Saang sulok ng daigdig ka man naroon, Kabayan, BAYANI kang ituturing ng iyong Inang Bayan.
KWENTULA
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo TUNGKOL
SA SAYT NA ITO

Advertisement
affiliate_link

PAG ANG PUSO'Y NAPUSOY

ni Rafael A. Pulmano


P A G H A H A N D O G

Ang kwentulang ito ay inihahandog ko sa aking pinsan

ROD ALONDE

 
ALL RIGHTS PRESERVED. Keep refrigerated. Ingredients:
Sugar, food coloring, honey, sweetheart, darling, etc.
 




PAG ANG PUSO'Y NAPUSOY

                 1
Laganap ang dilim sa ka-Maynilaan
Palibhasa, noon ay brown out na naman
Sa bahaging ito ating sisimulan
Itong kasaysayan ni PEPONG at MENDAY.
                  2
Si Menday ay isang magandang dalaga
Saksakan ng ganda sang-ayon sa kanya
Mayroon lang siyang malaking problema:
Baligtad ang kuko ng kaniyang paa.
                  3
Sinubok na niyang patingnan sa duktor
At sa arbularyo ang problemang iyon
Ang duktor at saka arbularyo ngayon
Naro'n pa sa loob niyong Mandaluyong.
                  4
Marami ring ibang ispesyalista pa
Ang nilapitan n'ya para pakunsulta
Ah, sila, di tulad ng mga nauna,
Sa ngayon ay pawang nananahimik na.
                  5
Subalit si Menday ay hahangaan mo
Dahil kahit gayon ang kaniyang kuko
Di siya katulad ng iba sa mundo
Na pag may problema'y nagsisintimyento.
                  6
Palibhasa, siya'y mahusay magdala,
Di mo mabibistong masagwa ang paa
Sa bahay, palengke, disko at kalsada,
Siya'y makikitang laging nakabota.
                  7
Iyan ang dahilan kung bakit kay Menday
Ay pila-pila rin ang ibig manligaw
At isa sa kanyang tagahangang tunay
Ay itong si Pepong na kapitbahay lang.
                  8
Kaya lang, si Pepong na pogi pa naman
Wag lang tititigan nang pangmatagalan
Ay meron din namang problema sa buhay:
Ang kaniyang likod ay nasa harapan.
                  9
Kung anu-ano na ang ginawa niya
Upang malunasan ang abang problema
Naroong pamisa siya't magnobena
Sa Ongpin, Angeles, Mabini't Ermita.
                  10
Ngunit siya'y bigo, di rin nalunasan
Ang problema niyang di na makayanan
Kaya naisipang mag-Saudi na lamang
Sa nasang magbago ang takbo ng buhay.
                  11
Isang gabi, bago tuluyang lumisan
Para nga tumulak sa patutunguhan,
Nagpunta si Pepong upang magpaalam
Kay Menday na sinta at aliw ng buhay.
                  12
Ang nais ni Pepong ay maisiwalat
Ang laman ng pusong ibig sumambulat
Bago man lang sana mawalay sa liyag,
Makamtan ang "Oo" na pinapangarap.
                  13
Tiniyak ni Pepong na itsura niya
Ay makakaakit sa mutyang dalaga
Bukod sa pabango at saka pomada,
Naglagay rin siya ng polbo sa teynga.
                  14
Ang kaniyang kuko ay linis na linis
Ang gupit ng buhok - kulot na patulis
Terno ang sapatos, pantalon at damit
Terno rin ang ilong na animo'y ipis.
                  15
May ilang oras ding nag-ensayo siya
Sa harap ng munting salaming basag pa
Ng dapat sabihin kapag nagtapat na
Kay Menday na tanging buhay at pag-asa
                   16
Ang kaso, pagsapit niya sa tahanan
Ng dalaga niyang pinakamamahal
Naro'n din ang iba niyang manliligaw
Na si Pol, si Natoy, at saka si TOKLAY.
                 17
Sa tatlong nabanggit na mga karibal
Pinakamasugid ay itong si Toklay
Anak ng tatay n'ya at ng kanyang nanay,
Pinakamayaman sa dami ng utang.
                  18
Si Toklay ay tapos niyong Abugasya
Ngunit sa Bar Exam ay hindi pumasa
Tatlong ulit siyang nagtangkang kumuha
Hindi rin pinalad na magkalisens'ya.
                  19
Di siya nawalan agad ng pag-asa
Kada may iksamen, kumukuha siya
Hindi nga nagtagal ay nagkalisens'ya
