Site menu:

SIGN GUESTBOOK VIEW GUESTBOOKSEND EMAIL

 

THANKS TO OUR SPONSORS







ads - group 5
ads - group 6
THE CASE OF THE VISKOTSO MASAKER  |  ISANG DANGKAL NA GUNITA
PIRMA  |  SAN MIGUEL ARKANGHEL


PIRMA


Apat-na-yugtong dula mula sa panulat ni
Rafael A. Pulmano


MGA TAUHAN
(Ayon sa pagpasok sa entablado)


San Pedro
Juanito Bonito
Ester Gonzales
Madel Madeldel   
Cassandra
Kristina Lopez
Diego Macabago
Magno
Kulas
Padre Almario Moranaz
Auring
Concha   
Tomas
Mario
Acting Mayor Acendero Acer
3 bodyguards
Pablito Nandito
Cesar
Domeng
4 kabataang babaeng addict
2 kabataang lalaking addict
Freddie
Toyang
Boboy
Ramona
Romano
Carlota
Carlito
Amanda
Amado
9 Lalaki at babaeng may boses-hayop
2 Bata
Lucio
Lucia

 


UNANG YUGTO


TAGPO:

Ika-6 ng umaga.  Isang munting tindahan ang makikita sa gitnang itaas na bahagi ng tanghalan.  Sa gawing kanang itaas ay may isang poste ng ilaw, sa kaliwang itaas ay may pinto papasok sa bahay,  at mga isa’t kalahating metro mula sa pinto ay may puno. Sa pagsisimula ng dula, dalawang lalaki ang humahabol sa isang tandang.  Sa sandaling mahuli  [o tuluyang makawala] ang manok, sisimulan ang diyalogo.



SAN PEDRO :    Naku, napagod yata ako nang husto sa katatakbo!

JUANITO :    Eh, kasi naman, Manager.  Sukat ba namang hanggang dito’y dinala mo pa iyang alaga mo.

SAN PEDRO :    Balita ko kasi’y usung-uso ang derby sa lugar na ito.

JUANITO :    Ano na nga bang lugar itong pinagdalhan mo sa akin?

SAN PEDRO :    Ito ang Barangay San Isidro, at dito natin masusubok kung hanggang saan talaga ang galing mo.  O ano, may tanong ka pa ba tungkol sa iyong assignment, Juanito?

JUANITO :    Wala na.

SAN PEDRO :    Good.  Diyan ka na at aasikasuhin ko muna ang dapat kong asikasuhin.

(Lalabas si SAN PEDRO.  Lalakad si JUANITO patungong poste malapit sa tindahan at doon iistambay.  Papasok si ESTER, magwawalis nang kaunti sa harapan ng tindahan, aayusin ang mga upuan at mesa, at aangatin ang bintana ng tindahan.  Papasok si MADEL.  Ilalabas ni JUANITO ang dalang maliit na kuwaderno at ballpen.  Sa tuwi-tuwina ay magsusulat siya sa kanyang munting kuwaderno.)


MADEL :    Magandang umaga, Ester.

ESTER :    (Biglang bibitiwan ang bintana at sasara ang tindahan.)  Kanina’y ganyan din ang akala ko.

MADEL :    Akala mong ano?

ESTER :    Na maganda nga ang umaga.  Pero ngayong dumating ka na, pakiramdam ko ay biglang sumama ang panahon.

MADEL :    Tila yata hindi maganda ang gising mo, Ester?

ESTER :    Hindi kasi maganda ang pasok mo.  Dalawa lang ang nakikita kong posibilidad:  Uutang ka na naman sa tindahan ko, o may tsismis kang bago!  Masyado pang napakaaga para diyan.

MADEL :    Maling-mali ka ng iniisip, Ester.  Napakamura naman ng pagkakilala mo sa akin.


ESTER :    (Aangatin muli ang bintana ng tindahan.)  Puwes, kung wala kang bagong tsismis at wala kang planong mangutang, eh ano ang dahilan at napakaaga mong napadpad rito?

MADEL :    Meron lang akong ikukuwento sa iyo.  Siguradong hindi mo pa alam ito.  (Lalapit nang kaunti kay ESTER, itutuon ang isang kamay sa pasimano ng tindahan.)  Pero atin-atin lang dalawa ito at huwag na huwag mong mababanggit sa iba, ha?  Ah, teka... Mabuti pa’y bigyan mo muna ako ng isang lata ng sardinas at dalawang supot na monay.  Idagdag mo na sa listahan ko.  Magaling akong buena mano.

ESTER :    (Mabibitiwan uli ang bintana ng tindahan.  Maiipit ng kamay ni MADEL.)  Sinasabi ko na nga ba!

MADEL :    Aray ko!  Bakit ka ganyan, Ester?  Halatang halata na sinadya mong bitiwan ang bintana para masaktan ako.  Bakit?  Kostumer din naman ko, ah!  Nakalimutan mo na bang “the customer is always right?”  Bah!!! I can demand you, you know.

ESTER :    Patawad, Madel.  Huwag ka nang magdemanda.  Pauutangin na kita.  (Papasok sa loob ng tindahan at ibibigay ang binibili ni MADEL.  Ililista.)  Ang haba na nitong listahan ng utang mo, Madel.  Kailan ka ba talaga magbabayad?

MADEL :    Huwag muna nating pag-usapan ang utang, Ester.  Pangit na paksa iyan sa isang magandang umagang kagaya nito.  Marami namang ibang puwede tayong pag-usapan.  Halimbawa.  Nabalitaan mo na ba yung kumakalat na usap-usapan tungkol kay Padre Moranaz?

ESTER :    Si Padre Almario Moranaz?

MADEL :    Oo, si Padre AL MORANAZ.  Aba, lumalabas na tila may katotohanan ang mga alingasngas tungkol sa Al Moranaz na yan, dahil siya ngayon ang madalas na laman ng mga umuusok na balitang kumakalat sa apat na sulok ng ating bayan.

ESTER :    Kung ano man iyon ay siguradong mga hakahaka lamang at hindi dapat paniwalaan.

MADEL :    Ano bang hakahaka ang sinasabi mo?  Marami na ang nakakakita kay Padre Moranaz na nagmimisa sa simbahan.

ESTER :    Natural.  Trabaho niya iyon.  At naroon din ang kanyang tirahan.

MADEL :    Tama.  Samantala, itong si Cassandra... Lantaran sa madla ang ginagawa niyang pagpunta sa simbahan, nagsisimba at nagnonobena tuwing Linggo!

ESTER :    Ano naman ang masama roon?  Kahit sino’y puwedeng gawin ang ginagawa ni Cassandra.  Iyan ay isang gawaing banal at maka-Kristyano.

MADEL :    Pero hindi mo ba nakikita?  Hindi mo ba nauunawaan ang kahulugan ng lahat ng ito?  Si Padre Moranaz ay nagiging malapit kay Cassandra.

ESTER :    Ipagpalagay na.  Pero malapit din si Padre Moranaz kay Auring, kay Concha, kay Tomas, kay Mario at sa iba pang lay leaders na aktibo sa mga proyektong pamparokya.  Wala akong nasisilip na kontrobersyal doon.

MADEL :    Sila’y mga lay leaders.  Si Cassandra ay iba.

ESTER :    Para sa akin, parepareho lang silang tao.  At si Padre Moranaz ay tao rin.

MADEL :    Ah, basta!  Para sa akin, ang gayong pagiging malapit ng isang pari sa isang babae, lalo na sa isang babaeng kagaya ni Cassandra, ay isang kasalanang walang kapatawaran.

ESTER :    Kadalasan ang kasalanan ay nasa mata at dila ng taong malisyoso at mapanghusga sa kaniyang kapwa.

(Papasok  si CASSANDRA, nakasuot ng maikli at masikip na damit, naka-makeup, kaakit-akit.)


CASSANDRA :    Magandang umaga ho, Aling Ester.  Kumusta kayo, Aling Madel?

ESTER :    Aba, Cassandra!  Magandang umaga... Maaga yata ang alis mo?  Saan ba ang lakad, iha?

MADEL :    Hmp!  Ang dapat na itanong mo, saan ka ba galing at inumaga ka yata?  Hmp!

ESTER :    Madel!  Ano ka ba?  Eh, Cassandra, pasensiya ka na kay Madel, ha?  Mabiro talagang tao yan.

CASSANDRA :    Ayos lang ho yon, Aling Ester.  Matagal ko na hong kilala si Aling Madel kaya sanay na rin ako sa mga biro niya.

MADEL :    Hmp!  Ako rin, matagal ko nang bistado ang kalibre mo, kaya sanay na ako sa pag-alis mo nang gabi at pag-uwi nang wala sa oras.  Hmp!

CASSANDRA :    (Tatawa.)  Si Aling Madel talaga.  (Kay ESTER)  Siya nga pala, Aling Ester, pagbilhan nga ho ninyo ako ng Marlboro.  Isang kaha.  Eto ho’ng bayad.

ESTER :    (Kukunin ang Marlboro at iaabot kay CASSANDRA.)  Naku, ang laki naman nito.  Wala ka bang barya, Cassandra?  Alam mo’y kabubukas ko pa lang ng tindahan kaya wala akong maisusukli.

CASSANDRA :    Wala ho, eh.  Hayaan na ninyo Aling Ester.  Sa inyo na lang ang sukli.  Malaki naman ang kinita ko, eh.

ESTER :    Naku!  Huwag naman, anak.  Sobrang laki nitong Ninoy na bayad mo para sa isang kahang sigarilyo.  Kung gusto mo’y dalhin mo na muna’t saka mo na lang bayaran.

CASSANDRA :    (Tatawa.)  Sige na ho, Aling Ester.  Kunin n’yo na yan.  Paano ho, maiwan ko na muna kayo.

(Lalabas si CASSANDRA.)


ESTER :    Pambihirang bata ire...

MADEL :    Talagang pambihira!  Mahirap na lang magsalita.  Hindi ko kasi ugaling manghimasok sa buhay ng may buhay at humatol sa aking kapwa, kaya... Hmp!  Mahirap na nga lang kasi talagang magsalita.  Pero nakita mo na, Ester.  Siguro’y naniniwala ka na ngayon sa sinabi ko sa iyo?

ESTER :    Alin do’n?  Ang dami mo nang nasabi mula pa kanina.

MADEL :    Alin pa!  Eh, di... na tutoo ngang mahusay akong buena mano.  Isipin mo, wala pang isang oras na nakabukas itong tindahan mo, kumita ka na agad ng P500.00?  Kaya bigyan mo pa nga ako riyan ng isang boteng toyo...

(Papasok si KRISTINA, may bitbit na maleta.)


KRISTINA :    Magandang umaga po.  Maaari po bang magtanong?

ESTER :    Ano yon, ineng?

KRISTINA :    Saan po ba rito ang bahay-paupahan ni... (Kukunin sa bulsa ang isang pirasong papel, babasahin ang nakasulat.) ... Ginoong Augusto Buenavente?

ESTER :    Ah, eh... doon sa banda ro’n pa yon.  Pero matagal nang sarado ng bahay na iyon at wala na rito ang may-ari.  Nasa Amerika na.

KRISTINA :    Gano’n po ba?

MADEL :    Ganoon nga, iha.  Sino ka ba?  Tagasaan ka?  Anong masamang hangin ang nagtulak sa iyo sa lugar na ito?  At bakit mo hinahanap si Ka Augusto?  May utang ba siya sa iyo?
ESTER :    Rendahan mo naman kahit kaunti iyang dila mo, Madel!  Hindi ka ba nahihiya dito sa...? Pasensiya ka na, ha ineng.  Ano na nga pala ang pangalan mo?

