Saang sulok ng daigdig ka man naroon, Kabayan, BAYANI kang ituturing ng iyong Inang Bayan.
KWENTULA
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo TUNGKOL
SA SAYT NA ITO

Advertisement
affiliate_link

BUTAS NA MEDYAS

ni Rafael A. Pulmano



P A G H A H A N D O G

Sa Dakilang Diyos ay pasasalamat
Ang unang nasa kong dito ay malimbag
Pagka't muli Niyang pinapagindapat
Na ako'y sumulat ng isa pang aklat.

Ang aklat na ito'y katulad ng dati,
May hatid na galak sa nais bumili
Ngunit sa babasang dito'y di mawili...
Ang pagpupuyat ko ay totoong lugi.

Gayon man ay hindi ako magtatampo
Pagka't nababatid ang kahinaan ko;
Ikalawa'y pagka't di lahat ng tao
Sa lahat ng oras ay handang paloko.

A... Ako'y sadya ngang di nanghihinayang
Sa mga ginugol na gabi at araw
Upang maisulat itong kasaysayang
Kung saan kinuha'y di ko rin malaman.

Sa aklat na ito, ang bawa't salitang
Ang pagkakahanay ay kinusang sadya
Sa anyo ng mga mapanudyong tula
Iniaalay ko sa iisang mutya.

Ang pangalan niya: Josephine Castelltort
Isang kaibigang matapat na lubos
At kalakip na rin nitong paghahandog
Ang aking dalangin sa Panginoong D'yos

Na mapatnubayan at tanglawan siya,
Ang buhay na taglay ay mapalawig pa
Gayundin ang mga magulang na sinta
At mga kapatid na mahal sa kanya.



Rafael A. Pulmano
March 11, 1978
Biñan, Laguna, Philippines

 


P A U N A W A

Ang pangalan ng mga tauhan at mga pangyayaring napapaloob sa aklat na ito ay hindi totoo at pawang likhang-isip lamang ng may-akda (na walang isip). Ano man ang pagkakahawig sa tunay na buhay, patay man o buhay, ay di sinasadya at wala na akong pakialam.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbasa sa kwentong na ito doon sa mga may karamdamang gaya ng sakit sa puso, alta presyon, nerbiyos, atbp., lalo na kung sila ay walang panahon at interes para magbasa, malabo ang mata, o hindi marunong magbasa.

Para sa mga buntis na nagdadalang-tao, ang pahintulot hinggil sa pagbasa nito ay nasa kapasiyahan ng doktor. Kung walang doktor, komadrona. Kung walang komadrona, hilot. Kung walang hilot, arbularyo. Kung walang arbularyo, isangguni sa asawa. Kung wala ang asawa, itanong sa biyenan. Kung ang biyenan ay wala rin, tumawag ng bumbero. Kung walang matawag na bumbero, magpasundo ng pulis.  Kung tinatamad sumama ang pulis, hingin ang kapasiyahan ng doktor.