Ngayon ay ganap na siyang kumadrona.
                  20
Bukod sa nadatnan ni Pepong sa bahay
Ang tatlong kaagaw sa puso ni Menday,
Nataon pang oras noon ng hapunan
Pamilya ni Menday ay nagkakainan.
                  21
Ang pagkain nila ay nilagang talong,
Nilagang kamote, nilagang bagoong,
At saka nilagang buntot ng galunggong,
At nilagang ubas, mansanas at litson.
                  22
Ang mga binatang pawang mapoporma
Ay inanyayahan na kumain muna
Nagpaunlak naman ang apat, anupa
At pati ang pinggan ay naubos nila.
                  23
Matapos kumain at makapagtinga
Ang mga bisita'y nag-iskrabol muna
At nagkasarapan hanggang sa umaga
Kaya doon na rin nag-almusal sila.
                  24
Inabot rin doon ng pananghalian
Ang apat na mukha'y pawang makakapal
Biglang naalala ni Pepong ang araw
Na iyon ang araw ng kanyang paglisan.
                  25
Kaya dali-daling nagpaalam siya
Hindi na nasabi tuloy sa dalaga
Ang laman ng dibdib pagkat aalis na
Upang magtrabaho sa Saudi Arabia.
                  26
Sa pagmamadali na baka maiwan
Niyong eroplanong kaniyang sasakyan
Mga dapat niyang dalhin sa paglisan
Ay di naihanda ni munti man lamang.
                  27
Anupa't ang laman lamang ng bagahe
Na dala ni Pepong sa pagbibiyahe
Ay iisang damit, sipilyo, istante,
Tokador, pridyider, betamaks at T.B.
                  28
Yaong eroplano'y lilipad na halos
Nang dumating itong si Pepong sa airport
Mabuti, piloto'y biglang napautot
Medyo naantala tuloy ang pag-take off.
                  29
Lumulan si Pepong na di nalalaman
Ibang eroplano ang kanyang nasakyan
Kung kaya ang bansa niyang napuntahan
Ay hindi sa Saudi kung hindi sa Saipan!
                  30
Sa Saipan, si Pepong ay nagkatrabaho
Bilang isang tsuper ni Dyeyem Dyelelo
Si Dyeyem Dyelelo'y isang Amerkano
Na kaliwang mata'y akala mo k'wago.
                  31
Mataba at usli sa laki ang tiyan,
Mayaman, mahigpit, laging nakasigaw,
Mainit ang ulo sa kaunting bagay
Kaya buhok niya ay naglalagpakan.
                  32
Si Dyeyem ay bukod sa siya'y mapera,
Makapangyarihan at may impluwens'ya
Wala siyang ibig na hindi nakuha
At walang ginustong di napasakanya.
                 33
Isa pa, maraming sa kanya ay takot
Kaya natutupad ang bawat iutos
Kahit minumura pag nakatalikod,
Kagustuhan rin n'ya ang s'yang nasusunod.
                  34
Sobrang suspitsoso, napakatsismoso,
Siya raw ay isang debotong Krist'yano
Di raw sinungaling, di raw nanloloko,
Pero daming galit sa kanya na tao.
                  35
Ang kanyang ekspres'yon kapagka nagalit
Ay "Bullshit!", "Gaddammit!", at "Don't give me that shit!"
Tingin sa sarili'y laging nasa mat'wid
At ang kanyang kapwa ay minamaliit.
                  36
Ang trato sa tao'y tila kasangkapan
Ginagawa kahit ano'ng maisipan
Pag nakayamutan o pinagsawaan
Tanggal sa trabaho, uwi na sa bahay.
                  37
Subalit si Dyeyem, kahit siya ganyan,
Labis ang pag-ibig sa kaniyang nanay
Gagawin ang lahat kapag alang-alang
Sa kaniyang inang pinakamamahal.
                  38
Iyan nga ang amo ni Pepong sa Saipan
Ngunit siya nama'y walang pakialam
Pagkat sahod niya ay dolyar, okey lang
Ang lahat ay handa niyang pagtiisan.
                  39
Kaya kahit tsuper ang kanyang trabaho
Sunud-sunuran lang at walang reklamo
Naroong utusan siyang magbarbero,
Tubero, minero, pati inidoro.
                  40
Sinikap ni Pepong na mapaglingkuran
Sa abot ng kaya ang among dayuhan
Araw-araw halos ang kanyang overtime
May pasok rin kahit na pistang opisyal.
                  41
Pitong araw siya sa buong 'sang linggo