MADEL :    Hmp!  Mabuti na yung diretsahan para maliwanag agad ang usapan sa simula pa lang.  Hala, sige, magsalita ka, iha.  A, teka muna.  Bago ka bumanat ng salita, ako nga pala si Madel.  MISS Madel Madeldel, tagariyan lang sa kabilang kanto.  Ito naman si Ester.  Sa kanya ang tindahang ito.  At yamang naparito ka para humingi ng impormasyon ay inaasahan kong disente kang tao na hindi basta na lang aalis matapos mong makuha ang iyong gusto nang hindi man lamang bumibili ng kahit ano sa tindahang ito.  Iyan ay tanda ng kahinaan ng karakter at kawalan ng kagandahang asal.  Prangka ako kung magsalita at hindi ko ugali ang manghimasok sa buhay ng ibang tao.  Ngayon, mabalik tayo sa iyo.  Sino ka ba talaga at ano ang papel mo sa buhay?  Hala, magsalita ka!

KRISTINA :    Mabuti po at prangkahan kayo kung magsalita.  Hindi kayo mahirap pakisamahan kung gayon.

MADEL :    Hoy babae, huwag kang padalus-dalos sa iyong pagpapasya.  Sinabi ko na sa iyong prangka ako kung magsalita, pero wala akong nakikitang dahilan para pakisamahan ka.  Dayo ka lang dito at hanggang ngayon ay hindi mo pa sinasagot ang tanong ko.  Sino ka bang talaga at ano ang raket mo at anong masamang hangin ang nagpapadpad sa iyo rito?  Hala sige, dali, magsalita ka!

KRISTINA :    Pasensiya na po kayo, Aling...

MADEL :    Madel.  Remember the name: Madel and no other.  Sige, magsalita ka.

KRISTINA :    Ako po si Kristina.  Maria Kristina Lopez po ang buong pangalan ko, pero kahit Kristina lamang po ay okey na.

MADEL :    Okey, Kristina kung Kristina.  Wala tayong pagtatalunan diyan kaya hindi dapat na pahabain pa ang isyu.  O, ngayon...?

KRISTINA :    Ngayon po ay napunta ako rito dahil naghahanap ako ng bahay na matitigilan.

ESTER :    Matitigilan?

KRISTINA :    Opo.

MADEL :    Bakit?  Saang planeta ka ba nanggaling?  Diretso ako kung magtanong at hindi ko gusto ang maraming paliguy-ligoy na iisa rin naman ang patutunguhan.  Sumagot ka!

KRISTINA :    Taga-Cotabato po ako, pero limang taon akong tumigil sa Maynila kung saan ako’y nag-aral at nagtapos sa kolehiyo.  Kamakailan po’y nakapag-aplay ako sa trabaho bilang guro sa elementarya dito sa inyong bayan, at pinalad po naman akong matanggap.  Eh, bago po sana magsimula ang klase ay gusto ko nang makalipat rito para maging pamilyar ako sa lugar na lilipatan at pansamantalang magiging tirahan ko.

ESTER :    Eh, bakit si Ka Augusto ang hinahanap mo?  Dati na ba kayong magkakilala?

KRISTINA :    Naku, hindi ho.  Isang mag-aaral sa eskwelang pinasukan ko sa Maynila three years ago ang nakipagkaibigan at nagbigay sa akin ng pangalan at address nitong si Mang Augusto.  Ang sabi’y kung sakali raw na magagawi ako sa bayang ito at mangangailangan ng bahay na matitigilan, hanapin ko lamang daw ang Augustong ito at malaki raw ang maitutulong sa akin.

MADEL :    Hmp!  P’wes, pasalamat ka at ngayon ka napadpad rito.  Kung napaagaaga ka ng dating, sayang ang diplomang pinagsunugan mo ng kilay nang mahabang panahon.

KRISTINA :    Ano po ang ibig ninyong sabihin, Aling Madel?

MADEL :    Ang sinasabi mong bahay-paupahan ni Augusto, ang demonyong si Augusto... Hmp!  Sa tutoo ay isang bahay-aliwan noong araw!

KRISTINA :    Bahay-aliwan?

MADEL :    Oo, Kristina, iha.  Bahay-aliwan.  Hindi yung bahay ang pinauupahan, kundi yung mga batambatang kababaihang nasa bahay...

ESTER :    Madel!

MADEL :    O, bakit?  Tutoo naman, di ba?

KRISTINA :    Pero ang sabi ng kaibigan ko’y...

MADEL :    Ang sabi ng kaibigan mo’y katulad rin ng sinabi niya sa marami pang ibang babaeng tatanga-tanga na nauna sa iyo rito.  Excuse me!  Sinabi ko na sa iyo na prangka ako kung magsalita.

KRISTINA :    Pero...

MADEL :    Anong pero?  Ano’ng palagay mo sa akin?  Sinungaling?  Oy, para sa iyong impormasyon, marami akong kapintasan, pero ang pagsisinungaling ay hindi ko kailanman natutuhan at nakagiliwan.  Honesty is still my best insurance policy.  Kung ayaw mong maniwala ay problema mo na yan.  Basta ako’y prangka.  Halos linggu-linggo ay may mga bagong saltang kababaihan rito na ang istorya ay parehong-pareho ng sa iyo.  Naghahanap ng bahay na matitigilan.  May nakilala’t naging kaibigan sa Maynila na nakapagsabing hanapin raw si Mang Augusto.  Ang mabait na si Augusto.  Hmp!  Pag naroon na ang bagong saltang tatanga-tanga, ang kanyang pagkain ay hahaluan ng pampatulog, at magigising na lamang ang kaawaawang babae sa katotohanang ang kanyang puring pinakaiingat-ingatan ay nakuha na ng iba.  Kung magkagayon ay tuluyan nang magbabago ang lahat para sa kanya, at siya’y matutulad na rin sa iba pang mga naunang biktima ni Mang Augusto – mga babaeng dati’y may makulay na pananaw at matayog na pangarap sa buhay, nguni’t sa isang iglap ay nasadlak sa madilim na sulok ng mapait na karanasan at naging mga kalapating mababa ang lipad, saklot ng pangamba, kahihiyan at takot na mabunyag ang pangit na kabanatang iyon ng kanilang buhay kaya hindi magkalakas ng loob na makabalik sa malayong probinsiyang pinagmulan upang taas-noong harapin ang katotohanan at salubungin ang naghihintay na bagong bukas.

KRISTINA :    Talaga ho?

MADEL :    Talagang-talaga!  Hmp!  Iha, tandaan mo ang sasabihin ko at hindi ka mapapariwara.  Kung meron kang dapat malaman tungkol sa lugar na ito, isa lang taong ganap na maaasahan mo: Ako!

KRISTINA :    Naku, salamat na lamang pala at sa inyo ako agad nakapagtanong.

MADEL :    Pasalamat ka at ang demonyong si Augusto at ang kanyang mga dyablong ampon ay nagsilayas na sa lugar na ito!  Correction – Pinalayas pala sa lugar na ito, dahil hindi na nakatiis ang ilang mga concerned citizens sa masamang impluwensiya ng kanyang bahay-aliwan na sumisira sa hibla ng moralidad ng aming pamayanan.  Hmp!  Ang balita nga’y nasa Estados Unidos na ang hudas na iyan, at doon naman nagsasabog ng lagim.  Pero patuloy pa rin siyang nambibiktima ng mga kababaihang Pilipina na nangangarap makarating sa ibang bansa, mga kababayang walang kamalay-malay sa pangit na kapalarang nag-aabang sa kanila pagdating roon.

KRISTINA :    Napakasama pala niyang tao.

MADEL :    Sobrang kasamaan!  May recruitment agency yan sa Maynila, nangangalap ng mga kunwari’y magtatrabahong katulong sa Amerika, pero sa halip na maging domestic helper, pagsapit roon ay mga prostitutions na ang tawag sa kanila!

KRISTINA :    Baka ho “prostitutes” ang ibig ninyong sabihin?

MADEL :    Pareho na rin yon.  Iningles lang nila dahil mga Amerkanong Ingles ang kostumer nila roon.

KRISTINA :    Kaawaawa naman sila.

MADEL :    Hindi lang kaawaawa.  Isipin mo, pag nilangaw na ang kanilang lilipas rin namang kasariwaan at ganda, marami sa kanila ang uuwi siyempre dito sa Pilipinas, may pasalubong na US dollar, mga imported na tsokolate, at imported na AIDS at MTV.  Hmp!

ESTER :    HIV yon, Madel, hindi MTV.

MADEL :    Pareho rin yon,  ininglis lang nila!

ESTER :    Oh, eh paano ka na ngayon niyan, ineng?  Saan ka ngayon tutuloy?

KRISTINA :    Naku, yan po ngayon ang problema ko.  Meron po ba kayong alam ritong apartment o boarding house na mauupahan?  Yung medyo mura, kahit po pansamantala lamang, hanggang sa makakita ako ng ibang malilipatan?

ESTER :    Sa ngayon ay wala akong maisip na lugar... May alam ka ba, Madel...?

MADEL :    Bakit di mo na lang patuluyin sa iyong bahay, Ester?  Tutal, si Arman naman ay mukhang disidido nang sa Zambales maninirahan.

KRISTINA :    Sino hong Arman?

MADEL :    (Kay ESTER.)  Ako na, Ester.  (Kay KRISTINA.)  Kaisaisa niyang anak na nagtatrabaho sa Subic, sa isang kumpanyang Hapon.  Mataas ang posisyon at malaki ang sahod.  Balita ko’y nakabili na raw doon ng isang yunit ng kondominyum kaya bihira na siyang maligaw rito.

KRISTINA :    Napakasuwerte naman pala ninyo, Aling Ester.

ESTER :    Masuwerteng malungkot din, dahil...

MADEL :    Ako na, Ester.  Mas maganda akong magkuwento kaysa sa iyo.  Alam mo, Kristina, mula nang mabiyuda iyang si Ester kay Ambo ay si Arman na lamang ang kanyang kasakasama sa bahay at sa buhay.  Pero ngayon ay solo na uli siya, dahil nga may trabaho na si Arman – si Engineer Arman Gonzales, doon sa malayo.  Kung gusto mo ay dito ka na lang sa bahay ni Ester tumira.  Gamitin mo muna ang silid ni Arman.  Malamang, gulu-gulo pa roon dahil may ilang taon nang hindi nakikilusan, pero konting ayos lang siguro’y okey na rin.

KRISTINA :    Naku, parang nakakahiya naman yata sa inyo, Aling Ester.  Baka ho...

MADEL :    Huwag ka nang magpakipot at hindi naman bagay.  Isa pa’y prangka ako, kaya dapat na maging prangka ka rin sa akin.  Kalimutan mo na muna ang hiya at wala kang malayong mararating kapag puro hiya ang pinairal mo.  Isang tanong, isang sagot:  Gusto mo ba o ayaw mo?

KRISTINA :    Eh...

MADEL :    Good!  Yan ang gusto ko sa tao.  Diretso kung magsalita.  Wala nang paliguy-ligoy pa.  Hala, sige, si Ester na ang bahala sa iyo.  Hindi pa ako pagod magsalita, pero ikaw ang inaalala ko.  Baka pagod ka na sa pakikinig.

ESTER :    Hindi kalakihan ang aming bahay, Kristina, pero marahil naman ay kasya tayong dalawa.  Sana’y magustuhan mo ang aming lugar.

KRISTINA :    Naku, marami hong salamat sa inyo, Aling Ester, Aling Madel.  Ang babait talaga ninyo.