~ May Akda                  




BUTAS NA MEDYAS


                 1
ITO AY NAGANAP sa pinangyarihan
Sa bansang BURURUS ang taglay na ngalan
Doon ay mayroong isang kaharian
Malaki't maringal, POTPOT kung turingan.
                  2
May naninirahan sa Palasyong Potpot
Na isang prinsesang sa ganda't alindog
Maluluma kahit ang d'yosang si Venus
Ang kariktan niya ay bantog na bantog.
                  3
Lalabing-walo pa ang gulang na taglay
Ng prinsesang itong TAKYA ang pangalan
Ang kaniyang buhok ay ginto ang kulay
Kaypula ng pisngi; ang mata, mapungay.
                  4
Ang kaniyang ina'y si REYNA KUBAKA
At si HARING BOKNOK yaong tatay niya
Ang mahal na hari ay, isang umaga,
Sinumpong ng sakit ng KAMBAL NA PIGSA.
                  5
Nang umagang iyon, hari'y isinugod
Doon sa klinika ng Palasyong Potpot
Nang maopera na ang pigsang nahinog
DULING pa ang matang doon ay nadukot!
                  6
Kabilin-bilinan ng doktor sa hari
Bawal daw sa kanya ang mapagod lagi
Huwag rin daw siyang kakain ng mani
At baka ang pigsa'y magbalik na muli.
                  7
Ang mahal na hari, nang malaman ito,
Ay ipinatawag yaong mensahero
"TENGGOY!" ang wika n'ya, "Isulat mo ito
Tapos ay ipaskel sa buong palasyo.
                  8
Ibalita mo rin sa karatig-bayan
Ang sasabihin kong mahalagang tunay."
At ito ang kanyang mensaheng tinuran,
Basahin nga natin nang ating malaman:
                  9
"Mga kababayan ng Palasyong Potpot
At lahat ng sakop ng bansang Bururus,
Pakinggan n'yo ako, na si Haring Boknok.
Sa aking mensaheng nais ipaabot.
                  10
"Di naman kaila sa lahat na ako
Ay totoong pogi bagaman at g'wapo
Subali't nais kong ibalita'y ito:
DAPAT NA'NG PRINSESA AY MAGKA-ESPOSO.
                  11
"Una ay sapagka't ako'y matanda na
Tungkulin ng hari'y hindi na makaya
Ang anak ko naman na tagapagmana
Ng setro't korona ay isang prinsesa.
                  12
"Kaya kayong lahat na kalalakihan
Sa bansang Bururus o kahit saan man,
Ay buong puso kong inaanyayahan
Dito sa palasyo sa makal'wang buwan.
                  13
"Ang lalaking dito ay magsisidating,
Magpapaligsahan ng dahas at giting
Sa kanila'y doon naman pipiliin
Ang karapat-dapat sa prinsesang giliw."
                  14
Nangyari ang ibig ng hari ng Potpot
Yaong mensahero'y agad ngang sumunod
Naglagay ng paskel sa lahat ng bakod,
Poste at tindahan, at gitna ng ilog.
                  15
Matuling kumalat ang abang balita
Kaydaming nagulat at pawang namangha
Marami ang hindi makapaniwala
Na ikakasal na ang prinsesang mutya
                  16
Sa lagay na ito'y marami rin naman
Ang natuwa, lalo ang kalalakihan
Sapagka't maraming nagmimithing tunay
Doon sa pag-ibig ng prinsesang hirang.
                 17
Ang mga prinsipe sa karatig-bayan
At saka sa ibang mga kaharian
Ay nangatuwa rin nang ito'y malaman
Pagka't ang prinsesa ay hinahangaan.
                  18
Kung kaya ang lahat halos sa Bururus
Ay nag-iinsayo ng pakikihamok;
May nangagsasanay ng tamang pagsuntok,
Merong sa espada, sa sibat, sa gulok.
                  19
At ang bawa't isa'y iisa ang nais:
Makamtan ang puso't wagas na pag-ibig
Ni Prinsesa Takyang sa ganda at rikit
Kahit na artista'y alangang ihawig.
                  20
At isa sa mga tagahangang lubos
Ng Prinsesang supling niyong Haring Boknok
Ay ang kusinero ng Palasyong Potpot,
Ang pangalan niya ay TARULIPAKOT.
                  21
Kusinerong ito'y labis ang pag-ibig
Kay Prinsesa Takyang pinakananais.
Mensahe ng hari ay noong mabatid,
Ang kaniyang diwa'y di na natahimik.
                  22
Paano'y may isang malaking sagabal
Sa kanyang pagsintang pinakaaasam
Si Tarulipakot ay may kapintasan...
Bukod sa unano ay pandak pang tunay!
                  23
Ah, walang sino mang aaring humadlang
Sa kanyang pag-ibig na sadyang dalisay!
Hahamakin lahat, kahit kamatayan
Ng buhay na taglay niyong kapitbahay!
                  24
"Hindi maaari!" ang kanyang himutok
At inihampas pa ang hawak na sandok,
"Talagang di p'wede!" ang wikang kasunod,
"Kaylangang maluto itong lagang itlog!"
                  25
Nang matapos yaong pagluluto niya
Kaagad umalis na itlog ay dala
Tinunton ang landas patungo sa k'weba
Na ang nananahan ay pingkaw na bruha.
                  26
Nang makasapit na si Tarulipakot
Sa harap ng yungib sa paa ng bundok,
Isang munting sanga ang kanyang inikot
Ang pinto'y nabuksang kusa pagkatapos.
                  27
Pagkapasok doon, ang pinto'y nagsara
Umanda pababa... Elebeytor pala!
Nang muling mabuksan ang pinto ay, aba...
Naroon ang bruha at nagpe-pelota!
                  28
"Magandang tanghali sa iyo, Rosemarie,"
Ang doon sa bruha ay kanyang sinabi
Nagtanong ang bruhang mukhang elepante.
"Ano ang problema't napasugod rine?"
                  29
Ang tugon sa kanya ni Tarulipakot,
"Tanggapin mo muna ang nilagang itlog
Iyan ay pitumpu, meron pang kasunod
Kung itong nais ko'y ipagkakaloob."
                  30
"Tuso ka! I-i-i!  Kaya ka nagbigay
Ng itlog ay dahil iyong nalalamang
Sa mga pagkain, sadyang itlog lamang
Ang aking talagang paboritong tunay!"
                  31
Sinimulan na ngang alisan ng balat
Ng bruha ang itlog na sadyang masarap
Saka ibinigay sa alagang uwak
Na dahil sa dami'y totoong nabundat.
                  32
Pagkatapos nito'y tinipon ng bruha
Ang pinagtalupan at kinain niya.
(Pambihira ito... Ang balat lang pala
Ang gusto ng lintik at hindi ang pula!)
                 33
"O, ano," ang tanong kay Tarulipakot,
"Ang sa iyo'y aking maipaglilingkod?
Siguradong ito'y mahalagang lubos...
Turan mo't ngayon din, ipagkakaloob!"
                  34
Tumugon sa bruha yaong kusinero
(Na ang paa yata'y iisa ang kuko),
"Ang Prinsesa Takya na sadyang mahal ko
Ay nais ng hari na magka-esposo."
                  35
"Huwag nang ituloy!" ang sabi ng bruha,
"Nalalaman ko na ang iyong problema.
Ibig mong makuha ang prinsesa, di ba?"
Si Tarulipakot ay sumagot, "Ya! Ya!"
                  36
"I-i-i!  Madaling lutasin ang lahat!"
Ang wika ng bruhang sa dila'y may peklat,
Agad nagparikit ng apoy at sukat
Malaking talyase'y doon itinapat.
                  37
Sinalinan iyon ng maraming tubig
At pinatakan pa ng kaunting langis
Yao'y binudburan ng pamintang panis.
Gatas at asukal, betsin, suka, dilis.
                  38
Pagkatapos, ito ay kanyang hinalo
Ng isang tinidor na ang dulo'y liko
Habang nilalagyan ng patis at toyo