Na nagtatrabaho nang walang reklamo
Batid n'ya noon pang bago naparito
Ang gawang mag-abroad, sadyang sakripisyo.
                  42
Tiniis nga niya ang lahat ng hirap
Lahat ng salita ay kanyang tinanggap
Sapagkat si Pepong ay merong pangarap
At ito ang susi para nga matupad.
                  43
Nakapagbibigay rin namang pag-asa
At tibay ng loob si Menday na sinta
Na ang mga liham tuwing nababasa
May hatid na tuwa, aliw at ligaya.
                  44
Naging magka-pen pal sila nang matagal
At itong si Pepong na naro'n sa Saipan
Ay wala ng ibang pinananabikan
Kundi ang pagdating ng liham ni Menday.
                  45
Sa buong panahon ng pamamalagi
Sa isla ng lungkot at pamimighati
Si Menday kaylanman ay nananatili
Niyang inspirasyong pinakamimithi.
                  46
Subalit kay Dyeyem ay maraming sipsip
At dito kay Pepong ay maraming inggit
Di sila mapirmi, hindi matahimik
"Kaylangan," anila, "si Pepong maalis!"
                  47
Sari-saring sumbong ang ipinarating
Kay Dyeyem Dyelelo para s'ya sirain
Kesyo si Pepong raw ay hindi na virgin,
Di raw naliligo, may anghet, maitim!
                  48
Dahilan sa sumbong na hindi tutoo
Ay napag-initan ni Dyeyem Dyelelo
Si Pepong na hindi alam kung paano
Nangyaring nagalit sa kanya ang amo.
                 49
Nang di na matiis ni Pepong ang galit
Ng kaniyang among sa kanya'y nainis
Naipasya niyang dapat nang umalis
Bago maunahan siyang mapatalsik.
                  50
Si Pepong ay merong tapat na kaybigan
Ang pangalan - MIYI, galing sa Cook Island
Siya ang madalas niyang pagtapatan
Kapag may problema si Pepong sa buhay.
                  51
Miyi Tekamuna ang buong pangalan
Malaking lalaki, talbog ang katawan
Ang itsura niya'y mabagsik, matapang
Subalit ang puso'y singlambot ng suman.
                  52
Trabaho ni Miyi'y kumain ng apoy
Ang kanyang libangan, maglaro ng pusoy
Mahilig sa saging na gaya ng unggoy
At sobrang mabiro, akala mo kenkoy.
                  53
Tumakas si Pepong sa tulong ni Miyi
At kung ilang araw na siya'y nagkubli
May isang pamilyang mabait, mabuti
Kumupkop sa kanya upang di mahuli.
                  54
Kumupkop sa kanya'y isang Karolinyan
Na PEDRO TETANO ang buong pangalan
Nakapag-asawa ng magandang Pinay,
PATRICIA KABUTE naman kung turingan.
                  55
Si Pedro Tetano'y sunog na matibay
Si Patricia nama'y subok na madaldal
Tamis ng samahan nila at suyuan
Daig ang asukal na laging may langgam.
                  56
Libangan ni Pedro'y "mag-beer muna tayo!"
Hilig ni Patricia'y magsayaw sa disco
Sila'y matulungin sa kapuwa tao
Lalo na sa mga inapi sa mundo.
                  57
Sa tulong din nila'y muling nakakuha
Ng ibang trabaho si Pepong pagdaka
Bilang tagapulot ng mga basura
Sa magandang isla nitong Manyagaha.
                  58
Doon nakasama ni Pepong ang pinsan
Niyang matagal nang naroon sa Saipan
NINO kung tawagin ng mga kaybigan
(Nino Muhta yaong buo n'yang pangalan.)
                  59
Si Nino'y makisig pag di tinitingnan
Matangkad pag siya'y may silyang tuntungan
Mabait kung tulog at kahit gising man
At sobrang tahimik pag di dumadaldal.
                  60
Bukod sa matagal na siya sa Saipan
Si Nino'y mayroong sariling sasakyan
Na malaking tulong, kahit second-hand lang
Sa mga kasamang mahilig manghiram.
                  61
Sa tulong ni Nino at ng kanyang kotse
Nalibot ni Pepong ang Saipang mabuti
Nasaksihan niya't natantong mabuti
Ang buhay ng kapwa Pilipinong api.
                  62
Kung tawagin sila'y alien contract workers
Trabaho ng iba'y sa gitna ng init