MADEL :    Iha, lahat kaming mga tagarito ay talagang mababait.  Isa lang ang maipapayo ko sa iyo.  Mag-iingat ka lang palagi at huwag basta-basta magtitiwala sa kahit kanino, lalo na sa lugar na ito.  Maliwanag ba?

KRISTINA :    Ho?

ESTER :    Nagbibiro lang iyan.  Halika na nga at sasamahan kita sa iyong magiging silid.  Madel, puwede bang ikaw na muna ang maiwang bantay sa tindahan?  Saglit lang ako.

MADEL :    Kahit tagalan mo.

KRISTINA :    Eh teka, paano nga po pala ang bayad sa kuwarto?  Magkano po ba?

ESTER :    Saka na natin pag-usapan ang tungkol doon.  Halika na’t alam kong pagod ka.  Makapagpahinga ka muna.

KRISTINA :    Paalam na po muna sa inyo, Aling Madel.

MADEL :    Adyos!

(Lalabas sina ESTER at KRISTINA.  Kapag natiyak na wala na ang dalawa, si MADEL ay papasok sa loob ng tindahan, magbubukas ng softdrinks at kukuha ng biskwit.  Habang kumakain, darating sina DIEGO, MAGNO at KULAS.  Uupo ang mga bagong dating sa mga upuan sa palibot ng mesa.)


DIEGO :    (Halatang nakainom na.)  Aling Eshter, ishang lapad nga ho, shamahan na ninyo ng yelo at baso.

MAGNO :    At saka ho pulutan.

KULAS :    At saka baka ho pwede namin kayong maiteybol, Aling Ester?

(Hahagalpak ng tawa ang tatlo.  Lalabas si MADEL.)


MADEL :    Hoy!  Mahiya naman kayo sa mga balat ninyo!  Umagang-umaga, laklak agad ang hanap ninyo.  Ni hindi pa yata kayo nakapagmumumog!

DIEGO :    Kaya nga ho kami umoorder ng alak, eh.  Para magmumog!  (Tatawa.)

MADEL :    Hmp!

DIEGO :    Aba, tingnan mo nga naman at narito pala si Aling Madel!  Ang tsishmosang si Aling Madel!

MADEL :    Hindi ako tsismosa!

KULAS :    Siya nga naman, Diego.  Bakit mo sinasabing tsismosa si Aling Madel?  Tutoong si Aling Madel ay isang taong prangka kung magsalita.

MAGNO :    Isang taong diretsa sa punto at hindi na lumiligoy pa kung makipag-usap.

DIEGO :    Shyanga naman pala.  Pashensya na kayo, Aling Madel.  Nakapagshalita lamang ako ng gayon dahil sha aking kalashingan.

MADEL :    Hmp!  Ang hirap kasi sa inyo’y sa tiyan ninyo inilalagay ang alak at hindi sa bituka!

DIEGO :    Ipagpatawad ninyo, Aling Madel, ang aking kashalanan.  Shyanga pala...  Ano ho ba ang pinaka-latesht na balita?

MADEL :    Hoy!  Ako’y taong abala sa mga mahahalagang bagay.  Wala akong panahon para sa mga walang kuwentang balita, kaya sa bagay na iyan ay wala kayong mapapakinabang sa akin.  Siyempre, lahat naman siguro kayo ay pamilyar sa nangyaring aksidente sa alkalde ng ating bayan.  Sa ating dating kagalang-galang na Meyor Crispulo Sandoval.  Sumalangit Nawa... Biglang-bigla ang kanyang pagkamatay, at ayon sa mga report ng mga respetableng pahayagan ay natagpuan na lamang siyang isang malamig na bangkay sa silid ng hotel na kanyang tinitigilan noong dumalo siya sa pambansang kumbensyon ng partidong pulitikal na kanyang kinaaaniban bilang paghahanda sa darating na halalan.  Atake raw sa puso ang sanhi ng pagkamatay.  Ngunit sa mga mumurahing tabloyd ay may binabanggit na tungkol sa isang disisais anyos na babaeng kasama diumano ng isang pinuno ng pamahalaan sa kuwarto ng hotel, na siyang histerikal na nagsisigaw at humingi ng saklolo sa mga tauhan ng hotel noong malagutan ng hininga ang biktima.  Maraming kilalang tao at mga opisyal na may mataas na posisyon sa gobyerno, kabilang na si Vice Mayor at ngayon ay siya nating Acting Mayor Acero, ang nagpadala ng mga koronang bulaklak, dumalaw at nakidalamhati sa kanyang naulilang kabiyak at limang anak na puro panganay.

KULAS :    Puro panganay ikan’yo, Aling Madel?

MADEL :    Puwes, iyan ang kumakalat na bulungbulungan, ngayong ang alkalde ay patay na  at wala nang pagkakataon para ito’y kumpirmahin o pabulaanan.  Pero sinabi ko na naman sa inyo.  Ako’y lubhang abala sa mga mas importanteng bagay at wala akong panahon para ipagtanung-tanong upang beripikahin kung tutoo o hindi ang balita.

MAGNO :    (Hihimasin ang liig at lulunok.) Nakakauhaw naman pala ang balitang iyan.

DIEGO :    Oo nga!  Tuyung-tuyo na rin ang balumbalunan ko.  Nashaan na ba si Aling Eshter?

MADEL :    Para ano pa?  Ang magagawa ni Ester ay kaya ko ring gawin.  Sandali at kukunin ko ang inyong mga pamatid-uhaw.

DIEGO :    Pero nakakahiya naman sha inyo, Aling Madel.  Alam namin na kayo ay abalang tao.

MADEL :    Alam mo, gaano man kaabala ang isang tao ay hindi siya dapat mawalan ng kahit kaunting panahon para sa mabigat na pangangailangan ng kanyang kapwa.  Sandali lang.  (Papasok sa tindahan at ilalabas ang order ng tatlo.)

KULAS :    Talagang prangka itong si Aling Madel.

MAGNO :    Kulang na lang kay Aling Madel ay sabitan ng medalya.

(Tatagay ang tatlong manginginom.  Papasok si ESTER.)


ESTER :    Ano bang medalya?

DIEGO :    Medalya ng pagiging tsish...prangka.  Aling Eshter, magandang umaga!

ESTER :    Magandang umaga, Diego.  Napakaaga naman yata ang happy hour natin ngayon?

MADEL :    Hindi napakaaga, Ester.  Napakahaba.  Bago dumating rito ang mga yan ay full tank na.

KULAS :    Naglilibang lang ho ng konti, Aling Ester...  (Mapapalingon)  Gaya ni Padre Moranaz.

(Papasok sina Padre MORANAZ, AURING, CONCHA, TOMAS,  at MARIO.  Bawa’t isa ay may bitbit na bibliya.)


ESTER :    (Hindi pansin ang dumarating.)  Paano nadamay sa usapan si Padre Moranaz?

MAGNO :    Si Padre Moranaz ay... dumarating, Aling Ester.  (Tatayo.)  Magandang umaga ho, Father.

ESTER :    Aba, Father!  Magandang umaga ho!

MADEL :    Hmp!

MORANAZ :    Magandang umaga, mga anak.  Tamang-tama at naririto kayo.  Hindi na namin kayo kailangang puntahang isa-isa sa inyu-inyong bahay.

ESTER :    Ano po ba’ng sadya, Father?

MORANAZ :    Ang ating parokya ay maglulunsad ng isang Bible Study.  Sa bahay nina Sister Concha gaganapin ang unang pagtitipon, mamayang alas-nuwebe nang umaga.  Ibig sana naming anyayahan kayong dumalo.

MADEL :    Bible Study.  Hmp!

DIEGO :    Mawalang-galang na, Padre.  Ano ba yang tinatawag ninyong “Bible Sshhtudy” at ano ang kabuluhan niyan sha aming buhay?  Nakakain ba yan?  O mash importante, naiinom ba yan?

MORANAZ :    Alam mo, anak, ang Bible Study ay isang pag-aral sa banal na Salita ng Diyos.

DIEGO :    Teka muna.  Paano ninyo ako naging anak?  Kayo ba ang aking ama?

MORANAZ :    Ang mabuti siguro’y sa ibang araw tayo mag-usap, Diego.  Kapag hindi ka nakainom, saka ko sasagutin lahat ang mga tanong mo.  Bueno, kami’y hindi na magtatagal.  Aasahan namin ang inyong pagdalo sa sama-samang pag-aaral sa Salita ng Diyos, kung hindi man mamaya ay kahit na sa ibang pagkakataong darating.  Paalam na, mga anak.

DIEGO :    (Titindig.)  Teka muna, Padre.  Huwag kayong bastosh na bashta na lang tatalikod kapag kinakaushap kayo.  Itinuturo ho ba sha bibliya ang kabashtusan sa pakikipag-ushap sa kapwa?

TOMAS :    Father, tayo na po.  Huwag po ninyong pansinin si Diego.  Lasing lang po iyan kaya ganyan.

DIEGO :    Hoy, Tomash!  Hindi ako lashing!  Ang hirap sha inyong mga taong banal, sha mga kapwa banal lamang kayo marunong makipag-ushap nang matino.  Bakit?  Wala na ba akong karapatang matuto tungkol sha aral ng Diyosh?  Nagtatanong ako nang maayosh kay Padre Moranazh tungkol sha kabuluhan ng “bible shhtudy”, pagkataposh, tatalikuran ako.  Bakit?  Hindi ba ninyo alam ang ishashagot sha tanong ko?

MORANAZ :    Hindi naman sa gayon, Diego.  Kaya lang...

MARIO :    Padre, tayo na.  Sobra na ang pambabastos na ginagawa sa inyo ng lasenggerong iyan.

(Babasagin ni DIEGO ang bote ng alak at itututok sa mga kausap.  Mapapakurus at mapapahesus-maryosep ang mga babae.) 


DIEGO :    Hoy, Mario!  Huwag mo akong matawag-tawag na lashenggero dahil hindi ikaw ang gumagastos sa iniinom ko!  May trabaho ako at marunong akong magbanat ng buto, hindi katulad mo na kaya laging may panahon sha shhhimbahan ay dahil ang ashawa mo at maliliit pang mga anak mo ang kumakayod sa inyo para hindi magutom ang pamilya mo!

MARIO :    Hindi tutoo yan!  Bawiin mo ang sinabi mo.  (Akmang susugurin si DIEGO, aawatin ng mga kasamahan.)

DIEGO :    Anong hindi tutoo?  Ayan shi Aling Madel.  Shiya ang aking teshtigo.  Shiya rin ang nagkukuwentong madalash tungkol sa misherableng buhay ng pamilya mo habang ikaw ay maghapong nagshashakripisyo para maipangaral ang ebanghelyo ng kaligtashan sha ibang tao.  Bakit hindi mo itanong kay Aling Madel?  Hindi ka niyan tatalikuran di kagaya ni Father.  Prangkahan niyang shasagutin ang tanong mo.

MADEL :    Aba, Tomas, hindi ko ugali ang manghimasok sa buhay ng ibang tao.  Lasing lang yang si Diego kaya nakapagsasalita ng ganyan.

DIEGO :    Hoy!  Isha ka pa palang bashtos kausap, Aling Madel.  Dapat ka ngang puluputan ng medalya sha liig para matahimik nang tuluyan ang iyong bibig!  Pero hindi na ako nagtataka.  Anong shabi ni Aposhtol Shantiago, Padre, tungkol sa dila ng tao?  Bakit ayaw ninyong shagutin ang tanong ko?  Gushto ninyong mag-“Bible Shtudy”, eto na ang “Bible Shtudy.”  Akina yang Bibliya, Aling Auring.  (Hahablutin ang bibliya, ibibigay kay KULAS.)  Shige, Kulas, bashahin mo ang shinashabi ni Aposhtol Shantiago tungkol sa dila ng tao.  Aling Madel Madeldel, makinig kayong mabuti.