At ilang tinadtad na buhok ng tuko.
                  39
Ilang sandali pa'y kumulo na iyon
At siya'y naglagay ng ugat ng talong,
Kaunting repolyo, at buhay na suhong,
Sandakot na lupa, at mata ng pagong.
                  40
Habang hinihintay na yao'y lumamig,
Pumasok ang bruha sa kaniyang silid
At noong lumabas ay may boteng bitibit,
Yaon ay may laman, at ubod ng liit.
                  41
"Halika," ang tawag kay Tarulipakot,
At siya'y lumapit na lugod na lugod,
"Sa pagluluto mo ay ihalong lubos
Ang gamot na ito, siguradong ayos!
                  42
"Lahat ng kakain o kahit tikim lang,
Ng pagkaing iyo'y iiwan ng malay
Sila'y mahihimbing nang maraming araw
Kaya't sa balak mo'y walang sasagabal!
                  43
"Ang kakain nito'y kawal ng palasyo,
Ang hari, ang reyna't mga kabalyero...
Kapag sila'y walang malay nang totoo,
Prinsesa'y malayang maitatanan mo!"
                  44
"Yipipi!  Nya-ha-ha!  Sa wakas, nyak-nyak-nyak!"
Ang wika ng kanyang lalaking kausap,
"Ang Prinsesa Takyang pinakaliliyag
Nitong abang puso ay akin nang ganap!"
                  45
Si Tarulipakot, sa labis na galak,
Ay di na nagawa ang magpasalamat.
Ang munting botelya ay noong matanggap,
Dali-dali itong umuwi kaagad.
                  46
Magdadapit-hapon nang kanyang sapitin
Yaong kahariang Potpot kung tawagin
Ang abang kusina ay noong pasukin
Ay walang sino mang natawag ang pansin.
                  47
Inihanda niya ngayon ang pagkain
Para sa hapunang kanyang lulutuin...
Relyenong gurami, dilis na pinaksiw,
Eskabetseng murkon, nilagang ayungin.
                  48
Sumisipul-sipol habang nagluluto
Si Tarulipakot na tatlo ang nguso
(A, yaong dalawa, kaya nadagdag po,
At sa katitikim, madalas mapaso!)
                 49
Si Tarulipakot, sa tagal na halos
Ng pagseserbisyo sa palasyong Potpot,
Sa kanyang gawai'y bihasa nang lubos
Pup'wedeng magluto kahit natutulog.
                  50
Kaya itong apat na putaheng ulam,
At saka apat ding lakip na sawsawan,
Ay niluluto n'ya nang magkakasabay
Nakapameywang pa ang kaliwang kamay.
                  51
At hindi naglaon, ang mga pagkain
Ay halos luto na at handang hanguin;
Dito na kinuha ang boteng nanggaling
Sa bruhang Rosemarie kung tawag-tawagin.
                  52
At binuksan iyon ni Tarulipakot,
At tigkakaunti niyo'y ibinuhos
Sa bawa't putaheng nakulo pa halos
Na sa sobrang init ay usok nang usok.
                  53
Pagkatapos nito'y buong kasiyahan
Na tinikman niya ang apat na ulam.
"Ang sarap!" aniya, "Tiyak na malamang
Na ito'y kanilang mangagugustuhan!"
                  54
Nang hahanguin na nitong kusinero
Ang nalutong ulam sa mga kaldero,
Siya'y nakadama nitong pagkahilo
Hanggang makatulog na siyang totoo.
                  55
(Papaanong hindi'y kanyang nalimutan
Na yaong pagkaing kaniyang tinikman
Ay nalagyan na nga ng gamot na bigay
Sa kanya ng bruhang singganda ng langaw!)
                  56
(Kaya tuloy ayan – ang unang biktima
Nitong kabuhungang binalak-balak n'ya
Ay wala ring iba kung hindi nga siya
Palibhasa, ayaw mag-iisip muna!)
                  57
Mag-iikapito ng gabi na halos
At ang hari't reyna ng Palasyong Potpot
Ay nababalisa sa hindi pagsipot
Nitong kusinerong si Tarulipakot.
                  58
Gutom na ang hari at ang kanyang reyna
Gayon din ang mga sundalo at g'wardya
(Mga g'wardyang ito, nalalaman n'yo ba?
Bukod sa lambutin ay panay pa lampa!)
                  59
Gutom na ang lahat, maliban na lamang
Sa Prinsesang ngayon ay tulog nang tunay
(Miniryenda niya kani-kanina lang
Ay apat na sakong mani't butong-pakwan!)
                  60
Mag-iikawalo ng gabi't nag-utos
Sa mensahero n'yang si Tenggoy Turpelok
Ang mahal na hari nang upang matalos
Kung ano'ng nangyari kay Tarulipakot.
                  61
Kaagad sumunod ang napag-utusan
At yaong kusina'y kanyang pinuntahan
Nang makita niya na nakahandusay
Si Tarulipakot, siya'y kinabahan.
                  62
Nilapitan niya si Tarulipakot
Sinuring mabuti, inamoy ang tuhod,
At nang matiyak n'yang ito'y natutulog
Ay medyo nagluwag ang kaniyang loob.
                  63
Nagbuntung-hininga't sa kanyang sarili
Ay ito ang kanyang pabulong na sabi,
"Ako ay natakot, akala ko kasi,
Sa pandak na ito'y kung ano'ng nangyari!"
                  64
At hindi kawasa, siya'y napalingon
Sa mga pagkaing naghalera roon
Saka naalala nang bigla ni Tenggoy
Na siya nga pala'y kanina pa gutom.
                 65
Nakalimutan na ang utos ng hari
At kumain muna, nang una'y kaunti;
Nang maubos ito'y kumuha pang muli
Hanggang gutom niya'y tuluyang napawi.
                  66
Ang mahal na hari'y lalong nabalisa
Nang ang inutusan magmula kanina
Magpahanggang ngayon, mag-iikas'yam na,
Kahit na anino'y di nagbabalik pa.
                  67
Lubha pa nga't noong kaniyang napansing
Maputla na halos sa kaniyang tingin
Sa matinding gutom ang reyna n'yang giliw
At mga sundalong di pa kumakain.
                  68
Tumindig ang hari sa kaniyang trono
Bago'y nagsalita, "Halina na kayo
At ating puntahan yaong kusinero
Doon sa kusina ng aking palasyo!"
                  69
Sa mahal na hari'y sumunod ang lahat
Na nanlulupaypay ang hakbang at lakad.
Noong ang kusina'y sapitin na't sukat,
Ang mga pagkain ay agad pinapak!
                  70
Ay, mistulang tigre't leon ang kawangis
Niyong bawa't isang nagsuot ng bangis!
Sa pag-aagawan ay may nananabig,
May nadadaganan at may naiipit!
                  71
Ilang sandali pa't gabi'y natahimik
Ikalabing-dal'wang oras ay sumapit
At ang bawa't isa'y mahimbing ang idlip
Kabilugan noon ng buwan sa langit.
                  72
Kinaumagahan, prinsesa'y nagising
Sa gulo at ingay na sa labas galing;
Sa kanyang bintana ay noong dungawin,
Siya ay ginimbal ng isang tanawin.
                  73
Sila ay nilusob ng mga kaaway
Na mula sa bayan ng NEBER-NEBER-MAYN!
O, kaydami nila!  At kung lalabanan,
Batid ng prinsesang matatalo lamang.
                  74
Si Prinsesa Takya ay agad nagpunta
Sa silid ng kanyang tatay na'y ama pa,
Ngunit ang naroong nasalubong niya
Ay yaong kalaban... mabuti't iisa!
                  75
Naunahan niya ang kanyang kaaway
Bago napaputok ang armas na tangan
(Ang nasabing armas, kung ibig malaman,
Ay sumpit, ang bala: itlog ng bayakan!)
                  76
Kinarate niya saka id'yinudo
Ang kawawang pobreng iisa ang kuko
At bago dumating ang ibang saklolo,
Si Prinsesa Takya'y agad nakatakbo!
