BLOGTALASAN NG KATWIRAN


Noynoy for President

Dapat bang kumandidatong Presidente ng Pilipinas
si Benigno “Noynoy” Aquino III sa halalan sa taong 2010?



cadena_de_amor says:
LANTAY NA PAG-ASA

Nang si Ninoy ay paslangin ng diktador na gobyerno,
Nabulabog ang balanang sambayanang Pilipino;
Ito’y bagang naging titis sa nag-apoy na kamao
Ng lipunang binusabos sa mithiin at prinsipyo;
At sa Edsa, nang tumindig ang himalang lakas-tao,
Tinanghal na presidente si Corazon C. Aquino.

Itinanghal na bayani sina Ninoy at Corazon,
Pagka’t kapwa nangaglingkod nang tapat sa ating nasyon;
Tinupad ng magkabiyak ang dakila nilang misyong
Inang baya’y itangkakal (kinulang man sa panahon);
Pagka’t sila’y namayapa — ang gawai’y itutuloy
Ni “Noynoy” na anak nilang ngayo’y tanyag na senador!

Pagka’t supling ni Corazon ay mabango ang pangalan,
Matunog na kandidato sa darating na halalan;
Babakasin niyang tiyak yaong yapak ng magulang
Na ni walang bahid-dungis nang sa baya’y manungkulan;
Kapag siya ay nagwaging pangulo ng Inang bayan,
ang masukal na kurapsyon nitong bansa’y mahahawan.

Si Ninoy ay bagong Rizal … at si Cory itinuring,
Bagong liping Tandang Sora sa panahon ngayon natin;
Buhay nila ay ginugol sa dakilang adhikain,
Angkan silang mararangal at bayaning magigiting;
Kung si “Noynoy” ay tatakbo sa halalang two thousand ten,
Lahi ni Ninoy at Cory — pagbotoha’t tangkilikin.

Katanungang kung si “Noynoy” ay dapat bang kandidato,
Ako bilang makabayan: ang tugon ko’y “Oong-Oo;”
Siya’y lantay na pag-asa kung mahalal na pangulo,
Siya’y Kristong maghahasik ng lugod sa bawa’t templo;
Sino lamang tumututol? — yaong ganid na guerero
At kampon ng magnanakaw … na ang puso’y pusong-kwago!

aruykuykuy says:
KAHIT SIKAT AY DI DAPAT

Hindi ako tumututol na tumakbong presidente
Si Noynoy na napatanyag dahil kay Ninoy at Cory
Karapatan niya iyan; ngunit ito ay debate
At katwiran ko ay iba sa naunang dumiskarte
Na si Noynoy ay dapat daw sa twenty-ten makisali
Sa halalang panguluhan…Aruy! Naku! I disagree!

Hindi ko rin matatanggap ang papuring walang saysay
Na si Noynoy diumano ay senador na tanyag raw
(Anu-anong batas nga ba ang kanyang naisponsoran
Sa panahong senador sya at nang sya pa ay kongresman?)
Tumpak, naging sikat siya, nguni’t ito’y kanyang utang
Sa magulang niya’t hindi sa sariling kakayahan.

Mabango ang alaala ng yumaong si Corazon
At lalagi sa gunita ang pagpaslang din kay Ninoy
Nguni’t ito’y sapat na ba upang anak na si Noynoy
Ay tumakbong presidente sa sasapit na eleksyon?
Oo, kung ang panalo lang na tiyakan ang syang habol…
Ang tanong ko’y pa’no naman ang kanyang kwalipikasyon?

Kung si Noynoy ay tatakbong pangulo ng Pilipinas
Manalo man siya’y hindi dahil sadyang nararapat
Nagkataong Aquino lang ang pangalang kanyang binyag
Na pangalang sa politics at show business napatanyag
Wala itong pinag-iba sa kina Jinggoy, Loi at Erap
O kina Glo, Mikey, Iggy; o Revillang ama’t anak.