KULAS :    Diego, hindi ako marunong gumamit nito.  Alam mo namang alak ang kinalakihan kong relihiyon.

DIEGO :    Isha ka pang dapat mahiya sha sharili mo, Kulash.  Hindi mo ba alam na ang pangalan mong Kulash ay pangalan din ng isa sha mga manunulat ng Bagong Tipan sha Bibliya, binaligtad lamang ang ishpeling?  Akina nga iyan!  (Kukunin ang Bibliya, bubuklatin sa sulat ni Santiago.)  Eto, Shulat ni Shantiago Aposhtol, kapitulo tresh, bershikulo uno hanggang doshe.  (Ibabalik kay KULAS ang Bibliya.)  Shige, Kulas.  Bashahin mo para kay Aling Madel.  Kayo din (ituturo ang mga kasamahan ng pari), lalo na kayong mga mahihilig mangaral sa inyong kapwa, makinig din kayo.  (Uupo at iinom ng alak sa baso.)

KULAS :    (Tatayo at babasahin nang medyo nangangapa sa letra, halatang hindi sanay magbasa ng Bibliya.)  “Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo yamang alam ninyo na tayong nagtuturo ay hahatulan nang mahigpit kaysa iba.  Tayong lahat ay malimit magkamali.  Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap, at marunong magpigil sa sarili.”

DIEGO :    (Titindig, itataas ang baso.)  Ehymen?  (Sisikuhin si MAGNO na nasa aktong umiinom.)


MAGNO :    Ehymen!

KULAS :    “Kapag nilagyan ng bokado ang bibig ng kabayo, ito’y napasusunod at napapupunta saan man natin ibig.  Gayon din ang barko.  Bagama’t ito’y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito sa pamamagitan ng isang napakaliit na timon saanman ibigin ng piloto.  Ganyan din ang dila ng tao.  Kay liit-liit na bahagi ng katawan ngunit malaki ang nalilikhang kayabangan.”

DIEGO :    Ehymen?

MAGNO :    Ehymen!

KULAS :    “Isipin na lamang ninyo!  Napalalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan.  Ang dila ay isa ngang apoy, isang daigdig ng kasamaang nakakahawa sa ating buong katawan.  Mula sa impyerno ang apoy na ito at pinapag-aapoy ang lahat sa buhay ng tao.  Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad o gumagapang o nakatira sa tubig ay kayang supilin at talagang nasusupil ng tao.  Ngunit walang makasupil sa dila.  Ito’y napakasama at walang tigil, puno ng kamandag na nakamamatay.  Ito ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa pag-alimura sa tao na nilalang na kalarawan ng Diyos.”

DIEGO :    Ehymen?

MAGNO :    Ehymen!

MORANAZ :    Napakagandang mensahe, Diego.  Bueno, kami’y hindi na magtatagal.  Marami pa kaming dapat na puntahan.

DIEGO :    Teka muna, Father!  Bakit ba parang iwash na iwash kayo sha akin?  Dahil ba sha ako ay mashama hindi kagaya ng mga taong banal na kashama ninyo kaya iniiwashan ninyong makipag-ushap nang matagal sha akin?  Ang tao bang mashama na katulad ko ay hindi mahal ng Diyosh?

MORANAZ :    Mahal ka ng Diyos, Diego.  Lahat tayo, ano man ang ating katatayuan sa buhay, ay pantay-pantay sa mata ng Diyos.  Mahal Niya tayong lahat.

CONCHA :    Oo nga, Diego.  “Gayon na lamang ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”  Iyan ang nasusulat sa John 3:16.

DIEGO :    Ehymen, Aling Concha.  Ehymen!  (Kay MAGNO)  Ehymen?

MAGNO :    Ehymen!

DIEGO :    Nakita na ninyo, Father.  Dito pa lang ay puwede na tayong mag-“bible shhhtudy.”  Mahal ako ng Diyosh.  Mahal tayo ng Diyosh.  Ehhhyyymen!  Ehymenom muna tayo.  Aling Eshter, isa pa nga hong lapad.

MORANAZ :    Diego, iho, tama na yang pag-inom.  May bukas pa naman.  Meron pang makalawa.  Huwag mong lunurin sa alak ang iyong sarili sa iisang araw.  Ang labis na pag-inom ay masama sa katawan ng tao.

TOMAS :    Ang katawan ng tao ay siyang templo ng Espiritu Santo, kaya hindi ito dapat na inaabuso.

CONCHA :    At saka sinasabi sa Bibliya, sa aklat ng Mga Kawikaan: “Ang alak ay palalo.  Ang inuming matapang ay magulo.  Sino mang mahilig sa mga ito ay hindi marunong.”

DIEGO :    Tama kayo.  Tama kayong lahat.  Ako ang mali.  Ako ang hindi marunong, kaya ako ang makashalanan.  Pero mahal ako ng Diyosh.  Kayo ang mga mabubuti, ang mga banal, at mahal din kayo ng Diyosh.  Pero ako’y tutoong makashalanan, Padre.  Inaamin ko na ako’y isang makashalanan, at hindi ko itinatago ang katotohanan tungkol sha aking sharili.  Eh kayo (ituturo ang mga kaharap, simula sa pari), kayo, kayo, kayo... genuine nga ba iyang idinidishpley ninyong kabaitan, o iyan ba’y palabash lamang para kayo’y mapuri at hindi mapulaan ng inyong mapanghushgang kapwa tao?  Ehymen?  Ehymenon muna tayo!  Aling Ester, isha pa nga!

(Ibibigay ni ESTER ang inorder na alak.  Darating si Acting Mayor ACERO, may kasamang tatlong armadong bodyguards.)


ACERO :    Mga kabayan, mukhang nagkakasayahan yata tayo, ah.  Father, magandang umaga sa inyo. 

MORANAZ :    Magandang umaga, Meyor.

ESTER :    Meyor, magandang umaga po.  Napasyal kayo?

ACERO :    Alam n’yo na, Aling Ester, maaga pa’y kumikilos na ang mga kalaban ko sa pulitika, kaya ako naman po ay gayon na rin.  Umaasa akong sa darating na halalan ay muli ninyong tatangkilikin ang inyong abang lingkod para sa magandang hinaharap at patuloy na pag-unlad ng ating bayan.  (Makikipagkamay.)

DIEGO :    (Itataas ang baso, at gayon din ang gagawin nina MAGNO at KULAS.)  Ehymen, Mayor!  Ehymenom muna tayo!

(Aalukin ni Diego si ACERO ng alak, na dahil sa kalasigan ng una ay maliligwakan sa damit ang huli.  Aalerto ang mga bodyguards ni ACERO, sabay-sabay na dudukot ng baril..  Sesenyasan sila ni ACERO na umatras, kukunin ang iniaalok na baso.)


ACERO :    Salamat, Diego.  (Makikipagtagayan siya sa mga nag-iinuman.)  O kayo, bakit kahit softdrinks ay wala kayong iniinom?  Aling Ester, pakibigyan nga ho ninyo sila ng pamatid-uhaw.  Ipaglabas na rin ho ninyo sila ng mamemeryenda.  Father, mga kasama... halina muna kayo at samahan ninyo kaming magpalamig.

(Ihahanda ni ESTER ang mga inumin at meryenda.  Si Meyor ACERO ay magkukumpas na parang nagtatalumpati sa pangu-ngumpanya.  Sa puntong ito ay puro aksyon ang masasaksihan sa mga tauhang nagkaumpukan sa tindahan.  Si JUANITO ay pupunta sa harapan ng tanghalan, malapit sa mga manonood.  Papasok si PABLITO, may bitbit na portable PC, at sisimulang magpipindot.  Hindi sila papansinin ng mga nasa tindahan na patuloy sa kanilang pagkilos nang walang diyalogo.)


JUANITO :    (Bubuklatin ang mga pahina ng munting kuwaderno na waring binabasa nang mabilis ang mga naisulat mula kanina.  Magkakamot ng tuktok.)  Hmm.  Paano kaya ang magandang gawin dito?  Medyo mahihirapan ako sa aking assignment.  (Tsetsekan ang nakasulat sa kwaderno.)  Diego Macabago... Hmm...

PABLITO :    Diego Macabago... Hmm... (May pipindutin sa laptop computer.)  Isinilang sa Rosario, Cavite, 38 taong gulang; walong magkakapatid sa pamilya; nagtapos sa elementarya sa San Roque Catholic School; naulila sa ama sa idad na labingtatlo; natigil sa pag-aaral; nagsi-mulang maghanapbuhay bilang limpia de bota upang matulungan ang ina sa pagpapalaki ng mga kapatid; lumipat ang pamilya sa isang liblib na pook sa Sorsogon; anim at kalahating taong nanirahan sa piling ng tiyuhin sa Leyte; Mahigit na ngayong sampung taong nakatira sa San Isidro; binata; kargador sa palengke ...

JUANITO :    Wow!  Reporter siguro ang taong ito.  Kararating pa lamang ay kaydami nang naisulat tungkol sa pari!

PABLITO :    Hindi ako reporter, at hindi ako nagsulat ng anuman tungkol sa pari.  Binasa ko lang itong nasa database ng aking portable computer.

JUANITO :    (Lilingon at titingin sa paligid.)  Aba, sino kaya ang kinakausap niya, ay ako lang naman ang malapit sa kanyang puwesto?

PABLITO :    Sino pa nga ba sa palagay mo?  Eh di, ikaw.

JUANITO :    Ako?

PABLITO :    Oo, ikaw nga.

JUANITO :    (Magkakamot ng tuktok, sasapuhin ang dibdib.)  Naku po, nalintikan na!  Lagot ako nito kay Manager Peter!

PABLITO :    Bakit lagot?  At sino si Manager Peter?

JUANITO :    Si San Pedro.  Pinababa niya ako rito para sa isang special assignment.  Kailangan kong mahikayat ang mga tao upang magsisi at talikuran ang kasamaan at magbalik-loob sa Diyos.  Pero mahigpit ang utos niya sa akin na hindi ako maaaring makipag-usap nang diretsahan at di rin puwedeng magpakita sa sinumang tao dito sa lupa.

PABLITO :    Ganoon ba?

JUANITO :    Ganoon nga.  Pero ngayong kausap kita, at nakikita mo pa... naku!  Patay ako kay Manager Peter pag nagkataon!

(Magpapaalam na ang grupo ni Mayor ACERO, aksyon lang – kamayan at kawayan, walang diyalogo.  Susunod na magpapa-alam ang pangkat ni Padre MORANAZ.  Papasok sa tindahan si MADEL kasama ni ESTER.  Patuloy sa pagtungga ng alak ang barkadahan ni DIEGO.)


PABLITO :    Hmm... Bawal pala sa iyo ang diretsang makipag-ugnayan sa mga tao, ha?

JUANITO :    Ganoon ang kundisyon bago ako pinayagang makabalik dito.

PABLITO :    Makabalik dito?  Ibig mong sabihin, dati ka nang galing rito?