                  77
Isang munting silid ang kanyang pinasok
At siya'y may isang bagay na pinindot
Ah, isang pintuan, na lubhang makipot,
Ang biglang bumukas... patungo sa ilog!
                  78
At dito naglaho si Prinsesa Takya
Walang nakabatid kung nasaan na nga
May nangagkukurong nalunod na sadya
O baka kinain ng b'wayang baluga!
                  79
Kung napasaan man ang prinsesang mahal
Ang tiyak lang natin ay iisang bagay:
Kahariang Potpot ay napasakamay
Ng mga lumusob na lilong kaaway!
                  80
At ang mga tao't mamamayan roon,
Kasama ng hari't reynang walang ilong,
Ay ginawang bihag, ngayo'y nakakulong...
Kapalaran nila'y paano na ngayon?
                  81
Ang masaklap nito'y wala pa ring malay
Ang hari, ang reyna, at ang mga kawal
Na siyang marapat magtanggol sa bayan!
Kailan gigising?  Walang katiyakan.
                  82
Nagdaan ang araw at mga panahon
Sa Palasyong Potpot na iba na ngayon;
Pinamumunuan ng sukab at buhong,
Ang kanyang pangalan ay TANGKULIWEYONG.
                  83
Si Tangkuliweyong ay anak na supling
(Na kahit iisa'y bugtong kung ituring)
Ng tatay n'yang ama, at asawa mandin
Ng kaniyang nanay na kanyang ina rin!
                  84
Ang tatay na itong aking binabanggit
Ay ang siyang hari ng Liping Kamatis
(Kaya ito ang s'yang ngalang napakapit,
Pagka't tao rito'y sa talong mahilig).
                  85
Ang Liping Kamatis ay lubhang mayaman
Sa ginto at pilak, at sa brilyante man
Kaya itong hari'y kilalang lubusan
Sa alin mang sulok ng sandaigdigan.
                  86
Hindi lamang dahil sa yaman ng lipi
Kung bakit totoong natanyag ang hari
Kundi dahil na rin sa kanyang ugali
Na dapat hangaan at katangi-tangi.
                  87
Kaya naman lahat halos ng palasyo't
Mga kaharian sa balat ng mundo
Ay kumikilala't gumagalang dito
Sa nasabing haring may kuto sa puyo.
                  88
(Ay, lintik!  Talagang kaydaling lumimot
Nitong aking abang diwang nasa tuktok
Kanina pa yaring pluma ko'y nasuntok
Ang ngalan ng hari'y di pa napapasok!)
                  89
Ang ngalan ng hari, pasens'ya na kayo,
Ay BENYORITUSAKWEDIROTINELO
(Di na sasabihin yaong apelyido
At baka kapusin ang ating espasyo.)
                  90
Kung ano ang bait na taglay at angkin
Ng hari ng liping Kamatis ang turing
Ay kabaligtaran naman ng sa supling
Na halos ay walang puso at damdamin!
                  91
Hindi lamang yata damdamin at puso
Ang sa kanya'y sadyang nawala't naglaho
Kundi pati kanyang pitso, apdo't dugo
At balunbalunang singtigas ng ginto!
                  92
Ganito marahil ang laki sa dyeproks,
Palibahasa'y walang nasang di nasunod
Hayan!  Nang tumanda'y may sungay at buntot!
Salat sa pangaral, sa galak nabusog!
                  93
Saka kung kailan tumanda't may isip
Ngayon tuturuan ng gawang matuwid
Ngunit kanyang asal mula nang maliit
Ay pilipit na rin, baguhin mang pilit.
                  94
Di isang araw nga'y muling inaralan
Si Tangkuliweyong ng ama n'yang hirang
Aniya, "Masamang barkada'y iwasan,
Pagka't walang buti ditong makakamtan."
                  95
Itong anak naman ay hindi nakinig
Kaya itong ama'y naghubad ng lamig;
Nguni't ang hinaho'y pinigil pang pilit
Upang di maglabo kanyang pag-iisip.
                  96
A, dala marahil ng kabiglaanan,
At dahil masidhi yaong kagustuhan
Na ang mutyang anak ay magbagong-asal
Kung kaya parusa'y kusang ipinataw.
                  97
"Mula ngayon," anya, "ay di ka aalis
Sa loob ng iyong maharlikang silid.
Ano man ang iyong kailanga't ibig
Ay ibibigay ko at ipahahatid.
                  98
"Ayaw kong sa iyo ay maging marahas
Nguni't pinilit mong puso ko'y tumigas
Sa silid na iyan ay di ka lalabas
Hanggang matuto kang humingi ng tawad."
                  99
Natupad ang nasa ng hari sa anak
Si Tangkuliweyong ay nagdusang ganap
Subali't sa halip na magsisi't sukat,
Sa kanyang isipan, may nabuong balak.
                  100
Ang kanyang damdamin sa amang mabait,
Pawang pagkasuklam, pagsumpa, paglait.
Aniya'y "Hindi na ako iniibig...
Kaya kailangang siya ay iligpit!"
                  101
At isang gabi nga na lubhang mapanglaw,
Nang namamayani ang katahimikan
Ay isang anino yaong dahan-dahang
Nagbukas sa silid ng isang pintuan...
                  102
Ang tinungo nito ay isa pang silid;
Pagbukas na muli ng pinto'y namasid
Ang mahal na haring di pa naiidlip
Na tila malalim yaong iniisip...
                  103
Naroon ang anak – alibughang anak
Ulo, nakatungo... at waring iiyak;
Naroon ang ama, tumindig kaagad
Buong pagmamahal na ito'y niyakap.
                  104
Subali't ang anak, ang putris na anak,
Ay di pala tunay ang hinging patawad
Sapagka't buo na ang kaniyang balak...
Ang kaniyang ama ay dapat mautas!
                  105
Kaya nang magyakap ang anak at ama,
Ang anak na lilo'y kumilos pagdaka
Agad kiniliti sa tuhod at paa
At sa kilikili ang haring natawa!
                  106
Halakhak ng hari ay pumailanlang
Sa dilim ng gabi sa kapaligiran
Kaya buong lipi n'yang nasasakupan
Pawang nabulabog at nangagulantang!
                  107
Ang lahat ng paa at lahat ng hakbang
Pawang sa palasyo gumawa ng daan
Datapwa't huli na silang nagdatingan
Pagka't itong hari ay wala ng buhay!
                  108
At ito ang tagpong kanilang namalas:
Si Tangkuliweyong ay nag-uumiyak
At naglulupasay na hindi maawat
Sa harap ng bangkay na walang ulirat.
                  109
Nalibing ang hari, lahat ay nagluksa
At ang buong lipi ay nalasong lubha
Ng isang matapat na paniniwala
Na ang kamatayan, sa bangungot mula.
                  110
At hindi pa halos nag-iisang linggo,
Inangkin ng anak ang naiwang trono;
Dito nagsimula ang bagong kalbaryo
Nitong dati-rati'y masasayang tao.
                  111
Pagka't kung paanong sa mundo'y natanyag
Ang kaniyang amang kabaita'y ganap,
Gayon din, ang ngalan ng sukab na anak
Ay sa kasamaan totoong sumikat.
                  112
Ang pamamalakad sa liping Kamatis
Ni Tangkuliweyong ay sobrang malupit
Ang ayaw sumunod sa kaniyang ibig,
Pinarurusahan ng tatlumpung pitik!
                  113
At upang malubos ang kaligayahan
Ay pinalitan pa ng bagong pangalan
Ang Liping Kamatis na kilalang tunay,
Ang tawag na ngayon ay NEBER-NEBER-MAYN.
                  114
Sa Neber-Neber-Mayn ay kanyang ginanap
Ang mga gawaing malaong binalak
Ang kapangyariha'y yamang nasa palad
Ang ano mang nasa'y dagling natutupad.