Ang sahod kung minsa'y di pa minimum wage
Ang tinutulugan, barracks na masikip.
                  63
Maraming lalaki ang nasa construction
Babae'y sa garments factory naroon
Mayroon din namang sa club napahantong
Naghuhubad para kumita ng "datung".
                  64
May minamalas pang ang napapasukan
Ang gusto ng amo ay laging overtime
Ngunit yaong oras dinadaya naman
O, lalong masaklap, di binabayaran.
                 65
Iba palibhasa ay kapos sa aral
Bait lang at sipag ang tanging puhunan
Takot magreklamo, nagtitiis na lang
Baka mapa-deport pag nakainitan.
                  66
Nasa ibang bansa'y busabos ang turing
Sa sahod, tirahan, maging sa pagkain,
Sa nasang kumita ng dolyar, alipin
Ang labas ng isang Pinoy contract worker.
                  67
Sa kabilang dako'y may sinusuwerte
May sumusuweldo ng sadyang malaki
May magandang bahay, minsan pa'y pakotse
Nakapag-iipon ng perang marami.
                  68
Meron namang ibang sa tagal na rito
Nakapagtayo na ng kanyang negosyo
Mayro'ng naging I.R. (kasal sa Merkano)
O kaya'y resident o citizen nito.
                  69
Sabihin mang malas o kaya'y mapalad
Maraming patuloy pa ring nangangarap
Na makapag-abroad dahil lalong hirap
Ang buhay sa Inang Bansang Pilipinas!
                  70
Samantala, ating balikan si Menday
Na hanggang sa ngayon ay hindi malaman
Kung sino sa apat niyang manliligaw
Ang iibigin n'ya nang panghabang-buhay.
                  71
Ito kayang si Pol na kulay ay sunog?
O si Natoy kayang nahagok pag tulog?
Si Toklay na mukhang pilipit na suyod?
O si Pepong kayang harap, nasa likod?
                  72
Naisip tuloy n'yang mahirap din pala
Ang sobrang maganda (sang-ayon sa kanya)
Problema ang pangit, maganda'y problema
Mabuti pa silang ang mukha ay bura.
                  73
Para di gaanong mag-isip si Menday
Naghanap na muna ng paglilibangan
Siya'y nagnegosyo, na tumakbo naman,
At doon naukol ang kanyang isipan.
                  74
Nagpatayo siya ng munting pabrika
Ang gawang produkto'y sandal na bonita
Umorder ang Zenco, Shoe Mart at si Gina,
Nalibang na siya ay meron pang kita.
                  75
Sa simula siya'y pinagtatawanan
Ng mga tsismosa niyang kapitbahay
Ngunit nang lumago ang kanyang puhunan
Mga pintasera ay nagtahimikan.
                  76
May kat'wiran namang magtaas ng kilay
Ang kapitbahay n'yang ang kaligayahan
Ay mapag-usapan ang sa ibang buhay
Sapagkat kay Menday, negosyo'y di bagay.
                  77
Sa Iriga City siya isinilang
Doon din lumaki at doon nag-aral
Ang ama ay Pastor sa isang simbahan
Ang ina'y asawa ng kaniyang tatay.
                  78
Nang sa kolehiyo ay tumuntong siya
Doon nagpatuloy sa ibang esk'wela
Kaya sa Maynila siya napapunta
At ang kursong Narses ang kanyang kinuha.
                  79
Nakatapos siya't doon na tumira
Pati ang kapatid at magulang niya
Ngunit sa trabaho'y sawimpalad siya
Hindi rin nagamit ang kanyang diploma.
                  80
Sa bawa't ospital na kanyang pinasok
Para magtrabaho ay okey ang sagot
Ngunit pag nakita ang kuko ay, lagot...
Sisante kaagad – kaysaklap, kaylungkot!
                  81
Nagtiyaga siyang mamasukan na lang
Sa isang pabrika sa kanilang lugar
Doon nagsimula niyang matutuhan
Ang paggawa nitong bonita na sandal.
                  82
Nang makapag-ipon ng sapat na kita,
Naglakas ng loob magnegosyo siya
Palibhasa'y Narses ang natapos niya
Maraming sa kanya'y nangiti, natawa.
                  83
Ngayon ang negosyo niya'y okey naman
At si Menday ngayon ay libang na libang
Subalit ang isa niyang manliligaw
Ay ayaw tumigil sa kanyang pagdalaw.
