” sabi ng kinatawan, “at
isang salu-salo ang inihanda niya para sa inyo. Makikilala na
ninyo siya.
“Sino po siya?” tanong ng kapatas.
“Mamaya, pagdating niya ay malalaman ninyo,” ngiti
ng kinatawan.
Ikapito na ng gabi nang pumarada sa tapat ng mansiyon ang isang
bagung-bagong
Mercedes Benz. Laking pagkabigla ko nang bumaba sa
sasakyan si Melinda, kasabay ng isang may-edad nang
British.
Sa isip ko, marahil ay ang lalaking Puting kasama niya ang bagong
nagmamay-ari ng kanyang puso. Sumulyap siya sa akin at
ngumiti, nguni’t hindi siya lumapit. Ginanti ko
siya ng isang tipid nguni’t may pait na ngiti.
“Mga kaibigan, narito ang may-ari ng tahanang ito,”
pagpapakilala ng kanyang kinatawan, “si Bb. Melinda
Bituin.”
Nagpalakpakan ang lahat, liban sa akin. Hindi ako
makapalakpak dahil sa hapding nararamdaman ko sa puso ko.
“Magandang gabi po sa inyong lahat,” pasakalye ni
Melinda. “Maraming salamat sa pagpapagod ninyo para
sa tahanang ito. May ilang bagay akong nais ibunyag sa inyo.
Tumahimik ang bawa’t isa.
“Ang tahanang ito’y hindi ko lamang
pag-aari. Kasama kong nagmamay-ari nito si Peter Katindig,
ang aking kasintahan. Siya ang Arkitektong gumuhit ng plano
at Enhenyerong namahala sa paggawa nito. Siya’y
kasama ninyo sa pagbuo nito. Nagpanggap siyang nasa pangkat
ng
labor upang tingnan nang malapitan ang pagpapagawang
ito. Alam kong malaking pagod ang dinanas niya.
Ginawa niya ang lahat ng iyon upang hindi siya pangilagan at kasilungan
ng mga manggagawa habang siya’y nagmamasid.”
Nagtaka ang bawa’t isa.
“Sino kaya siya?” umugong ang bulungan ng mga
nakikinig.
Ibinunyag ni Melindang nalaman niya ang lahat sa kanyang
kinatawan. Ipinagtapat niyang sinadya niyang huwag
makipagkomunikasyon sa akin ng ilang buwan upang sorpresahin ako sa
gabing ito.
Lumapit siya sa akin, hinawakan niya ako sa sa kamay, saka isinama ako
sa gitna. Takang-taka ako, nguni’t sumama ako sa
kanya.
Napasulyap ako sa kapatas na nambulyaw at nagmalabis sa akin sa buong
panahon ng paggawang iyon ng mansiyon. Hiyang-hiya siya at
hindi makatingin nang tuwid sa akin.
Nagpatuloy si Melinda ng pagsasalita.
“Malaking halaga ang ipinagkaloob sa akin ng pamilya ng
British kong pinaglingkuran bilang
Private Nurse sa London kaya
nakapagpagawa ako ng ganitong kaluhong tahanan. Kasama ko ngayong gabi
ang isang myembro ng kanilang pamilya. Siya ang isa sa
magiging ninong namin ni Peter sa aming kasal. Di magtatagal, ikakasal
na kami at lahat kayo’y inaanyayahan namin.”
Ang kasamang Puti ni Melinda ay nagsalita rin. Nagmagandang gabi siya,
at matapos na magpasalamat sa ginawang paglilingkod ng kasintahan ko sa
kanilang pamilya bilang nars, ay sinabi niyang magpapatayo
siya ng ilang malalaking gusali rito sa Pilipinas upang simulan ang
malaking negosyong
Hardware. Lahat daw na gumawa sa tahanang
katatapos namin ay kukunin niyang mga trabahador.
Si Peter Katindig daw ang gagawin niyang
General Manager ng mga
Hardware na malapit nang simulan. Tuwang-tuwa ang lahat at
pinagsaluhan ang isang masaganang hapunan.
Nang magkasarilinan kami ni Melinda, hinawakan ko ang kanyang mga kamay.
“Totoo ba ang lahat ng ito,
Sweetheart?” bulong ko.
“Totoong-Totoo!”
“Akala ko talaga, nalimot mo na ako at nakakita ka na ng
iba.”
“Hindi mangyayari ‘yon. Habang buhay,
ikaw lang ang mahal ko.”
“Tunay na tunay?”
“Oo, naman. At maitutuloy na natin ang sinimulan
nating bahay-bahayan nang mga bata pa tayo.”
“Saan natin itutuloy?”
“Sa mansiyon nating ito.”
Bigla kong kinabig si Melinda at hinagkan. Hindi namin
namamalayang nakapaligid pala sa amin ang lahat.
Nagpalakpakan sila.—
Mga katha ni Bert Cabual na matatagpuan sa sayt na ito
Tula:
Ang
Makata at ang Alak | Kamanyang
Kay Manny Pacquiao | Si Quezon at ang Wika | Soneto kay Paeng | Noynoy: Asin at Ilaw
Kwentula:
Bugso
ng Gunita
Balagtasan:
Bata
at Pamalo | Si Manny Pacquiao at ang Politika | Dagdag na taon
sa Haiskul
Sanaysay: Saltik-Panitik:
Balagtasan
Maikling Kuwento: Ang Dasalan ni Belen | Isang Libo't Isang Halik | May Lihim ang Bahay-bahayan | Mayo at Disyembre | Si Mang Estong
Ang Dasalan ni Belen
| Isang Libo't Isang
Halik
| May Lihim ang
Bahay-bahayan | Mayo
at Disyembre | Si
Mang Estong | Subyang sa Puso