JUANITO :    Katulad rin ninyo ako dati.  Isang tao.  Pero nang tawagin ako sa aking huling hantungan at marebisa ang transcript of records ko, incomplete daw ang grades ko sa kagandahang asal, pero hindi rin daw naman sapat ang bilang ng mga back subjects ko para magdusa sa impyerno.  Sa maikling salita, sa purgatoryo ako humantong kung saan kailangan kong makumpleto ang aking mga deficiencies.  Ang aking sintensya ay 15,000 calendar years.  Kamakailan ay nagkaroon ng special offer sa purgatoryo.  Mapapaikli raw ang pagtigil roon ng sino mang tatanggap ng special assignment na babalik sa mundo upang tumulong sa inilunsad na campaign ni San Pedro.  Ang tawag dito ay PIRMA. 

PABLITO :    PIRMA?

JUANITO :    Oo.    Peter’s Initiative to Reform Mankind, Ah!  PIRMA for short.  Nalalapit na naman ang eleksyon sa langit, at mukhang walang balak si Manager Peter na umalis sa puwesto bilang tagapag-ingat ng susi sa pinto ng maluwalhating kaharian.  Kaya naisipan niyang ilunsad ang Peter’s Initiative to Reform Mankind, Ah!  Isa ako sa mga first batch of volunteers ng kilusang PIRMA.  Dito ako nadestino.  Kailangan kong mapagbago ang tao, at mahikayat silang magbalik-loob sa Diyos.  Pero yun nga!  May ilang kundisyones, kagaya ng – di ako puwedeng makipag-usap o magpakita sa sino mang tao.  First day ko pa lang sa trabaho, palpak na kaagad, dahil may kausap na akong tao.

PABLITO :    Pero hindi ako tao.

JUANITO :    Hindi ka tao?

PABLITO :    Dati, oo.  Pero ngayon, kaluluwa na rin ako na katulad mo.  Galing rin ako sa sinasabing mong purgatoryo.

JUANITO :    Pero bakit ngayon lang yata kita nakita?  Halos lahat ng bilyun-bilyong kaluluwa sa purgatoryo ay kakilala ko na sa tagal ng ibinakasyon ko roon.

PABLITO :    Kamamatay ko pa lamang kanina.  Diretso agad ako sa impyerno.  Kaso, pagdating doon, noong sinusukatan na nila ako ng uniporme...

JUANITO :    Uniporme?

PABLITO :    Yung buntot at sungay saka itim na pakpak at pangil... Walang magkasyang uniporme sa akin.  Hindi pa raw ganap ang aking kasamaan, kaya ni-reject nila ako sa impyerno at ipina-transfer sa purgatoryo.

JUANITO :    Ni-reject?

PABLITO :    Oo.  Masyado na raw overcrowded ang impyerno kaya tinaasan nila nang husto ang kanilang pamantayan roon, at hindi na sila basta-basta tumatanggap ng kahit na lang kung sino.  Ang pinapapasok na lamang nila sa impyerno ay yung mga talagang sagad sa buto ang kabuktutan.

JUANITO :    Samakatuwid pala’y sa purgatoryo ka rin galing.  Ilang taon ng sintensya mo?

PABLITO :    Ang sabi sa akin ay isang daang milenyum ang itatagal ko roon, dahil mas marami akong nagawang kasamaan kaysa kabutihan noong ako’y nabubuhay.

JUANITO :    Isang daang milenyum!

PABLITO :    Oo.  Bale 100,000 years.  Kapag nakumpleto ko ito, makakapasok na rin ako sa langit.  Pero ang sabi sa akin doon, kung gusto ko nga raw mapadali ang pagpasok sa langit, mag-volunteer daw ako sa... ano na nga yong sabi mo kanina?

JUANITO :    PIRMA.

PABLITO :    Yon.  Bago pa lang kasi ako kaya hindi ko pa kabisado, eh.  Pero bago ako napunta sa purgatoryo, itinanong ko sa front desk officer ng impyerno kung may pag-asa pa akong makabalik roon sakaling mapunta ako sa purgatoryo.

JUANITO :    Babalik ka sa impyerno?  Ayaw mo sa langit?

PABLITO :    Wala akong gaanong alam na gawain tungkol sa langit.  Baka hindi rin ako mag-enjoy doon.  Kahit papaano, sa impyerno, siguradong mas marami ako roong kakilala.  Mga bigatin pa – mga presidente, senador, kongresista, artista, may mga obispo at pastor pa!  Hindi ako mahihirapang makisama.

JUANITO :    Anong sabi sa iyo?

PABLITO :    Sabi nung front desk officer, kung maglalagay raw ako, baka sakaling “maareglo” niya ang mga papeles ko at mapalabas na notoryus akong kriminal na dapat sentensyahan sa impyerno.  Pero sabi ko, wala akong panlagay.

JUANITO :    Anong panlagay?

PABLITO :    Shabu-shabu.

JUANITO :    Shabu?

PABLITO :    Hindi shabu... Shabu-shabu.  Ayon sa front desk officer sa impyerno ay paborito niya ang mga Japanese food, lalo na nga raw ang shabu-shabu, tempura, yakitori, sushi...

JUANITO :    Tama na, ginugutom ako!  Ano’ng nangyari?

PABLITO :    Ang sabi ko’y hindi ako nakapagbaon ng panlagay dahil aksidente ang aking pagkamatay, isang aksidenteng hindi inaasahan kaya hindi ko napaghandaan.  Pero nangako ako sa kanya na kung tutulungan niya akong makabalik sa impyerno ay hindi ko lamang siya dadalhan ng mga masasarap na Japanese food, magsasama pa ikako sa impyerno ng magaling na Japanese cook.

JUANITO :    Pumayag ba siya?

PABLITO :    Well, ang sabi niya sa akin, kung talaga raw na interisado akong makapasok sa impyerno, kailangan ko pa ring magpunta muna sa purgatoryo, magpa-register sa PIRMA at humingi ng assignment para makabalik sa lupa.  Pag nakabalik na ako sa lupa, siya na raw ang bahala.  Sinunod ko ang kanyang bilin.  At kagaya mo, dito rin ako napadestino.  At alam mo ba?  Pagdating ko rito kanina, may nag-aabang na sa akin, isang messenger mula sa impyerno.  Binigyan niya ako ng isang portable personal computer – eto yon – at mga instruksyon tungkol sa aking misyon.

JUANITO :    Talaga?

PABLITO :    Oo!  At di lang yan.  Binigyan pa rin ako ng kaunting kapangyarihan, konting black magic para magamit ko sa pagtukso sa mga tao upang gawin silang masasama, mga sagad sa buto ang kasamaan.  Nasa database ng komputer na ito ang lahat ng impormasyong kakailanganin ko tungkol sa mga taong naninirahan dito.  Tulad kanina, halimbawa, pagkatapos kong i-type ang pangalan ni Diego Macabago at pindutin ang Enter, nalaman ko mula sa komputer na ito ang tungkol sa kanyang buong buhay at pagkatao.  Mabilis, one click lang, ayos na.

JUANITO :    Ganoon pala!  Akala ko pa naman kanina ay isa kang manunulat.  Akala ko pa rin, isang tao ang kausap ko at hindi kaluluwang kagaya ko na galing sa purgatoryo.  Nakakainggit ka naman, may kompyuter ka pa, samantalang ako, kapirasong notebook lang at ballpen ang ibinigay sa akin ni Manager.  Problema ko tuloy ngayon, hindi ko maisip kung paano ko magagawa ang balak kong gawin...

PABLITO :    Ano ba ang balak mong gawin?

JUANITO :    Una, balak ko sana munang magsagawa ng isang market research.  Parang feasibility study.  Gusto kong magkaroon ng listahan ng kung sino sa mga tao rito ang tunay na nagmamahal sa Diyos at laging handang tumupad sa kanyang mga utos; gayundin kung sino naman ang sumusunod sa mga utos ng Diyos hindi dahil mahal nila Siya kundi dahil natatakot silang maparusahan kapag sinuway nila ang Kanyang kalooban; gayundin kung sino yaong mga tumutupad sa mga utos hindi dahil sa takot o pag-ibig sa Diyos kundi dahil sa labis na pagmamahal sa sarili at kayabangang ginagatungan ng mga papuri ng kapwa nilang humahanga sa kanilang panlabas na asal; gayundin, ang mga naghahangad at nagpipilit na makatupad sa kalooban ng Diyos ngunit dala ng kahinaan ay paulit-ulit na nagagapi ng tukso at nabubulid sa kasalanan; at, siyempre pa, yaong mga taong ayaw sumunod sa utos ng Diyos dahil... ayaw nila.

PABLITO :    Hmm.  Gusto mong magkaroon, samakatuwid, ng iba’t ibang klasipikasyon ng mga tao ayon sa antas ng kanilang pakikipag-ugnayan sa kanilang Lumikha.  Magandang ideya.  Pero saan mo gagamitin ang listahang iyong mabubuo?

JUANITO :    Siyempre, batay sa listahang iyon ay makapagpaplano ako ng mga istratehiya kung sino sa kanila ang pagbubuhusan ko ng lalong malaking panahon, atensyon at aksyon, at kung sino ang hindi gaano.  Ang tawag roon ay prioritizing.  Halimbawa, yung nasa pinakahuling kategorya marahil ay dapat na maging first priority ko dahil mas mahirap mareporma ang kanilang ugali kumpara sa iba.

PABLITO :    Maganda ngang ideya.  Pagkatapos, ano pa ang balak mo?  Paano mo naman sila marereporma?
JUANITO :    Bueno, iyan ang problemang hindi ko pa tapos pag-isipan.  Basta ang alam ko, meron na akong naisip na umpisa, at saka ko na daragdagan ang mga plano kapag nagawa ko na ang mga preliminary steps ng aking misyon.

PABLITO :    Magandang ideya.  Teka, itong balak mong pagkakategorya o paggawa ng klasipikasyon ng mga tao, paano mo malalaman kung sino ang tunay na nagmamahal sa Diyos, sino ang hindi, at sino ang iba pa?

JUANITO :    Simple lang.  Itatanong ko sa kanilang lahat na, kung sakali, pakinggan mo – KUNG SAKALI LANG, na suspendido muna ang lahat ng kautusan, at samakatuwid ang tao ay magiging ganap na malaya upang gawin ang kanyang maibigan, at siya ay hindi maparurusahan sakaling abutin man ng kamatayan habang nasa gayong kalagayan ng pamumuhay sa kasalanan, ano ang kanyang gagawin?  Sa kanilang itutugon o reaksyon ay malalaman ko kung sino ang patuloy na gagalang at tutupad sa batas ng kabutihang-asal, at kung sino ang magsasamantala sa pagkakataon upang pagbigyan ang sariling kagustuhan sa halip na sundin ang kalooban ng Maykapal.

PABLITO :    Napakagandang ideya!  Labis mo akong pinahanga sa husay mong magbalangkas ng mga matatalinong plano.  (Kakamayan si Juanito.) Hayaan mong batiin kita, ah... eh...

JUANITO :    (Makikipagkamay.)  Juanito.  Juanito Bonito.  At ikaw?

PABLITO :    Pablito.  Pablito Nandito.

JUANITO :    Ikinagagalak kong makilala ka, Pablito.

PABLITO :    Gayon din ako sa iyo, Juanito.  Ibilang mo akong isang bagong kaibigan at masugid na tagahanga.  Ang iyong mga ideya ay talagang magaganda!

JUANITO :    Salamat.  Meron lamang isang problema.

PABLITO :    Problema?

JUANITO :    Bukod sa hindi ako maaaring makipagkita o makipag-usap sa sinumang mortal na nilalang, hindi  rin ako pwedeng magsinungaling sa kanila.  Mare-revoke ang lisensya ko at agad akong papabalikin sa purgatoryo.  Ayokong bumalik roon, nakakainip maghintay.