Pangalan at kasikatan ng magulang ang nagbunsod
Sa botante kaya sila sa tungkulin ay naluklok
Ganyan din ang nangangyari sa artistang pumalaot
Sa palitiks na pagiging popular ang tanging handog
Aruykuykuy! Naubos na ang termino at nagtapos
Ang iba ay di mo man lang naulinig ni kaluskos!

cadena_de_amor says:
IBANG-IBA SA MANOK MO

Ibig ko nang bumunghalit ng matunog na halakhak
Sa makatang sa panig ko’y nagpipilit sumalungat;
Unang saknong pa lang niya’y halata nang naghahanap
Ng diskarteng sa kay Noynoy ay mariing ipanghampas;
Sa “Noynoy daw for President” — hindi tutol siyang ganap,
Huling linya’y nag-disagree — may kurot sa kanyang balat.

Tanggapin mo ang totoo, tumigil ka ng pag-aruy,
At baka ang kadena ko’y sumabit sa iyong ilong;
Hindi mo ba naririnig ang pagtiktak ng panahong
Parang bomba kung bumagsak sa dibdib ng ating nasyon?
May piring ba ang mata mo’t wastong daa’y di matunton,
Di makitang Inang Bayan — kailanga’y isang Noynoy!

At tantuing punong-mangga’y di bubunga ng bayabas,
Magtanim ka ng mustasa’t di darahon ng letsugas;
Bunying si Noynoy Aquino’y iniluwal sa liwanag
Ni Corazon at ni Ninoy na ang budhi ay busilak;
Makabaya’t maka-Diyos punong langit ng pangarap,
Ibinunga’y isang Noynoy: Presidenteng nararapat.

Oo, naging tanyag siya, pagka’t tatak ay Aquino,
Nasa kanyang katauhan kay Ninoy na pagkatao;
Si Cory ay nasa kanyang kaakuhan at anino,
Tandang siya’y natatangi’t hinding-hindi maglililo;
Kung wala mang batas siyang inilunsad sa kongreso,
May malinis na pangalan sa kongreso’t sa senado.

Si Noynoy ay ibang-iba sa manok mo na si Erap,
Kina Gloria, Mikey, Iggy at Jinggoy na kanyang anak;
Mag-ama man na Revillang sa puting-tabing ay sikat —
Pawang pagak na artistang salaula’t mapagpanggap;
Sino ngayong hihiranging Pangulo ng bansang liyag,
Di ba’t si Noynoy Aquino? Sa Malakanyang iakyat!

tagapamagitan says:
PINAKAHULING BALITA

Ako muna ay sisingit upang dito’y bigyang-daan
Ang balitang sariwa pa’t kaugnay sa BlogTalasan:
Ang Senador na si Noynoy Aquino ay kanina lang
Nagdeklarang tatakbo syang presidente sa halalan
Ginanap ang deklarasyon do’n sa Greenhills ng San Juan
Ngayong petsa September 9, ngayong taon 2009.

Ang petsa ay nataon din sa pang-apat na pu’t araw
Magbuhat nang namayapa si Cory na kanyang nanay
Habang ito’y sinusulat, senador ay naghihintay
Sa desisyon ni Mar Roxas bilang kanyang next-in-command
Samantala, balik tayo sa mainit na palitan
Ng katwiran sa labanang tawag nati’y BlogTalasan.

aruykuykuy says:
ANG MANOK MO’Y WALANG PAKI

Ang tandang mong natatangi ay di man lang pumuputak
Sa hinaba ng panahon ng pagiging mambabatas
Kung wala mang kapintasang sa media ay nauulat
Sa kongreso’t sa senado, wala kasing inatupag
Ni hindi mo nabalitang bumatikos dun sa Pandak
Di gaya ng kanyang inang hantaran sa pagsalungat.

Wala pa syang nagagagawa magmula nang manungkulan
Na totoong masasabing dakila at mayrong saysay
Sa usapin ng kurapsyon, abuso sa karapatan,
ZTE deal, Hello Garci, at isyung Fertilizer Scam
Tahimik ang iyong manok, tila walang pakialam
Tapos ngayon ibig mo pang maging lider nitong bayan?