                  115
Mula nang hawakan ang pamamahala
Ng liping ang lagay ay naging kawawa,
Kauna-unahang kanyang inihanda
Ay ang mga kawal sa pakikidigma.
                  116
Siya ay nagsanay ng kalalakihang
Pawang binubuo nitong kabataan
Upang maihanda sa pakikilaban
At pakikibuno sa mga kaaway.
                  117
Sino mang tumangging magsanay na lubos
Ay kinikiliti sa leeg at tuhod
Dili kaya nama'y ikinakalabos
At pinakakain ng balat ng niyog.
                  118
Ilang panahon pa'y kinilala na nga
Ng mga kanugnog na bayan at bansa
Ang lakas-militar na kahanga-hanga
Ni Tangkuliweyong sa pakikidigma.
                  119
At nagsimula nang siya ay lumusob
Sa karatig-bayan at mga kanugnog;
Bawa't masalakay ay napaluluhod,
Sa kaniyang nasa'y napabubusabos!
                  120
Kung ano ang palad na kinasadlakan
Ng Liping Kamatis (o Neber-Neber-Mayn)
Ay gayon din halos sa iba pang bayan
Na nabibiktima nitong pagsalakay!
                  121
Kaya nga kumalat ang lagim at sindak
Na dulot ng taong gahaman at sukab,
Kabilang na rito ang sinamang-palad
Na Palasyong Potpot... Ay!  Kahabag-habag!
                  122
Ang bahaging ito'y sandaling iiwan
Sa pagpapatuloy nitong kasaysayan
Upang itong paksa ng ating usapan
Ay doon ibaling sa malayong bayan.
                  123
Ang bayang nabanggit, na ang ngala'y OWAT,
Ay nasa paanan ng bundok MENGOYNGAT;
Ang nasabi namang bundok ay magubat,
Lubhang mapanganib... Ay!  Kaydaming ahas!
                  124
Doon, walang taong mangahas pumasok
Pagka't nabalita iyon sa kilabot
Ay ayon sa mga tsismis kong nasalok,
Walang lumalabas nang buhay sa loob.
                  125
Nguni't isang araw, magdadapit-hapon,
May isang lalaking nagtangkang pumaro'n
Siya'y walang takot at di umuurong
(Kahit ang kalaba'y isang yutang pagong!)
                  126
At sa kalalakad at sa kauusad
Ay kanyang nasapit ang pusod ng gubat
Madilim nang lubos, naglaho nang ganap
Ang araw sa langit na dati’y busilak.
                  127
Kaya itong tao (a, pogi pa naman)
Na tila napagod sa kanyang nilakbay
Ay sa isang puno ng lasing na sitaw
Doo’y isinandal ang katawang pagal.
                  128
Ang lalaki’y agad-agad nakatulog
Bagama’t maraming naglipanang lamok
Ipagtataka mo’y isa-isa halos
Nangagbabagsakan ang lamok na tepok.
                  129
Wala man lang isang nakatikim yata
Ng dugo ng taong mayroon nang muta
Sa lamok na iyon (ito’y pambihira!)
Ang bawat madapo’y nangingisay bigla!
                  130
Kayhimbing ng tulog ng lalaking iyon
Pikit pa ang mata at taas ang ilong
Hindi niya alam, sa puno ring yaon
Ay may isang ahas na nakikisilong.
                  131
Ang ahas ay halos singhaba ng poste
Ang pangil ay tulad ng sa  elepante
Kung ito’y magising...Ay naku!  Ay nake!
Kawawang tutoo ang lalaking pobre!
                  132
Ang takbo ng oras ay napakabagal...
Ang bawat sandali’y panganib ang alay...
(Madali ka, dali!  O taong nilalang!
Bumangon kaagad nang huwag mamatay!)
                  133
Umaga na pala, ang tao’y nagising
Nag-inot-inot pa at nag-iling-iling
Na wari ay tila akala mo mandin
Di pansin ang ahas na kanyang kapiling!
                  134
Tumayo na siya at naglakad-lakad
Hindi na nagising ang putris na ahas!
(Atin ngang lapitan... aba, naku!  Hudas!
Ito ay patay na, bangkay nang matigas!
                  135
Ano kayang meron ang lalaking ito
Na di malapitan ng sama’t peligro?
Lubhang mahiwaga, batbat ng misteryo,
Di kayang arukin ng diwa ng tao!
                  136
Kani-kanina lang ay buhay na buhay
Ang ahas na iyon... ano at namatay?
Ang sagot sa tanong, kung nais malaman
Ay malalaman din pagsapit ng araw.)
                  137
Naglakad-lakad nga ang lalaking iyon
Malayo ang tingin at di lumilingon
Tila hindi pansin sa bawat pagsulong
Ang mga panganib na masasalubong.
                  138
Nakita ay isang malinis na batis
Na dinadaluyan ng sariwang tubig;
Huminto sandali, marahang lumapit
Nagpalinga-linga sa kanyang paligid.
                  139
At nang makakita ng basag na bao,
Yaon ay dinampot at ginawang lumbo
Saka isinalok at uminom dito
Kaylamig ng tubig... Ah-ha!  “Que sabroso!”
                  140
Di pa halos tapos sa kanyang pag-inom.
Biglang lamagaslas ang tubig, umalon...
Kaydaming buwaya!  At gutom na gutom,
Siya ang napiling miryendahin ngayon!
                  141
Ang lalaking ito’y ni hindi kumilos,
Hindi sinagihan gamunti mang takot
Sa halip, nag-ekis ng kanya pang tuhod
At pagkakaupo’y lalong pinag-ayos.
                  142
Na tila ba siya ay kukunan yata
Ng litrato (Tsk-tsk!  Sadyang pambihira!)
Aba!!!  Mga b’waya’y biglang nagtahiya...
Nang mapalapit na ay nangisay kusa!!!
                  143
Nangyari ay parang wala ring nangyari
Tumayo na naman ang poging lalaki
At muling lumakad na tulad ng dati,
Tiwalang-tiwala sa kanyang sarili.
                  144
Walang anu-ano ay nagpagaspasan
Ang dahon ng mga nagtayong halaman,
Ilang sandali pa’y napaliligiran
Na siya ng mga kung anong nilalang!
                  145
Sila’y taong-bundok na may kulay uling,
Mapula ang mata at berde ang ngipin
May hikaw sa pisngi, sa teynga–may drowing
(He!!! Baligtad pala ang aking naturing!)
                  146
Sila ay mayroong hawak na sandata–
Tangke at masinggan, dinamita’t bomba’y
Pawang hindi nila tunay na kilala
Dahil armas nila’y plastik na espada!
                  147
Ang lalaki’t tila di rin natatakot
Sa kabila nitong sa kanya’y naglibot
At hindi naglaon, siya’y iginapos...
Nang matauhan na ay nakakalabos.
                  148
Nang malaman ngayong siya’y nakukulong,
Dito ay namutla, nagpagulung-gulong
Saka ubod-todong umiyak, umungol!
(Daig pa ang batang animo ay sanggol!)
                  149
Lubha pa nga’t noong matanaw sa labas
Yaong mga taong nagsisipagpadyak
Nangagsasayawan sa labis na galak
Sa saliw ng tugtog ng tambol na wasak.
                  150
Sa may gawing gitna nila ay may apoy,
May palayok namang doo’y nakapatong
Kaylaking palayok!  Ang naisip tuloy
Nitong tao’y baka siya’y imumurkon!
                  151
Kaya ang pag-iyak ay hindi mapatid
Lalo pang lumakas na tulad sa biik
Hindi niya lubos na alam at batid
Na may kasama s’yang doo’y napipiit.
                  152
“Tumigil ka nga d’yan!” ang sigaw sa kanya
Ng nakabilanggong kaniyang kasama.
Siya ay nagulat, at noong makita–