PABLITO :    Hmm.  Problema nga iyan.  Hindi mo masasabi sa tao ang tungkol sa suspensyon ng batas.  Sayang, maganda pa naman ang iyong ideya.  Wala ka na bang naisip na ibang paraan?

JUANITO :    Wala na.  Ikaw ba ay mayroon?

PABLITO :    (Mag-iisip.)  Hmm.  Wala akong balak na bumalik sa purgtoryo at mapunta sa langit.

JUANITO :    Ganyan nga ang aking pagkaunawa.

PABLITO :    Puwede akong magpakita sa tao.

JUANITO :    Talaga?

PABLITO :    Puwede rin akong makipag-usap sa kanila.

JUANITO :    Talaga?

PABLITO :    At higit sa lahat, puwede akong magsinungaling. 

JUANITO :    Talaga?

PABLITO :    Of course!  Yan ang aking specialty.

JUANITO :    Kung gayon, matutulungan mo ba ako?

PABLITO :    Kaibigan mo ako, hindi ba?

JUANITO :    Oo.

PABLITO :    At isa mong masugid na tagahanga.

JUANITO :    Yan nga ang sabi mo.

PABLITO :    Sayang lang ang ating pagiging magka-ibigan at ang paghanga ko sa iyo kung hindi kita matutulungan.  Kung gusto mo, ngayon din ay ipaaalam ko sa mga tao sa lalong madaling panahon ang tungkol sa iyong mensahe – na suspendido muna ang mga kautusan at malaya nilang magagawa ang kanilang maibigan.

JUANITO :    Hindi ganoon.  Ang aking mensahe ay sa porma ng isang tanong tungkol sa isang hipotetikal na sitwasyon.  Ano ang gagawin ng tao KUNG SAKALING SUSUSPINDIHIN... Inuulit ko, KUNG SAKALI...

PABLITO :    Ganoon na nga ang tinutukoy ko.

JUANITO :    Paano mo sila kakausapin?

PABLITO :    Ipaubaya mo na ang detalye sa akin.

JUANITO :    (Kakamayan si PABLITO.)  Labis-labis mo akong pinaligaya, Pablito  Hindi ko alam kung paano kita sisimulang pasalamatan.

PABLITO :    Gusto mong makaganti ng utang na loob?

Juantio    :    Oo.  Sabihin mo lang sa akin kung sa paanong paraan.

PABLITO :    Puwes.  Ihanap mo ako ng isang mahusay na Japanese cook na marunong magluto ng Japanese food.  Hanggang sa muling pagkikita, kaibigan.  Paalam.  (Lalabas.)

JUANITO :    (Mag-iisip nang malalim.)  Japanese cook na marunong magluto ng Japanese food?

(Ilalabas ni JUANITO ang kuwaderno at ballpen, magsusulat habang naglalakad pabalik sa dating puwesto sa may poste.  Magtatayuan ang mga mangingi-nom, magkakaakbay at pasuray-suray habang umaawit na lalakad papalabas.)



[ BALIK SA ITAAS ]




IKALAWANG YUGTO


TAGPO:

Gaya ng sa unang yugto, mas maaga lang nang kaunti.  Papasok sa eksena si PABLITO, galing sa likod ng puno.  Titingin sa paligid, ilalagpak ang isang pitaka sa gawing gitna ng tanghalan.  Titingin uli sa paligid, mapapansing pumapasok si MADEL, babalik at magtatago ngunit sisilip-silip, sa likod ng puno.  Makikita ni MADEL ang pitaka, dadamputin ito, sisilipin ang laman, at magugulat.


MADEL :    Ang laking halaga nito!  Kanino kaya ito?

(Titingin si MADEL sa paligid, dudukutin ang laman ng pitaka, bibilangin.  Papasok si PABLITO, galing sa likod ng puno.  Papasok din si JUANITO, galing sa likod ng poste.  Lalapitan at iikutan ni PABLITO si MADEL ngunit hindi siya makikita ng huli.  Si JAUNITO ay laging nakabuntot kay PABLITO kahit saan ito pumuwesto.  Ikukumpas ni PABLITO ang isang kamay at may sasambulat na usok.  Makikita siya ni MADEL.)


MADEL :    (Sa sarili, habang dali-daling itinatago ang pitaka.)  May tao!

PABLITO :    Excuse me?

MADEL :    Yes?

PABLITO :    Pwede bang magtanong?

MADEL :    Ano yon?

PABLITO :    Meron ka bang napansin ditong...

MADEL :    Wala.

PABLITO :    Wala?

MADEL :    Wala.  Marahil ay sa ibang lugar mo naiwala ang hinahanap mong pitaka.  D’yan ka na.  (Aktong paalis.)

PABLITO :    Sandali lang, Miss...

MADEL :    Madel.  O, ano pa ang kailangan mo.  Madali ka, dahil ako’y abalang tao at wala akong panahon para sa mga walang kuwentang pakikipag-usap na gaya nito.

PABLITO :    Paano mo nalamang pitaka nga ang hinahanap ko?

MADEL :    Ako’y prangka at palaging diretsa sa punto.  Ayaw ko ng masyadong maraming paliguy-ligoy sa pagsasalita.  Hindi ba tutoong pitaka ang hanap mo?

PABLITO :    Marunong ka palang manghula!

MADEL :    Hindi naman.  Nagkataon lamang na marami akong nalalaman.

PABLITO :    Ah, isa kang matalino kung gayon!

MADEL :    Hindi rin, at wala akong balak.  Tama na sa akin ang pagiging maalam, dahil marami akong alam.

PABLITO :    Siyanga ba?  Bueno, kung ikaw ay maraming alam, ang lahat ba ng kaalaman na dapat mong malaman ay iyo nang nalalaman?

MADEL :    Ano?  Hindi ko yata na-get ang sinabi mo.

PABLITO :    Meron akong alam na sikreto, at siguradong ito ay hindi mo pa nalalaman.

MADEL :    Walang sikre-sikreto sa akin.  Basta mga bagay na importante, ako’y hindi nagpapahuli.  Meron akong taingang kawali, lalo na sa mga lihim na kawili-wili.

PABLITO :    Pero ang isang ito’y siguradong hindi mo pa nalalaman!

MADEL :    At paano mo natiyak?

PABLITO :    Dahil ito’y hindi sikreto ng tao, bagama’t malaki ang kinalaman nito sa magandang kapalaran ng tao.

MADEL :    Hindi kita maintindihan.

PABLITO :    Talagang hindi mo ako mauunawaan hangga’t hindi ko nasasabi sa iyo ang lahat.

MADEL :    Pwes, bakit hindi mo pa sabihin sa akin ang lahat?

PABLITO :    Dahil nga sa ito’y sikreto at walang nakaaalam nito liban sa akin.  Oras sa sabihin ko ito sa iyo...

MADEL :    Marunong akong magtago ng sikreto!

PABLITO :    Ikaw ba’y nangangakong mananahimik tungkol dito?

MADEL :    Oo, nangangako ako.

JUANITO :    (Kay PABLITO.)  Teka, bakit mo naman pinatatahimik, eh kailangan nga nating ipagsabi para kumalat ito sa tao?

PABLITO :    (Kay JUANITO.)  Tumahimik ka!

MADEL :    Kung yan ang gusto mo.

JUANITO :    (Kay PABLITO.) Pero kailangang mabunyag ito sa lahat ng tao!

PABLITO :    (Kay JUANITO.)  Huwag kang maingay!

MADEL :    Hindi ako mag-iingay.

PABLITO :    Nakahanda ka bang sumumpang hindi sasabihin kanino man ang sikretong ibubunyag ko?

MADEL :    Sumusumpa ako, kahit putulin pa ang dila ko!

JUANITO :    Patay!

PABLITO :    Bueno, makinig kang mabuti.  (Titingin sa paligid.)  Ako’y hindi pangkaraniwang nilalang.

MADEL :    Ano?  Ang ibig mong sabihin, ikaw ay isang... Teka, ano ka nga ba talaga?

PABLITO :    Ano ba sa tingin mo?

MADEL :    Huwag mo akong bibiruin.  Imposibleng ikaw na kausap ko ngayon ay isang... anghel!

JUANITO :    Talagang imposible!

PABLITO :    At bakit imposible?

MADEL :    Hindi kasi bagay.  Pero teka, iyan na ba ang sinasabi mong sikreto?

PABLITO :    Umpisa pa lamang ng sinasabi kong sikreto.  Ako’y naparito upang ipahayag ang isang mahalagang balita.

MADEL :    Ano’ng mahalagang balita?

PABLITO :    Nagkaroon ng malaking pagbabago sa balangkas ng gawaing pangkaligtasan ng sankatauhan.  Simula sa araw na ito ay suspendido o pansamantalang pinawa-walang-bisa ang Sampung Utos na ibinigay kay Moises sa bundok ng Sinai.  Kaya ang tao ay malayang makagagawa ng kahit anong bagay – mabuti at masama – nang walang sinusunod o sinusuway na anumang batas.  Samakatuwid pagdating sa kanyang huling araw at sa oras ng kanyang paghuhukom, ang tao ay hindi hahatulan ayon sa kanyang mga gawa.  Ano man ang kanyang maging atraso sa lupa, tatanggapin pa rin siya sa langit dahil doon ang lahat ng kaso ay siguradong ididismis.

JUANITO :    (Kay PABLITO.)   Ano?

MADEL :    Ano?  Tutoo bang lahat ang sinasabi mo?

PABLITO :    Bakit?  Hindi ka ba naniniwala?

JUANITO :    (Kay MADEL.)  Huwag kang maniniwala!

MADEL :    Para kasing hindi kapanipaniwala...

PABLITO :    Sa maniwala ka’t sa hindi, iyan ang tutoo.

JUANITO :    Teka muna, teka muna!  Ang aking orihinal na proposisyon ay sa porma ng isang tanong, KUNG SAKALING SUSUSPINDIHIN...

PABLITO :    (Kay JUANITO.)  Sinabi ko na sa iyong tumahimik ka diyan!

MADEL :    Pero paano ako tatahimik, samantalang...

PABLITO :    Alam ko kung ano ang iyong iniisip.

MADEL :    Alam mo?

PABLITO :    Oo.  Nangangamba ka na baka walang maniwala sa iyo kapag sinabi mo ang bagay na ito sa ibang tao, hindi ba?

MADEL :    Pero bakit ko sasabihin sa kanila?  Ito ay isang sikreto!

PABLITO :    Tumpak!  Hindi nila dapat malaman ang sikretong ito.  Ang lihim na ito ay atin-atin lamang!

MADEL :    Pero, paano kung hindi nga sila maniwala?

PABLITO :    Hmm... Magandang tanong iyan.

MADEL :    Maaaring isipin nila na ito ay gawa-gawa ko lamang.

PABLITO :    May katwiran ka.

MADEL :    Masisira ang aking kredibilidad sa madla.

PABLITO :    Hindi dapat magkagayon.

MADEL :    Baka pagbintangan nila akong nagsisi-nungaling!

PABLITO :    Walang basehan ang ganyang paratang!

MADEL :    O kaya’y nasisiraan ng bait!
PABLITO :    May naisip akong paraan.

MADEL :    Ano?

PABLITO :    Kung merong ayaw maniwala sa iyo, puwede mong baguhin ang kanilang salita.

MADEL :    Baguhin ang salita?

PABLITO :    Oo.  Sa halip na salita ng tao, puwede mong gawing salita ng hayop ang kanilang wika.

MADEL :    Salita ng hayop?  Paano?