Wika mo pa ay susundan ni Noynoy ang mga yapak
Ng magulang na si Ninoy at si Cory na di duwag
Itutuloy daw ang labang sinimulan ng magkabyak
Kailan pa? Kailan pa? Sa pagputi ba ng uwak?
Sa twing mayrong iskandalo ng kurapsyong nasambulat
Ang manok mo’y natutulog habang iba’y tumatalak.

Ang malinis na pangalan, mahalagang puhunan nga
Sa tapat na nagnanasang mamuno sa Inang Bansa
Nguni’t ito’y hindi sapat na sandata lalo pa nga’t
Mga ahas sa lipunan at gobyerno’y naglipana
Desisyon sa panguluhan ay mahabang paghahanda
At di bugso ng simpatya sa pamilyang naulila.

Bansa nati’y naghahanap ng ganap na pagbabago
Kailangan nati’y lider na matatag, may prinsipyo
Isang taong mamumuno upang baya’y umasenso
At di taong napilit lang sa udyok ng ibang tao
Isang taong may ‘track record’ ng nagawa sa gobyerno
At di ‘Noynoy‘ na pag-asa’y endorso ni Kris Aquino.

cadena_de_amor says:
IGUGUHO ANG BASTILYA

Bunying tagapamagitan, O! salamat sa balita
At paglinaw na si Noynoy sa halala’y sasagasa;
Kandidatong presidenteng nasa isip, puso’t diwa
Ay pambayang-kapakana’t paghahasik ng biyaya;
Sambayanang Pilipino’y nagdiriwang at payapa,
Maliban kay aruykuykuy na may hungkag na akala.

Salamat din sa maraming nangagbigay ng suporta
Sa kay Noynoy na sa ngayon ay idolo nitong masa;
Nagparaya si Mar Roxas sa abot ng makakaya,
At maging si Mike Vellarde, si Panlilio ng Pampanga;
Kumbinsido na rin pati si Erap at si Legarda
Na si Noynoy ang hiranging sa kalaba’y makibaka.

Si Noynoy nga ang malaking pag-asa ng oposisyon
Na lumipol sa tiwali’t balighong administrasyon;
Si Noynoy rin ang pananglaw sa pusikit na panahong
Sa basahang republika’y balahuin ang kurapsyon;
(Pagka’t ikaw’y kasalungat ng panig ko, aruykuykuy —
Ay sino ba ang gusto mong “For President” sa eleksiyon?)

Ang manok mo, aruykuykuy, ay mahilig sa pagputak
At malutang kung “tumaga” ng salaping winawaldas;
Tinutyopi’y taong-bayang walang tari na pangwakwak
Sa sikmura ng tandang mong laging pasal sa magdamag;
Kunwari pa’y kumukontra sa “daya” ng aleng pandak,
Bago’y kayang masuhulan ang prinsipyo’t budhing wasak!

At bakit mo pipintasan kung si Noynoy ay tahimik?
(Ang batisan ay malalim kung matining yaong tubig!)
Sa umpisa’y walang kibo, iyang taong matalisik,
Nguni’t bulkang sumasabog kung apihi’t nilulupig;
Kung pangulo na si Noynoy — kukulog ang kanyang tinig,
Iguguho ang Bastilya na kuta ng imbi’t ganid!

aruykuykuy says:
TAPOS NA BA ANG BANGUNGOT?

Katunggaling nasusukol sa pilipit niyang panig
Para lamang may masabi, pati hangin nilulubid
Sa ‘ming tagapamagitan matapos magpaka-”sipsip”
Politikong nagparaya’t “supporters” ay isiningit
Nagpahabol pa ng tanong na panglito at pambwisit:
Sino raw ba “For President” ang gusto kong itangkilik?

Nalimutan kaya niya ang paksa ng BlogTalasan?
O sinadyang palitan na dahil kapos sa katwiran?
Paksa rito ay DAPAT BA si Noynoy ay makilaban
Bilang isang presidente sa sasapit na halalan?
Si NOYNOY ang paksa kaya wala ritong kinalaman
Kung sino mang presidente ang nais kong suportahan.