                  84
Si Toklay ay sadyang dibdibang umibig
Handa raw ialay ang lupa at langit
Kahit daw mangutang, kanya lang makamit
Ang "Oo" ng sintang pinakananais.
                  85
Seryoso si Toklay at di hahayaang
Mapunta sa iba ang mutyang minahal
Handa n'yang itaya ang sariling buhay
Kahit sa loterya, nang dahil kay Menday
                  86
Matagal nat'yaga, halos magpalimos
Si Toklay kay Menday sa kanyang pag-irog
Umaga, tanghali, hapon, gabi halos
Naro'n ang binata at naglulumuhod.
                  87
Nang halos ubos na ang kanyang pag-asa
Sa puso ni Menday na tanging ligaya
Nagpas'ya si Toklay na kidnapin siya
Upang masarili at mapasakanya!
                  88
At isang gabi nga na bilog ang buwan
Noon sa Maynila ay brown out na naman
Ay isinagawa ni Toklay ang pakay:
Kidnapin si Menday buhay man o patay!
                  89
Dalawang batalyon ng mga sundalo
Ang inupahan n'ya para gawin ito
Isang helikopter at apat na barko
Ang naka-stand by sang-ayon sa plano!
                  90
Kasabwat rin niya si Kernel Gringorio
At si Noy Miswari para masiguro
Na hindi papalpak ang balak na ito
Pagkat si Menday lang ang kaniyang mundo!
                  91
Sa hudyat ni Toklay ay lumusob sila,
Sumabog ang bomba, umulan ng bala!
Pumutok ang kanyon, dinamita, seba!
Akala ng iba ay merong kudeta!
                  92
Sabay-sabay halos, tangke ay lumusob!
Mga submarino'y lumitaw-lumubog!
Mga eroplano'y nagpaikut-ikot
Hanggang sa maliyo ang pilotong engot!
                  93
Nagsipanakbuhan ang lahat sa takot!
Pati kasambahay, tumakas sa nerb'yos!
Si Menday na lamang ang naiwang tulog!
(Ang sarap ng tulog, may saklob pang kumot.)
                  94
Ngayon, solong-solo ni Toklay si Menday
Nilapitan niya itong dahan-dahan...
Yayakapin sana nang bigla na lamang
Mayroong naglagos mula sa bubungan!
                  95
Nang lingunin niya ay si Pepong pala!
Nagulat si Toklay, biglang nataranta!
Tumakbong di alam kung saan pupunta!
Nagising si Menday...Pupungas-pungas pa.
                  96
Nagsiatras na rin ang mga sundalo
Nang makita nilang si Toklay, tumakbo
Nagsibalik naman ang maraming tao
"Mabuhay si Pepong!" ang sigawan nito.
                  97
Ang tanong ni Menday, "Nangyari'y ano ba?"
Tanong din ni Pepong, "Ay, ano nga baga?"
At isinalaysay ng nangakakita
Kung ano'ng naganap mula pa kanina.
                  98
Sang-ayon kay Meyam na lubhang madaldal,
Sila diumano'y biglang ginulantang
Ng mga sundalong lumusob sa bayan
Na ang namumuno'y di iba't si Toklay.
                  99
At batay sa tsismis na kanyang nasagap,
Ito raw si Toklay ay isa ang balak:
Kidnapin si Menday at gawing kabiyak
Sa sobrang pag-ibig, ginamit ay dahas!
                  100
Mabuti na lamang, patuloy ni Meyam,
At itong si Pepong ay biglang dumatal
Ang mga sundalo at maging si Toklay
Sa matinding sindak ay nagpanakbuhan!
                  101
"Kung hindi kay Pepong," ang dugtong pa niya,
"Si Menday ay isang rosas na lanta na."
Biglang napatigil si Meyam, "Bah, teka !!!
Di ba dapat ikaw ay nasa Saipan pa???"
                  102
"Oo nga!" ang sabi ng nangakarinig
At itong si Pepong ay biglang kinilig,
Nagsuklay ng buhok, binuksan ang bibig,
Saka sa kanila'y ito ang sinambit:
                  103
"Ako man, alam ko'y nasa Saipan ako,
Kung paanong ako ay napunta rito
Ay sadyang mahaba, malungkot na k'wento
Na ang puno't dulo naman ay ganito:
                  104
"Ang hanapbuhay ko'y mamulot ng lata
Sa islang ang tawag nila'y Manyagaha
Sa dami ng lata na aking nakuha
Napuno ko halos ang isang bodega.