PABLITO :    Bibigyan kita ng pambihirang kapangyarihan, sa gayon ay makikita nila na ikaw ay hindi nagsisinungaling, na ang sinasabi mo’y pawang katotohanan lamang.  (Ikukumpas muli ang kamay at may sasambulat na usok sa kanyang tapat.)

MADEL :    (Manlalaki ang mga mata, titingnan ang dalawang kamay, ititiklop ang mga palad.)  Pakiramdam ko’y may kakaibang napadagdag sa akin.  Para akong may bagong taglay na kapangyarihan!

PABLITO :    Hindi ka nagkakamali.  Taglay mo ngayon ang kapangyarihang baguhin ang dila ng sino mang ayaw maniwala sa iyong sinasabi.  Pero huwag mong kalilimutan, ikaw ay sumumpang hindi ipagsasabi ang ating lihim!

MADEL :    Hindi ko ito sasabihin kanino man!

PABLITO :    Paalam!

(Ikukumpas ni PABLITO ang kamay at sasambulat ang usok.  Pupunta siya sa may puno at doon iistambay upang subaybayan ang mga susunod na pangyayari.  Paminsan-minsan ay may pipindutin sa kanyang kompyuter.  Si JUANITO ay babalik sa kanyang puwesto sa may poste, ilalabas din ng kuwaderno at ballpen at magmamatyag sa mga susunod na pangyayari.  Lalabas si ESTER, bubuksan ang tindahan, pagkatapos ay magwawalis sa harapan nito.  Lalapit si MADEL at uupo sa isa sa mga upuan, walang kibo.)


ESTER :    Magandang umaga, Madel.

(Hindi kikibo si Madel.  Nakatingin siya sa malayo, malalim ang iniisip.  Lilipas ang ilang sandali ng nakabibinging katahimikan.)


Tahimik ka yata ngayon.  Ano ba ang bagong balita?

MADEL :    (Nakatingin pa rin sa malayo.)  Wala.

ESTER :    Wala?  Milagro!  Ngayon ka lang yata nawalan ng ibabalita?

MADEL :    Bigyan mo nga ako ng isang boteng lapad.

ESTER :    Aba, Madel!  Kataka-taka!  Kailan ka pa natutong uminom ng alak?

MADEL :    Ngayon pa lang ako mag-eenrol.  Sige na, Ester.  Akina’ng order ko.  Samahan mo na rin ng isang kahang sigarilyo.

ESTER :    Madel!  Talagang nakakapanibago ang iniaasal mo ngayon!  Hindi ka naman dating naninigarilyo, ah!  Seryoso ka ba?

MADEL :    Seryoso ako.  Ano ba, bibigyan mo ba ako o hindi?

ESTER :    Bibigyan... Ikaw naman!  Sadya lang na ako’y nagtataka...

Madel:        Aba’y bilis-bilisan mo ang kilos kung ganon.  (Dudukot ng pera mula sa pitakang napulot.)  O, heto nga pala ang bayad.  Awasin mo na rin diyan ang lahat ng utang ko.

Ester:        (Habang inihahanda ang inorder ni Madel.)  At mapera ka pa ngayon!  Talagang nakapagtataka!

MADEL :    Huwag ka nang magtaka, Ester.  Talagang ganyan ang suwerte ng tao... bigla na lang dumarating kung kailan hindi mo inaasahan.  At isa pa, alam mo bang matagal ko na talagang gustong gawin itong pag-inom ng alak.  Hindi ko lang maumpisa-umpisahan.  Pero ngayong lahat ay puwede ko nang gawin at wala nang bawal...

ESTER :    Ano’ng ibig mong sabihin?

MADEL :     Ang pag-inom at paninigarilyo ay itinuturing kong mga kapintasan, mga bisyong umaalipin sa matinong isipan ng sinumang taong nagiging sugapa sa mga ito.  Pero, alam mo, Ester, madalas kong naiisip noon pa, at madalas kong itinatanong sa aking sarili:  Masarap nga siguro ang uminom ng alak at manigarilyo.  Kasi, kaydami ng mga nararahuyo sa bisyong ito.  Hindi mo alam, Ester, lihim akong nagnanasa na matikman rin ang kaligayahang tinatamasa ng aking kapwa.  Pero ako’y tinatalo ng hina ng loob at matinding hiya.  Ngayon, panahon na upang matuklasan ko ang katotohanan.  (Iinom ng alak mula sa baso.  Mapapasimangot sa pait ng lasa.)  Aaaahhh...!  Ang pait pala ng lasa!

ESTER :    Bakit?  Ano ba sa akala mo?

MADEL :    (Kukunin ang sigarilyo.)  Meron ka ba riyang posporo?  Pasindi nga.

(Habang naghihintay kay ESTER, magsasalin uli ng alak sa baso si Madel, at iinumin iyon.  Iaabot ni ESTER ang posporo.  Titindig si MADEL para sindihan ang sigarilyo, pero hindi iyon masisindihan at maraming masasayang na palito.  Makakaramdam si MADEL ng pagkahilo.)


ESTER :    Ano ba, Madel?  Lasing ka na yata, ah?

MADEL :    Ayossh lang kung ako’y malalashing.  Dahil meron akong shikretong lihim na hindi ko puwedeng shabihin.  Kapag ako’y pinilit, hindi ko pa rin shashabihin.  Pero kapag ako’y nalashing...

(Itutuloy ang pagsisindi ng sigarilyo.  Papasok si CESAR.)


Cesar    :    Aling Ester, pagbilhan nga ho ng sigarilyo.  Isang kaha.  Etong bayad.
 
MADEL :    (Mapungay ang mga mata, sa bagong dating.)  Hello, lover boy?  Whanna danzhhh with me?

ESTER :    Madel!  Mahiya ka naman!

MADEL :    Bakit ako mahihiya? Nangangarap rin naman akong magkaroon ng ishang prince charming gaya ng kahit shinong normal na babae.  Ito’y ishang malalim na pagnanashang matagal ko na ring kinikimkim.  Pero ngayon ay iba na, Eshter.  Ang dami ko nang pinalampash na pogi sha buhay ko dahil sha hiya... (Aakbayan  si CESAR.)  Oh, come on!  Whanna light my shigar, beybeh?

(Mahihiya si CESAR, sisindihan ang sigarilyo ni MADEL.  Hihititin ni MADEL ang sigarilyo, uubuhin nang malakas!  Dali-daling magpapaalam si CESAR.)


Hey!  Shaan ka pupunta?  Shweetheart!  Darling!  Huwag mo akong iwan!  Bumalik ka rito!  (Uubuhin uli.)

ESTER :    Madel!  Ang bunganga mo!  Nakakabulahaw ka sa mga kapitbahay...

MADEL :    Sho what?  Hindi ko pinanghihimashukan ang kanilang buhay, kaya wala shilang pakialam kahit pa magshishigaw ako rito, dahil bunganga ko at hindi ang bunganga nila ang ishinishigaw ko!  Gushto kong malashing!  (Iinom uli ng alak, hindi na sa baso kundi sa bote.)

ESTER :    Ano na ba talaga ang nangyari, Madel, at ikaw ay nagkakaganito?

MADEL :    Gushto mo talagang malaman?

ESTER :    Oo.

MADEL :    P’wes, hindi ko shashabihin.

ESTER :    At bakit?  Ano’ng dahilan?

MADEL :    Shikreeettttt.....!  Uminom tayo, Eshter.  Ahh... Lashing na nga yata ako.  O, s-s-sshige, aalis na muna ako. Thanks for the drinks, mareh!  (Gayak nang umalis.)  Babayyy...

ESTER :    Saan ka pupunta?

MADEL :    Sa shimenteryo.

ESTER :    Sa simenteryo!  Pero ano’ng gagawin mo roon?

MADEL :    (Magsisimulang humakbang nang parang matutumba sa kalasingan.)  May ibabaon akong lihim! 

ESTER :    Lihim na naman!  Ano ba talagang lihim yon, Madel?

MADEL :    Shikreeettttt.....!  (Umaawit habang papaalis.) Wanzhh I have a shikret love...that lived within thish heart of me...

(Habang inililigpit ni ESTER ang pinag-inuman ni MADEL, papasok ang barkada ni DIEGO, pawang nakasuot ng Barong Tagalog.)


ESTER :    Magandang umaga sa inyo, Diego.  Pormal na pormal ang suot natin, ah!  Mukhang may ispesyal na okasyon kayong ise-celebrate!  O ano, ilalabas ko na ba ang lapad gaya ng dati?

DIEGO :    Hindi na muna ho ngayon, Aling Ester.  Pass muna kami.  May lalakarin pa ho kasi kami.

ESTER :    Ganoon ba?  Kaya pala puro kayo nakaporma.  O, eh... saan ba ang lakad?

MAGNO :    Eh, kuwan ho, Aling Ester... diyan lang ho sa kapilya.

ESTER :    Sa kapilya?  Ano’ng meron sa kapilya?  May inuman ba roon?

KULAS :    Kuwan ho, Aling Ester... Magsisimba ho kami.

ESTER :    Magsisimba?

MAGNO :    At saka a-attend ho kami ng... Bible Study.

ESTER :    Bible Study?

DIEGO :    Oho, Aling Ester.  O Sige ho, tuloy na ho muna kami.

ESTER :    Teka-teka!  Teka muna?  Bakit kayo magsisimba?  Ibig kong sabihin, ano’ng nangyari at magba-Bible Study kayo?  Hindi yata tama, ang ibig kong sabihin, katakataka yata ang inyong gagawin!

DIEGO :    Aling Ester, napag-isip-isip ho  namin na walang mangyayaring maganda sa buhay namin kung patuloy kaming mag-iinom at maglalasing araw-araw, at pagkatapos ay maghahanap ng basag-ulo.  Maikli lamang ang panahong ititigil natin dito sa lupa kumpara sa naghihintay na buhay sa kabila.  Yan ang madalas na pangaral sa akin ng aking nanay noong siya’y nabubuhay pa.  Kaya naipasya ko, namin nina Kulas at Magno, na magbago na.

KULAS :    Tama ho yon, Aling Ester.  Magbabago na kami.

MAGNO :    Mga bagong-silang na sanggol na uli ang pakiramdam namin ngayon, Aling Ester.

ESTER :    Aba, labis ninyo akong pinahanga sa inyong pasya.  Harinawa’y maging matagumpay kayo sa inyong pagba-bagong-buhay.

DIEGO :    Salamat ho, Aling Ester.  Eh, magpapaalam na ho muna kami.

ESTER :    Kaawaan kayo ng Diyos.

(Lalabas ang tatlo.  Susundan sila ng tingin ni ESTER nang may pagtataka at paghanga, mapapangiti, mapa-pailing.  Papasok si CASSANDRA, may dalang maleta.)


Aba, Cassandra, good morning!

CASSANDRA :    Good morning din ho, Aling Ester.  Kumusta kayo?  (Sabay tingin sa relo.)

ESTER :    Mabuti.  Mukhang may hinihintay ka yata?

CASSANDRA :    Meron nga ho, Aling Ester.

ESTER :    At may bitbit ka pang maleta.  Para yatang magbabakasyon ka sa malayo.

CASSANDRA :    (Tatawa.)  Mahusay kayong manghula, Aling Ester.  Ang tutoo ho’y... mag-aasawa na ako.  I mean, magpapakasal na ako.  (Titingin muli sa relo)

ESTER :    Talaga?  Aba’y tingnan mo nga naman at sa wakas ay nakaisip ka na ring lumagay sa tahimik.  Eh, sino ba naman ang mapalad na binatang...

(Papasok si FR. MORANAZ, may dala ring maleta.)