Saka sino ang manok ko na iyo bang tinutukoy
Gayong wala naman akong inaangkin na pansabong?
Kung meron mang pinanganlan ay para lang gawing sampol
Ayon sa pagkakahawig sa kay Noynoy na sitwasyon:
Mga supling na natanyag at nagwagi sa eleksyon
Nang dahil sa ama’t ina’t di sariling reputasyon.

Kung tutol kang mapintasan si Noynoy mong matahimik
Bakit siya pinasali sa magusot na palitiks?
Katungkulang presidensyal bilang “highest public service”
Ay tantuing “number one” din sa lupit ng mga kritiks
(Ang batis mong di magaslaw, sa tagal ng di pag-imik,
Siyasatin mo at baka puro lumot na ang tubig!)

Sa umpisa’y walang kibo, pag inapi ay sasabog?
Kung pangulo na si Noynoy tinig kamo ay kukulog?
Matagal nang inaapi ang bayan ng mapanghuthot
Ngayon lamang sya babangon…Tapos na ba ang bangungot?
“Eleven years” sa gobyerno! “Eleven years” syang nagtulog!
Hindi man lang nagparamdam kahit kalpot na paputok!

cadena_de_amor says:
MERON KA BANG MAPIPISIL

Di pa tapos ang bangungot…ng tula mo, aruykuykuy,
Agaw-tulog na matwid mo’y kaluluwang nananaghoy;
Nabubwisit ka pa mandin sa tapat kong pagtatanong,
Halatang sa BlogTalasa’y inis ka na’t napipikon…
Mahirap bang intindihing idolo ko na si Noynoy
Ay DAPAT kumandidatong pangulo ng ating nasyon?

Di ko limot itong paksa ng BlogTalasan ng isip,
Hindi lihis sa usapan yaring bukal ng panitik;
Di ba ayaw mo kay Noynoy pagka’t siya ay tahimik,
Kahi’t angkan ng dakila’t ang pangalan ay malinis?
Ang ibig mo ay madaldal kahi’t linsil at bulawis,
Tiwali ma’t masalita’y inaari mo pang langit!

At kung ayaw ka kay Noynoy ay bakit di mo masabi
Ang higit na nararapat na tumakbong presidente?
Ang masusing usisa ko: itanong mo sa sarili —
Sa unanong salaula’y sinong dapat humalili?
Meron ka bang mapipisil — lalaki man o babae
Na hihigit pa kay Noynoy sa pagdangal at pagpuri?

Liban na lang, aruykuykuy, kung ikaw ay nahihibang
Na ang “bata” ni unano ang ibig na suportahan;
Nguni’t ikaw ay batid kong matindi rin kung magmahal
Sa diwa ng demokrasya at sa ating kabansaan;
Baliin mo ang akalang panlason sa kaisipang
Si Noynoy ay hindi dapat tanghalin sa panguluhan.

Ang kaniyang pagtahimik sa kongreso at senado,
Ay di sapat na dahilang di siya magkandidato;
Eleven years, ni kaluskos…di naringgan ng diskurso?
Mag-isip ka, aruykuykuy…alamin ang puno’t dulo!
(Malaki ang pananalig ng mayoryang Pilipino
Na si Noynoy ang papalit sa luklukan ni Arroyo.)

kampupot says:
PAGPAYUHAN ANG BOTANTE

Ayaw ko na sanang ako’y sumali pa’t makialam
Sa takbo ng pagtatalong sininop kong subaybayan;
Nguni’t ito ay usaping maaaring makagabay
Sa botanteng sa eleksyon sa pangulo’y maglalagay;
Kay amor at aruykuykuy wala akong kakampihan,
Sarili kong kuru-kuro’y nais lamang maibigay.

Gumigiit si de_amor na si Noynoy ay tanghaling
Marapat na kandidato sa halalang two thousand ten;
Malinis raw ang pangalan kaya dapat tingalain,
Bukod pa sa anak siya ng magulang na magaling;
Bastilya raw ng kurapsyon ay kaniyang lalansagin,
Nang ang bansa’y guminhawa’t kabuhaya’y umunlad din.