                  105
"Ang lahat ng lata'y ipinatunaw ko
At saka kinorteng hugis eroplano
Pagsakay ko, t'yempong merong ipu-ipo,
Ako't eroplano'y inilipad nito!
                  106
"Mataas na lubha ang aking nilipad
At sadyang malayo ang aking binagtas
Nang ang ipu-ipo ako ay ibagsak,
Ang nabagsakan ko'y ang bansa ng Iraq!
                  107
"Ako ay dinakip ng kawal ni Saddam!
At muntik pang ma-rape ng sundalong hunghang!
Itinali ako sa isang Scud missile
Saka ibinala sa kanilang launcher !
                  108
"At pumailanlang ako sa itaas!
Mabuti't gapos ko ay kusang nakalag,
Yaong Scud missile ay pinasambulat
Ng Patriot missile niyong U.S. Allies.
                  109
"Ako naman, heto at dito pinalad
Na sa Pilipinas ngayon ay lumagpak
Dini pa sa bahay ni Menday kong liyag
Di ko akalaing eksaktong matapat!"
                  110
Pagkasabi nito ay biglang lumuhod
Si Pepong na tila ibig magpalimos!
Kinuha ang kamay ni Menday na irog
At saka sinabi ang laman ng loob:
                  111
"Patawarin akong pangahas, o Menday,
Kung ang sarili ko'y hindi mapigilan
Ibig kong magtapat niring pagmamahal,
Kung mabigo ako ay ikamamatay!"
                  112
Matagal na hindi agad nakaimik
Si Menday, nabigla sa kanyang narinig,
Mga kapitbahay nama'y nananabik:
Tatanggapin kaya ang haing pag-ibig?
                  113
Matapos mag-isip ng siyam na oras
Sumagot si Menday, pabulong, malakas:
"Ang iyong pag-ibig ngayo'y tinatanggap,
Hindi mo lang alam...I LOVE YOU VERY MUCH!"
                  114
At yaong dalawa'y nagyakap sa tuwa
Mga tao naman ay napatunganga
May isang sumigaw, "Mabuhay! Oo nga!
Mabuhay ang dal'wang pagsinta'y dakila!"
                  115
At sila'y nagsaya sa tuwa at galak
Umawit ng kanta sabay ng palakpak
Sa saliw ng tugtog, lahat ay umindak
Matanda o bata, matangkad o pandak.
                  116
Nagmistulang pista sa nasabing lugar
Ang kaligayahan ay nag-uumapaw
Walang anu-ano, sila'y ginulantang
Ng nakabibinging malakas na sigaw.
                  117
"Di ako papayag!!!" ang sabi ng tinig
At sila'y nagulat sa lakas ng gibik,
Nang lingunin nila'y si Toklay, bumalik
May dalang machine gun at galit na galit!
                  118
"Si Menday ay akin!" ang kaniyang sigaw,
"At papatayin ko sino mang umagaw!!!"
Ang lahat ng tao ay nahintakutan
Maliban kay Pepong na sadyang matapang.
                  119
Pumorma si Pepong ng dyudo-karate
Luma si Jackie Chan at talbog si Bruce Lee
Butas pa ang damit sa may kilikili
Natawa si Toklay sa kanyang inarte!
                  120
Sa lakas ng tawa'y talsik ang pustiso!
At hindi napigil, napatatse ito!
Siya ay dinumog ng maraming tao,
Pinitik sa ilong hanggang sa maliyo!
                  121
At magmula noon ay natahimik na
Ang lugar na iyon, at naging masaya
Ang buhay ni Pepong at Menday na bida
At si Toklay naman ang siyang nagdusa.
                  122
Nakulong si Toklay sa salang robbery
Nakasal si Pepong at Menday sa pari
Nagkaanak sila ng isang lalaki
At limang dosena na puro babae.
                  123
ITO NA ANG WAKAS ng abang istorya
Maging aral sana sa mga bumasa:
Ang di raw lumingon sa minulan nila,
Di makakarating kung putol ang paa.



          - - - wakas - - -


Rafael A. Pulmano
April 3, 1991
C.N.M.I.

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.


Bugso ng Gunita
Butas na Medyas
Pag ang Puso'y Napusoy



KWENTULA
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo

 
Personal na web site ni Rafael A. Pulmano

OFW – ANG BAGONG BAYANI
 
COPYRIGHT 2017 © RAFAEL A. PULMANO

affiliate_link