CASSANDRA :    Heto na ho siya, paparating na.  Hi, Sweetheart!

MORANAZ :    Hello, Darling!  Pasensiya ka na at medyo na-late ako.  May mga parukyano kasing dumating sa kapilya...

CASSANDRA :    That’s alright, Sweetheart.  Ang mahalaga ay narito ka na.  O paano?  Shall we?

ESTER :    Teka, teka muna!  Naguguluhan ako sa mga nangyayari.  Ibig ninyong sabihin, kayo ni Fr. Al Moranaz ay...?

MORANAZ :    Tama kayo, Aling Ester.  Kami ni Cassandra ay matagal nang nagmamahalan.  At ngayon ay nakapagpasiya na kaming magpakasal.

ESTER :    Pero teka, teka... Hindi ba bawal sa mga paring gaya ninyo ang mag-asawa?

MORANAZ :    Tama kayo, Aling Ester.  Pero noon ho yon.  Ngayon ho ay puwede na.

ESTER :    Puwede na?  Bakit?  Kailan pa, at paano naging puwede?

CASSANDRA :    Aling Ester... Ngayon ho, kahit ano ay puwede na!

ESTER :    Kahit ano ay puwede na?  Teka muna, teka-teka!  Hindi ko pa rin maintindihan ang inyong sinasabi!

MORANAZ :    Gusto ko sanang magpaliwanag, Aling Ester, kaya lang ho ay alas-otso ang flight ng aming eroplano.  Kailangan naming magmadali.  Pasensiya na kayo.

CASSANDRA :    Huwag kayong mag-alala, Aling Ester.  Pagkatapos ng honeymoon namin ni Al sa Europa ay magtutungo kami sa Canada para doon manirahan.  Tatawagan namin kayo mula roon para maikuwento sa inyo nang buo ang lahat.  Paalam.

MORANAZ :    Paalam, Aling Ester.

ESTER :    Paalam.  At patnubayan kayo ng Diyos.

        (Darating sina AURING, CONCHA, TOMAS,  at MARIO.)

TOMAS :    Aling Ester, magandang umaga ho.

ESTER :    Magandang umaga rin sa inyo.  O ano, Concha, nagkita na ba kayo nina Diego, Kulas at Magno?  Sasali raw sila sa inyong Bible Study.

CONCHA :    Hindi kami nagkita.  Hindi na muna kami nag-Bible Study ngayon dahil may dadaluhan kasi kaming concert nina Sister Auring, Brother Tomas at Brother Mario.

ESTER :    Concert?  Ano bang concert iyan at umagang-umaga?  Ang alam kong mga concert ng mga sikat na manganganta ay kadalasang sa gabi ginaganap.

MARIO :    Ester, ibang concert ito.

AURING :    Oo nga.  Dapat kasi’y paminsan-minsan, magsasara ka muna ng iyong tindahan at sumama ka rin sa amin sa mga konsiyerto para ka naman malibang kahit kaunti.  Mahirap yang puro na lang hanapbuhay ang nasa isip, Ester.  Madali kang tatanda.

ESTER :    Eh, alam n’yo namang wala akong kahilig-hilig sa mga kantahan kahit noon pa.

TOMAS :    Ang concert na tinutukoy namin, Aling Ester, ay madyong.

ESTER :    Madyong?

MARIO :    Oo, dadayo kami sa bahay nina Brother Roger.  Doon kami magmamadyong.

ESTER :    Brother Roger?

CONCHA :    Si Brother Roger, yung chairman ng lupon sa pagsamba sa Parish Council of the Laity.  Pagka raw kasi ganitong araw, umaga pa lamang ay marami ng manlalaro roon.

ESTER :    Pero teka, hindi ba iyang madyong ay... isang sugal?

TOMAS :    Isa itong uri ng paglilibang, Ester.

ESTER :    Paglilibang na may kasamang pustahan ng pera, hindi ba?  Eh di sugal na rin iyon!

MARIO :    Libangan man o sugal ang itawag, wala namang masama roon.

ESTER :    Anong walang masama?  Halos araw-araw ay laman kayo ng simbahan, nag-aaral ng Bibliya, nangangaral sa ating mga kabarangay.  Hindi ba masagwang itsura kung malaman nila na...

MARIO :    Ester, noon yon.  Pero ngayon ay wala nang masagwa o masama.  Ano man ang gawin natin ay puwede na.  Hindi mo pa ba nababalitaan ang pagbabagong umiiral sa ating lipunan?  Ang bawa’t isa ay malaya nang gumawa ng anumang naisin niya!

CONCHA :    Siyanga naman Ester.  Kaya halika na, sali ka na rin sa amin.

ESTER :    Eh, hindi... kuwan, kayo na lamang.  Okey lang ako dito.

CONCHA :    Bueno, ikaw ang bahala.  Kung iyan ang gusto mo.

MARIO :    O paano, Ester, tutuloy na kami.  Kanina pa kasi naghihintay si Brother Roger.  Paalam.

ESTER :    Paalam.

(Lalabas sina AURING, CONCHA, TOMAS,  at MARIO.  Papasok sina Mayor ACERO at tatlong bodyguards.  Naka-make-up nang makapal at nakasuot ng damit-pambabae.  Kumekembot sa paglakad.  Mala-landi kung kumilos at magsalita.  Hindi sila agad mamumukhaan ni ESTER dahil sa kanilang itsura.)


ACERO :    Hello, Mrs. Esteriray!  Kumusta na ang butihing tindera ng barangay?  Kung kami ang inyong tatanungin – eto, mabyuting-mabyuti pa rin!

ESTER :    Sino ba kayo?  Bakit kilala ninyo ako?  Ngayon ko lamang yata kayo nakita rito...

BODYGUARD #1 :    Si Aling Ester naman!  Hindi ba ninyo kilala si Boss, este... si Madam Acendero Acero?

BODYGUARD #2 :    Ang magiting na Meyor ng ating bayan!

ESTER :    Meyor Acero?  Pero bakit...?

BODYGUARD #3 :    That’s right, Aling Ester.  Si Meyor Acero at wala nang bakit-bakit pa!

ESTER :    Pero anong nangyari sa inyo at ganyan ang itsura ninyo?

ACERO :    At bakit ho, Aling Ester?  Anong masama sa aming itsura?  Magaganda naman kami ah!

BODYGUARD #1 :    That’s right!  Anong sinabi nina Vilma at Sharon sa mga beauty namin!

ESTER :    Pero... Bakit?  Kailan pa kayo nagkaganyan?

BODYGUARD #2 :    Matagal na kaming ganito, hah!  Ngayon lamang kami naglaladlad!

BODYGUARD #3 :    Ang tagal naming ikinubli ang aming tunay na pagkatao, ang aming pagiging mahinhing walang pakundangan.

BODYGUARD #1 :    Dahil nangangamba kaming baka kami ay kutyain at isumpa ng aming kapwa.

BODYGUARD #2 :    Sapagkat kami’y tao lamang...

BODYGUARD #3 :    Mga baklang tao lamang!

BODYGUARD #1 :    Masisisi ba ninyo kami kung kami’y ipinanganak na ganito?

BODYGUARD #2 :    Kahit naman kami ganito, may nagagawa pa rin kaming mabuti sa mundo.

BODYGUARD #3 :    Puwede pati kaming mahalal sa Senado.

BODYGUARD #1 :    Ngunit ang tao ay malupit at mapanghusga!

BODYGUARD #2 :    Ang turing nila sa mga baklang tulad namin ay marumi at kasuklam-suklam!

BODYGUARD #3 :    Dahil dito’y wala kaming choice kundi ang magkunwari at itago ang aming pagkababae!

ACERO :    Pero ngayon ay wala nang dahilan para magkunwari.  Wala nang dahilan para ikubli ang katotohanan, sapagkat ngayon ang lahat ay puwede na!

ESTER :    Puwede na?  Teka, kanina ko pa naririnig ang salitang puweda na, ah!  Sino ba ang nagpauso niyan?

ACERO :    Sino pa, kundi ang magiting na si Madel.

ESTER :    Si Madel?

ACERO :    That’s right!  Si Madel Madeldel, ang aming savior at angel!  O paano?  Kami’y aalis na dahil maghahanap pa kami ng yari!  Babu...!

(Lalabas sina Mayor ACERO at mga bodyguards.  Papasok si DOMENG, isang barangay tanod.)


DOMENG :    Magandang umaga, Aling Ester.  Kumusta sa lugar na ito?  Wala ho bang trobol?

ESTER :    Wala naman, Ka Domeng.  Tahimik lang kami rito.

DOMENG :    Mabuti kung gayon.  Dito kasi ako ini-assign ni Kapitan para magpatrolya upang pangalagaan ang kaayusan at katahimikan sa ating barangay.  Kaya kung may nanggugulo o may problema, sabihin nyo lang agad at ako ang bahala.

ESTER :    Naku, salamat naman kung gayon.  Eh, ano ba ang gusto mong inumin?

DOMENG :    Kahit na ho anong softdrinks, Aling Ester.  Kayo na ang bahala.

(Lalabas si ESTER ng tindahan, aabutan si DOMENG ng maiinom.  Papasok ang apat na KABATAANG BABAE [KB] at dalawang KABA-TAANG LALAKI [KL], sa sentro ng tanghalan.  Mga high sa epekto ng droga.)


KB #1 :    Mga pards, mards... dito na natin ituloy ang sesyon.

KB #2 :    Anong ituloy, eh kanina pa ubos ang ating baon!

KB #3 :    Problema ba yon, eh di bumili!

KL #1 :    Mga pards, mards, wala na akong datung.

KL #2 :    Ako rin, ubos na ang pera ko.

KB #1 :    No problem.  Akong bahala.  ’Tara sa tindahan ni Aling Ester.

(Lalapit ang grupo sa tindahan.)


Aling Ester, meron ba kayo riyang one thousand?

ESTER :    One thousand na ano?

KB #2 :    One thousand pesos, Aling Ester.  Holdap ito!

(Mabilis na kakabigin ni KB 3 si ESTER sa liig at tututukan ng balisong.)


KB #3 :    Ang pera, Aling Ester.  Ilabas n’yo na, dali!  Kung ayaw ninyong magkagripo sa liig!

ESTER :    Huwag!  Utang na loob!  Kabubukas ko pa lamang ng tindahan.  Wala pang isang libo ang benta ko.  Sige, kunin na ninyong lahat ang laman ng kaha, huwag lamang ninyo akong sasaktan!

(Papasok sina KL 1 at KL 2 sa loob ng tindahan at kukunin ang laman ng kaha.  Lalabas para ibigay sa mga kasama.)


KL #1 :    Ayos, pwede mo nang bitiwan si Aling Ester.

KL #2 :    May pambili na tayo ng droga.

(Pakakawalan si ESTER.  Habang binibilang ng mga kabataang durugista ang pera, hahaplusin ni ESTER ang liig.)


ESTER :    Pambihira ka naman, Ka Domeng.  Naturingan kang Tanod ng barangay, bakit hindi mo ako tinulungan?  Nakatanga ka lamang riyan at nanonood habang halos patayin na ako ng mga durugistang iyon.

DOMENG :    Wala tayong magagawa, Aling Ester.  Hindi naman masama ang ginagawa ng mga batang iyan eh.

ESTER :    Ano bang hindi, eh mga ke-babata pa’y lulong na sila sa droga at ngayon ay mga kriminal pa!  Hindi pa ba masama para sa iyo ang mga iyon?

DOMENG :    Hindi, dahil ngayon, wala nang masama at wala nang bawal.  Ang lahat ay puwede na.  Sandali lang h