Aruykuykuy nama’y tutol at di mandin makapayag
Na si Noynoy sa eleksyon kumandidato at sukat;
Sa kongreso’t senado raw, kung hindi man balasubas,
Ay tahimik na tahimik at di man lang nagpasikat;
Opisyal daw na tiwali’t magnanakaw na namalas
Ay di man lang binuragan, sinigawa’t pinalapas.

Tagapamagitan nama’y nagbalitang nagdeklara
Si Noynoy na kandidatong pangulo ng nasyong sinta…
Ano pa bang katuturan ng debate ngayon nila,
Kung si Noynoy sa eleksyo’y bumuo na ng pasiya?
Pigilin ma’t di pigilin, magagawa’y ano pa ba —
Masining mang pagtatalo… ay ano pa ang halaga?

Ikaw, cadena_de_amor, ang tula mo’y mabulaklak,
Sa puso ng Inang Baya’y maaaring magpapitlag;
Ikaw naman, aruykuykuy, ay may tulang pumipiglas
Na sa damdaming may dusa’y maaaring makabagbag!
(Hiling ko lang: ang botante’y pagpayuhan ninyong ganap
Sa pagbotong budhi’t isip ang puhuna’t angking lakas…)

cadena_de_amor says:
PAYO SA BOTANTE

Kay kampupot, paabot ko’y mapitagang pasalamat
Sa opinyong sa debateng mainita’y nag-aawat;
Gumigiti sa isip kong blogtalasang dinalumat
Ay may isang kamakatang dumating sa tamang oras;
Tila anghel ka, kampupot, na sa tulaa’y umusad
At nagbitiw ng masuyo at mabisang pangungusap.

Naririto ang payo ko sa balanang manghahalal
Na ang mithi’y maibangon ang kawawang inang bayan;
Naririto ang bulong kong hindi sana malimutan
Ng botanteng responsable sa darating na halalan —
Taimtim na manalanging lahat kayo’y patnubayan
Ng Maykapal sa pagbotong may baluting kabanalan.

Ang mabuti o masamang napatindig na gobyerno
Ay nilikha ng mabuti o masamang mamboboto…
(Kailangang buong-isip, buong-puso at talino
Ang gamitin sa tungkulin ng pagbotong makatao;
Kapakanang pansarili, kaganida’t pagkatuso
Ay itapon…at palitan ng busilak na prinsipyo!)

Magkaisa at isipin ang pambansang kapakanang
Marapat na kandidato sa tungkulin ang mahalal;
Mangag-ingat sa pagboto, talasan ang pakiramdam,
Hindi dapat na padala sa pangakong walang saysay;
Tayo’y dapat nang matuto sa balighong karanasang
Ang pagbebenta ng boto ay sagwil sa kaunlaran.

Huwag kayong matutuksong bomoto sa mga sikat
Na artista…kung “pambayang kakayahan” ay di sapat;
Ang modelo, manlalaro, boksingerong nag-aalpas
Ay “kaya” bang manungkulan kung mahalal silang lahat?
(Ang tiwali’t mandarayang sa gobyerno’y mapagpanggap —
Ay palitan … ibasura sa esterong sumusulak!)

renzsjavier says:
NASA ATIN ANG KALAYAAN

Sino nga ba ang may tarok sa pita nya’t kanyang layon
Kung magnais na tumakbo, sa halalan ay humabol?
Ang papel lang natin ngayon ay magbantay at ituon
Sa kilos ng kandidatong lumiligaw sa ‘tin ngayon.

Ang pagtakbo sa halala’y karapatan nating lahat
Karapatang nasasaad sa Batas na binalangkas
Alam nyo bang kahit sino’y maaari ding maghangad
Basta’t Pinoy na maalam na magbasa at sumulat?

Kaya tanong na si Noynoy dapat daw ba na tumakbo
At maglayong mamuno sa sambayanang Pilipino
Wala tayong karapatang hadlangan ang nais nito
Gayon din sa mga hanay ng iba pang kandidato.

At ang tangi lamang natin o dapat nga nating gawin
Kandidato ay bantayan bawa’t isa ay suriin
Kung tayo ay mamali pa sa halalan na darating
Ewan ko na kung saan pa tayong lahat pupulutin.

© 2015 Rafael Pulmano  |  Template design by Andreas Viklund