Nakilala ito na isang dalaga!
                  153
Pagkaganda-ganda ng babaeng ito
Kaya ang lalaki ay medyo nalito,
Di makapangusap, napiping tutoo
Mistulang estat’wang hawig sa rebulto!
                  154
Nang pagsaulian ng sariling malay,
Matamis na ngiti yaong hinayaang
Sa kaniyang labi ay mapalarawan
At ito’y ginanti ng babae naman.
                  155
“Bakit ka narito?” ang tanong sa kanya
Ng babaeng iyon na ubod ng ganda,
Ang lalaki nama’y tumugon pagdaka
At isinalaysay ang buong istorya:
                  156
“Ang pangalang binyag ng tatay ko ay PENG
Ngunit ang palayaw na tawag sa akin
Ay... KUNKURILELENGLILOTUYIBEHEM-
TIBIKAWTUYAKATLILULIMIHEYENG.
                  157
“Ako’y isang Pinoy sa puso at diwa
At anak-mahirap, ‘sang kahig, ‘sang tuka
Nagmula sa bayan ng TAOBTIHAYA,
Sakop ng TAGILID, malapit sa GITNA.
                  158
“Ako’y ulila na sa ama at ina
At kailan lamang, ako’y iniwan pa
Noong aking lolo pagkat pumanaw na
(Ang lolo kong ito’y asawa ni Lola).
                  159
“At siya ay bago tuluyang pumanaw,
May isang pamanang sa aki’y iniwan,”
At ipinakita ang k’wintas, kasabay
Ang muling pagluha at paglulupasay.
                  160
“Narito ang tanging munting alaalang
Naiwan sa akin, at ayon sa kanya,
K’wintas raw na ito’y lubhang naiiba...
Ito raw’y agimat na kanya pang mana.
                  161
“Ito kaylan pa ma’y di ko inaalis
Sa aking katawan kahit na sasaglit
Katulad rin naman ng saplot kong damit
Na kayamanan kong tanging masasambit.
                  162
“Mabisa ngang tunay ang bigay na k’wintas
Ng mahal kong lolo, isa ngang agimat
Kung kaya sa akin ay lubhang mailap
Ang mga panganib sa alin mang landas.
                  163
“At akin lang lubhang ipinagtataka
Ay kung bakit ito’y pumaltos kanina
Nang ako’y dakipin at dito’y dinala
Niyang mga taong sa mukha’y may pinta!
                  164
“Ito ang dahilan kung bakit umiyak
Ako nang lubusan sa tindi ng habag
Sa buong buhay ko’y gamunti ma’t kagyat,
Ang gawang mabigo’y ngayon lang naganap!”
                  165
Siya ay suminghot at luha’y pinahid,
At ang katanungan nama’y ibinalik
Doon sa babaeng kasamang napiit
Na ang  naging tugon ay pawang pasakit.
                  166
Aniya’y tumakas siya sa palasyo
Na ang ngala’y Potpot, at napadpad rito,
At nadakip naman nitong mga tao,
Saka ikinulong may ilan nang linggo.
                  167
Sinabi rin niya kung bakit tumakas
Doon sa palasyo na ngayon ay bihag
Ni Tangkuliweyong na tutoong sukab
At ang kasamaan sa buto ay sagad!
                  168
Subalit kaniyang inilihim kay Peng
Na siya’y prinsesa, at sa halip mandin
Ay nagbalatkayong anak ng alipin
Doon sa palasyong Potpot kung tawagin.
                  169
Ang usapan nila ay biglang napatid
Ng mga sigawang kulog ang kawangis
Ang may-ari niyo’y natakbong palapit
Sa dalawang bihag na di umiimik.
                  170
At silang dalawa’y kanilang kinuha
Upang sa palayok ay maisalang na
Nag-utos ang Datu na ang una muna
Ay yaong lalaki, bago ang dalaga.
                  171
Kaya kinalag na ang kaniyang gapos
At saka hinubad ang damit na suot
Ah, inalis na rin pati ang sapatos
At lahat ng kanyang kasuotang saplot.
                  172
Walang anu-ano’y biglang nagkagulo
At nangagpulasan ang lahat ng tao
Hanggang sila’y pawang natumba’t nahilo...
At namatay lahat, pati na ang Datu!
                  173
Nang makita ito’y kaagad nagbihis
Si Peng, pagkatapos ay kanyang pinatid
Ang gapos ni Takya, at sila’y umalis
Tumakas nga sila nang nagmamabilis!
                  174
Katuwaan ni Peng ay gayon na lamang
At yaong kuwintas ay tuloy nahagkan.
“Mabisang talaga,” ang kanyang naturan,
“Itong agimat kong makapangyarihan!”
                  175
Nang sapitin nila ang labas ng gubat
Nagpahinga muna sa lilim ng duhat
Sa pamamahinga ay muling nag-usap
Saka nagbalangkas ng maraming balak.
                  176
Sila’y magbabalik sa palasyong Potpot
Upang mailigtas sa pagkakakubkob
At masagip yaong reyna’t Haring Boknok
Kay Tangkuliweyong na masamang loob.
                  177
Gabi na nag sila’y makasapit roon...
Ah, may kasayahang ginaganap noon
Dahil kaarawan ni Tangkuliweyong,
Nagdiriwang sila at nagsisiinom.
                  178
“Huwag kang mangamba, ako ang bahala!”
Yaong wika ni Peng kay Prinsesa Takya,
At sila’y pumasok na roon pagdaka...
Si Peng–walang takot, matapang na sadya!
                  179
“Tigil!” yaong sigaw ng kawal na bantay,
“Ano ang sadya n’yo at ano ang pakay?”
“Kami’y naparito upang sumalakay!”
Ang s’yang tugon naman ni Peng na mayabang.
                  180
Nang malaman ito ay sinumpit sila
Ng bantay na kawal na tanod rin pala!
Kaagad umilag, tumakbo ang dal’wa
Kung kaya ang kawal ay nagsisigaw na.
                  181
“Nilulusob tayo ng mga kaaway!!!”
Ang kaniyang sigaw na ubod nang linaw
At yaong babala ay agad nalaman,
Ang mga trumpeta’y kanilang hinipan.
                  182
Dito ay natigil yaong pagdiriwang
At nagsipaghanda ang lahat ng kawal
Si Tangkuliweyong ay agad rin namang
Gumayak sa isang bagong paglalaban.
                  183
“Sino kayang taong walang pag-iisip
Ang lulusob ngayon at makikitagis?
Kung sabagay, ako’y malaon nang inip
Sa pakikidigma,” ang kanyang nasambit.
                  184
“Nahuli po namin ang dalawang ito!”
Ang sigaw ng kawal na panot ang ulo
Kasama ng ibang kawal ng palasyo
Na di kukulangin sa bilang na husto.
                  185
Nagkaharap na nga ang bidang magiting
At ang kontra-bidang pusakal at sakim!
Ano kaya ngayon yaong sasapitin
Sa sandaling itong nalipos ng lagim?
                  186
“Sino kang pangahas na dito’y pumasok?”
Ang tanong sa kanya ng taong balakyot
Si Peng nama’y agad nagbigay ng sagot,
“Ako’y isang taong walang pagkatakot!”
                  187
“Aha!  Matapang ka!” ang wika sa kanya
Ni Tangkuliweyong na medyo natawa,
“Kung gayon, humanda sa aking parusa...
A... Kawal!  Sunugin ito nang buhay pa!”
                  188
Si Peng, sa narinig, ay napahalakhak
Sinabi pa niyang “Hala... Gawin agad!!!
Kahit na sa apoy, ako’y walang gulat
Pagkat katawan ko’y hindi magliliyab!”
                  189
Sa sinabing ito’y nagbago ng isip
Si Tangkuliweyong na tila nainis,
“Kung gayon,” ang utos, ay ipahagupit
Nang apat na milyon at kal’hating ulit!”
                  190
“Yahuhu!” ang tawa ni Peng pagkatapos,
“Madali!  Ako nga’y inyong ipabugbog
Ngunit baka naman una pang manlambot
Ang inyong berdugo’t manakit ang likod?
                  191
“Pagkat ako’y hindi maaaring sak’tan
Ha-ha-hay!  Hay!  Manhid ang aking katawan!”
Si Tangkuliweyong ngayo’y lalo namang
Namula sa galit, nag-asal halimaw!
                  192
May isang lumapit kay Tangkuliweyong
Saka pagkatapos ay may ibinulong
Bago’y nilapitan si Peng na umurong,
At saka hinablot ang k’wintas ng buhong!
                  193
A, gayon na lamang yaong pagkabigla
Ni Peng na pagdaka’y nagmukhang tulala!
Siya’y pinawisan nang saganang sadya
At ang panginginig ngayo’y nahalata!
                  194
“Ye-ye-yey!” ang tawa ni Tangkuliweyong
“Hala, kaibigan!  Magyabang ka ngayon!
Narito ang iyong agimat na putol
Na siyang sa iyo’y marapat magtanggol!
                  195
“Kawal!  Ito ngayon ang aking parusa
At parusang ito’y di mababago pa:
Bihag ay alisan ng mga suot n’ya
At saka ihagis sa dagat pagdaka!”
                  196
Nang marinig ito’y lalo pang nagimbal
Si Peng, sabay luhod sa harap ng kawal,
“Parang awa mo na, hatol ay palitan
Gawin na ang lahat, huwag lamang iyan!”
                  197
“At batyit?” ang tanong ni Tangkuliweyong,
“Dahil ba sa di ka marunong lumangoy?
O natatakot kang mamatay na ngayon,
Pagkat agimat mo’y di makatutulong?”
                  198
Si Peng ay sumagot, “Hindi dahil diyan
Pagkat ako’y hindi takot na mamatay!
Ngunit ang parusang iyong ipinataw
Hanggang maaari’y mangyaring palitan!
                  199
“Di rin dahil ako ay hindi marunong
Ng sinasabi mong gawaing paglangoy...
Ay, walang halagang malunod man ngayon,
Ngunit kung pup’wede, hatol mo’y iurong!”
                  200
“Kung gayon ay batyit?” ang tanong sa kanya
Ni Tangkuliweyong nang may pagtataka.
Si Peng ay sumagot pagdaka sa kanya,
“Kung sasabihin ko’y mahabang istorya...
                  201
“Gayon man, ang tunay na kadahilanan
Ay ito: Magmula nang ako’y isilang
Kaylan man ay sadyang di pa naranasang
Dampian ng tubig ang aking katawan.
                  202
“Hindi naliligo mulang pagkabata
Kung kaya sa tubig, takot akong lubha!
O Tangkuliweyong... para mo nang awa,
Ang iyong parusa ay baguhin nawa!”
                  203
Sa sinabing ito ay pinagtawanan
Ni Tangkuliweyong ang kanyang kaaway.
Yay-ha-hay!  Kung gayon, aking kaibigan,
Parusa ko’y lalong hindi pipigilan!
                  204
“Bah, marapat ka ngang magpasalamat pa
Sa kabaitan ko’t malasakit, di ba?
Nang dahil sa akin, makatitikim ka
Ng unang paligo!  N’ya-ha-ha!  Hay!  Ha-ha!”
                  205
“Kung gayon,” ang sabi ni Peng na nalumbay,
“Ako’y meron sanang huling kahilingan:
Bago ang buhay ko’y tuluyang pumanaw,
Makausap muna ang kasamang hirang.”
                  206
Si Tangkuliweyong ay tumango lamang
Hudyat na si Peng nga ay pinapayagan.
Siya ay bumaling sa dalagang hirang
Nang upang mag-alay ng pamamaalam.
                  207
“Takya, kung sakaling ako ay wala na,
Tandaan mo sanang INIIBIG KITA.
Pag-ibig na ito’y nadama kanina
Nang kagandahan mo ay unang makita.
                  208
“Ang buhay ko rito’y oo nga’t may wakas
Pag-ibig sa iyo di naman kukupas...
Oo, mahal kita, sinta, irog, liyag...
Isang pagmamahal na dakila’t wagas.”
                  209
Si Takya’y tumugon, “O Peng!  O, aking Peng!
Mahal ko rin ikaw, sinta ko at giliw!
Kahit di ka goli, pogi ka sa akin
Sayang at ganito’ng naging palad natin!”
                  210
Ang nag-iibiga’y magyayakap sana
Subalit ang kawal ay naiinip na
Kaya nga inawat na silang dalawa
Upang maigawad ang takdang parusa.
                  211
Siya ay dinalang may hapis at lungkot
Sa dalampasigan ng dagat POYIPOT
Nang sapitin iyon, may isang nag-utos
Na kalagin muna ang lubid na gapos.
                  212
Dagdag pa ng kawal, “Alisan ng saplot
Nang ang pagpaligo ay lalong malubos!”
At nasunod naman ang kaniyang utos,
Hinubdan nga si Peng ng lahat n’yang suot.
                  213
Naunang inalis ang kanyang sapatos
Na lumang-luma na at pudpod na pudpod
(Sapatos na yao’y mula nang isuot
Wala nang hubaran hanggang sa mabulok.)
                  214
O ano’ng himala!  Nang ito’y maalis,
Natambad ang MEDYAS niyang DE COLORES
Tadtad pa ng BUTAS, at amoy tawiles
Na mayro’ng bagoong at panis na pawis!
                  215
Sa tindi ng amoy na umalingasaw
Ay pawang namatay ang naroong kawal
Katuwaan ni Peng ay gayon na lamang
Sapagkat ang kanyang paligo’y nabalam.
                  216
Siya ay bumalik doon sa palasyo
Binitbit na lamang ang sapatos nito
Naglakad na lamang, dahil ang kabayo,
Noong sakyan niya’y totoong nahilo!!!
                  217
Nang makita siya’y nilusob kaagad
Ng iba pang kawal – Naku!  Sangkatutak!
Ngunit nang maamoy ang suot na medyas,
Isa-isa silang natumba, nanigas!
                  218
Hinanap n’ya ngayon si Tangkuliweyong;
Sa kaniyang silid ay doon natunton
At tangkang halayin ang sintang pinoon
Kaya galit niya’y natulad sa leon!
                  219
Inambaan niya ng karate’t kung-fu
Si Tangkuliweyong na sukab at lilo
Ngunit hindi pa man sila nagtatalo,
Ang kalaban ni Peng, agad nang naliyo!
                  220
Nagwakas ang kanyang mga kabuktutan
Kasama ng buhay na kaniyang taglay.
Nagkayakap naman sa kaligayahan
Si Takya at si Peng na nagmamahalan.
                  221
“Ang tapang-tapang mo!” ang wika ni Takya,
“Kaydaming kaaway na ‘yong pinadapa!”
“Giliw ko,” ang tugon sa kanya pagdaka,
“Sa nangyari’y hindi ako ang may gawa.
                  222
“Ang lahat ay dahil sa butas kong medyas
Na mula at sapul ay di hinuhubad.
Ngunit hintay... Sila dito’y nagsibagsak
Maliban sa iyo, o Takya kong liyag!”
                  223
Ngumiti si Takya na ito ang tugon:
“Mangyari’y mayroong sipon ako ngayon
Kung kaya mahina ang aking pang-amoy...
Ay, ikaw rin, bakit di ka napagulong?”
                  224
“Paano ay akin ang medyas na ito
Kung kaya sa amoy ay sanay na ako!”
Ang sagot sa kanya, at inalis nito
Ang medyas sa paang mero’n pang kulugo.
                  225
Aniya, “Ang butas na medyas ko ngayo’y
Yamang di kaylangan, dapat nang itapon.”
Saka inihagis, at ito’y humantong
Nang di sinasadya sa may gawing silong.
                  226
Maya-maya, sila’y mayroong narinig
Na mga sigawang nangakatutulig
Kanilang tinunton kung nasaang panig
Nagmumula yaong malakas na boses.
                  227
Sa gawing ilalim ng palasyo pala
Doon nakukulong ang hari at reyna
Sampu niyong kawal at mga kasama
Na kung mamalasin ay bagong gising pa.
                  228
Agad na binuksan ni Peng ang pintuan
Nitong bilangguan, nang may kasiyahan
Si Takya’y niyakap ng Hari n’yang tatay
Gayon din ng Reynang ang mata’y luhaan!
                  229
At isinalaysay nitong Haring Boknok
Kung paanong sila’y pawang nakatulog
At kung paano ring nagising na lubos
Sa tindi ng amoy ng kung anong bulok.
                  230
Sila’y nagsialis doon sa piitan
At nagsipaghanda nitong pagdiriwang
Nag-utos ang Haring lahat... anyayahan
Upang masaksihan itong kasayahan.
                  231
Sumagot si Tenggoy, “Di na po kaylangan.”
Nagtanong ang Hari, “Aba, bakit naman?”
“Kasi po,” ang tugon, “Bukas na ang araw
Niyong paligsahang inyong ibibigay.
                  232
“Kaya bukas rin po ay magsisidating
Ang mga prinsipeng pawang magigiting
Na kung saan-saang kaharian galing
Bilang paunlak po sa anyaya natin.
                  233
“Nalimot na baga, Hari naming mahal,
Ang nasabi ninyo kamakailan lang
Na Prinsesa Takya ay ipakakasal
Sa sino mang doo’y magwawaging tunay?
                  234
“Kaya nga hindi na kakailanganin
Ang mag-anyaya pa niyang panauhin
Ang marapat na lang ay ating hintayin
Yaong nagnanasang kayo’y biyenanin.”
                  235
Ang sabi ng Hari, “He’nga pala naman!
Muntik ko na tuloy na makalimutan!”
“E, Tatay...” ang wika ng prinsesa naman,
“Si Peng po at ako ay nagmamahalan.”
                  236
“Ano?  Ano kamo?!!” ang tanong sa kanya
Ng mahal na Hari at asawang Reyna,
“At sino iyang Peng na iyong nakuha?
Tila pogi ngunit mistulang basura!”
                  237
“Siya po,” ang sabi ni Takya sa ama,
“Ang siyang nagligtas sa inyo kanina
At ang buhay ko rin ay utang sa kanya,
Pati ang pag-ibig na ipinadama.”
                  238
Ang sabi ng Hari, “Anak, di ko nais
Na panghimasukan ang iyong pag-ibig
Kung siya ang tunay na tibok ng dibdib,
Ako’y hindi tutol, gawin mo ang ibig.
                  239
“Datapwat, subalit, kaya lamang, pero
Ngunit may problemang ibubunga ito:
Sa mga prinsipeng magsisiparito,
Pagpapaliwanag kaya ay paano?
                  240
“Pagkat sila’y pawang dito’y magpupunta
Na taglay sa puso ang isang pag-asa
Na ikaw nga, iha, ay mapangasawa
At saka magmana ng aking korona.
                  241
“Paano kung biglang kanilang mabatid
Na nakasangla na ang iyong pag-ibig?
Hindi nga malayong kanilang maisip
Na nagsinungaling itong aking bibig!”
                  242
Si Peng ay nagwika, “Mawalang-galang na;
Nais kong tumulong sa inyong problema.
Upang dangal ninyo’y hindi magkamantsa,
Ang sasabihin ko ay pakinggan sana:
                  243
“Kahit na po itong puso ng prinsesa
Ay akin nang tunay, kung kailangan pa
Na ito’y daanin sa pakikig’yera,
Handa kong isugal ang abang pagsinta!
                  244
“Ililihim nating tulad ng sikreto
Ang pag-iibigan namin ng anak n’yo
At magkukunwari na lamang po ako
Na gaya rin nilang laang makitalo.”
                  245
“Hintay, aking mahal!” ang sabi ni Takya,
“Mamamatay ako pag iya’y ginawa,
Kung ikaw’y masawi, paano na kaya
Ang abang buhay kong iiwang ulila?”
                  246
“Huwag kang mangamba,” sabi ni Peng naman
“Sasandatahin ko’y ang ‘yong pagmamahal
Di pababayaan ng Poong Maykapal
Ang sino mang tapat na nagsusuyuan.”
                  247
Kaya gayon na nga ang nabuong balak
Nitong mag-aama’t ni Peng na matatag
At muling lumipas ang buong magdamag
Sumapit ang araw na kasindak-sindak.
                  248
Lahat halos yata niyong mamamayan
Ng bansang Bururus ay nagsidatingan
Sa palasyong Potpot upang masaksihan
Itong paghaharap ng pawang matapang.
                  249
Naghintay ang Hari, Reyna at Prinsesa
Sa mga prinsipeng handang makibaka
Maging mga taong nangaiinip na
Ay nag-aabang din nang nakanganga pa!
                  250
Nang magtipon doon ay umaga pa lang,
Ngayo’y malapit nang lumubog ang araw
Subalit ni isa’y wala pang nadatal
(Alam ko ang sanhi, ngunit di ko alam.)
                  251
Ang tutoo’y ito (kahit di totoo):
KAGABI, sa labas ng abang palasyo
Nagkatipun-tipon nang nagsiparito
Ang mga prinsipeng handang makitalo.
                  252
Sila ay tunay ngang pawang magigiting
Hindi natatakot sa ano ma’t alin
Pumanaw ay handa, handa ring kumitil
Lalo’t ang kapalit ay prinsesang giliw.
                  253
Ngunit nang naro’n na’t nagkasama-sama
May nakapagsabi naman sa kanila
Tungkol sa naganap na pakikibaka
Ng isang lalaking matapang talaga.
                  254
Ayon sa balitang kanilang narinig,
Kaydami ng buhay na kanyang napatid.
Ang mga prinsipe ay pawang nagkibit
Lamang ng balikat at nangagsingibit.
                  255
Ngunit nang mabanggit ang hinggil sa MEDYAS
Na pag-aari nga ng taong nabunyag,
Ang mga prinsipe ay agad nagyakag...
Nabakla ang puso at biglang naduwag.
                  256
Kaya hindi na nga nagpaumaga pa
Ang mga prinsipe ay nagsiuwi na
Sa takot na sila’y baka mapasama
Sa naging biktima ng MEDYAS na bida!
                  257
Sa pag-aakalang sila’y di dumating,
Ang mahal na Hari’y nagsalita mandin,
“Mga kababayan–Ledis en d’yentelmen
Ako ay pakinggan wayl ol ob yu lisen:
                  258
“Yamang wala yatang nais makibaka
Upang kamtin yaong puso ng prinsesa
Ay narito ngayon itong aking pas’ya:
Si Peng ang kaniyang mapapangasawa!
                  259
“Kaya hayo’t ating ipagdiwang lahat
Ang kasal ng aking mabait na anak
At ipagsigawan ang pasasalamat
Sa Poong Maykapal na Tagapagligtas!”
                  260
Mga taong bayan ay pawang nagalak
“Mabuhay!” anila, “si Takyang marilag!
Mabuhay rin si Peng!  At higit sa lahat,
Mabuhay!  Mabuhay ang BUTAS NA MEDYAS!”
                  261
    Mga kaibigan,
        ito na ang wakas
    Nitong kasaysayan
        ng BUTAS NA MEDYAS
    Ang ARAL na nais
        nitong ipahayag.....
    “MATUTONG MAGTIPID
        NANG TAYO’Y UMUNLAD!!!”


             – wakas –



Rafael A. Pulmano
March 22, 1976
Biñan, Laguna
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.


Bugso ng Gunita
Butas na Medyas
Pag ang Puso'y Napusoy



KWENTULA
Tuloy po kayo!TulaKwentulaSalintulaBalagtasanBlogTalasanDulaSanaysayMaikling KuwentoSali ka, KabayanKilalanin NatinUsapang OFWCartoonsAwitLarawanDoon Po Sa AminHandogKomento at punaArkibo

 
Personal na web site ni Rafael A. Pulmano

OFW – ANG BAGONG BAYANI
 
COPYRIGHT 2017 © RAFAEL A. PULMANO

affiliate_link