SI
MANNY PACQUIAO AT ANG POLITIKA
DAPAT BA O HINDI DAPAT NA
LUMAHOK SI MANNY PACQUIAO SA POLITIKA
SA HALALAN SA TAONG 2010?

INTRODUKSYON:
Balagtasan...pagpapalitan ng katuwiran sa pamamagitan ng
tula....patalasan ng isip...paligsahan sa diwa...bilang parangal sa ama
ng tulang tagalog na si Francisco Balagtas. Ito ang
inyong...Balagtasan!

LAKANDIWA:
Isang paksang sa panahon
ay talagang nababagay
Ang sa ngayo’y itatampok sa ngalan ng Balagtasan;
“Dapat ba o Hindi Dapat na lumahok sa halalan
Ang dakilang boksingerong Manny Pacquiao ang pangalan?”
Tanong itong sasagutin at bibigyang-katuwiran
Ng makatang naririto at nais kong anyayahan.
Kaya’t sino mang naritong sa pagtula ay may hilig,
Aking inaanyayahang pumagitnang buong-kisig;
Ang nais ko sa pagbigkas ay may rima at may himig,
Yaong tulang kung pakingga’y lumilikha pa ng awit;
Dito’y inyong patunayang sa larangan ng panitik,
Tayong mga Filipino’y may isipang matalisik.
DAPAT: (Sa Ibaba ng Tanghalan
– Panawagan)
Maginoong Lakandiwa, ako
ngayo’y sumasagot
Sa pangalan ni Balagtas na makatang lubhang bantog;
Iyang inyong paanyaya’y tinatanggap kong malugod,
Payag ako na si Pacquiao sa halalan ay lumahok;
Kapag siya ay nagwagi’t sa tungkulin ay naluklok,
Buong baya’y liligaya’t magdiriwang tayong lubos.
Idolo ng Filipino — at si Manny ay kilala
Na may pusong makatao’t kabutiha’y kitang-kita;
Siya’y dangal nating lahat nang manalo’t makibaka
Sa kapuwa boksingerong sa suntuka’y kayang-kaya;
Kaya nga O, Lakandiwang may masusing paanyaya,
Ako ngayon ay tulutang makapanhik sa tribuna.
LAKANDIWA:
Kung ang iyong mga tula ay
madiwa at mainam,
Halika na at umakyat sa ibabaw ng tanghalan;
Sa tula mong bibigkasi’y iyo ritong patunayang
Idolo mong boksingero’y nararapat sa halalan;
Sa paglapit ng makata’y hinihiling ko rin namang
Salubungin natin siya ng matinding palakpakan.
DAPAT: (Sa ibabaw ng tanghalan
– Pagpupugay)
Ako’y buhat sa
Lagunang lalawigan ng pag-ibig,
Sa bayan ng mga puto, ng kutsinta at pinipig;
Ako ngayo’y manunulang naghahandog ng panitik
Sa naritong kababayang nakabukas ang ulinig;
Lingkod ninyong si Rafael Pulmano ay nagsusulit,
Paglahok sa politika ni Pacquiao ay tama’t matwid!
HINDI DAPAT: (Sa Ibaba ng Tanghalan
– Panawagan)
Sinungaling na makata,
walang turing at pangahas
Boksingero ay ibig mong sa halala’y mamayagpag;
O, Mahal na Lakandiwa, tutol ako't kasalungat
Ng makatang naghahambog kung tumula at maghayag;
Ang makatang ganyang uri’y para lamang ibong uwak
Na ang ngala’y sinasambit habang siya’y lumilipad.
Sakali man na si Manny, may magandang kapalarang
Maging isang boksingerong dinakila sa suntukan;
Bakit siya isusubong pumalaot sa halalan,
Sa maruming politikang likmuan ng tampalasan?
Lakandiwang ngayong gabi’y may anyayang mahinusay,
Kung ako ay tinatanggap, handa ako sa tulaan.
LAKANDIWA:
Malugod kang tatanggapin
kung ang iyo ngayong dala
Ay kampilan ni Balagtas at tulaing magaganda;
Umakyat ka sa tanghalan at sabihin kung sino ka,
Saka dito’y ipagtanggol ang panig mong buong-sigla;
Kung ikaw ay desididong sa tulaa’y lumusob na —
Hinihiling ko sa madla'y palakpakang masagana.
HINDI DAPAT: (Sa ibabaw ng tanghalan
– Pagpupugay)
Mula ako sa Batangas, mga
lipi ng Tagalog
Sa ang tula’y inaawit kung ang puso’y nadudurog;
Ang ngalan kong isinuga ng tadhana sa bulaos
Ay si Lamberto B. Cabual na binubo sa pag-irog;
Ang tanong ng Lakandiwa’y sasagutin kong masinop:
Aayaw ko na si Pacquiao sa halala’y manibulos!

LAKANDIWA:
Yamang dito’y
may makatang kapwa handang manaludtod
At ibig na magpasiklab sa maraming nanonood;
Itong panig nitong Dapat ang una kong itatampok
Na si Manny ay tulutang sa halala’y makilahok;
Sa pagtindig ni Pulmanong may giting at lakas-loob,
Palakpakang masigabo ang sa kanya ay isuob.
DAPAT: (Unang Tindig)
Sa ilalim ng Saligang
Batas nating umiiral,
Ganito ang nakasaad na tadhanang buong-linaw:
Hindi pwedeng maihalal na pangulo ang sino man,
Maliban kung siya'y isang Pilipino nang isilang;
Botante syang rehistrado, Pilipinas ang tirahan,
At marunong na magsulat at magbasa... Si Pacquiao yan.
Sinadya ng nagsiugit ng sagradong Konstitusyon
Na bigyan ng tsansang patas ang sino mang may ambisyon;
Na maglingkod sa gobyerno at maluklok sa posisyon,
Mahirap man o mayaman, kapos man o sobrang dunong;
Pwede kahit ang artista, aktibista, manananggol,
Ekonomist, boksingero, o anchor
ng TV Patrol.
Kaya ako'y nagtataka sa makata ng Batangas
Na hindi ko mapagwari ang punto ng pagbabargas;
Ang People's Champ
ibig ko ngang sa halalan mamayagpag,
Ngunit hindi bilang bokser sa kasino ng Las Vegas;
Kung di bilang Filipino, res'dente ng Pilipinas
At botanteng marunong din sa pagbasa at pagsulat.
Si Manny pag nagtampisaw sa maruming politika
Ay may mga nangangambang matutulad na rin siya
Sa maraming politikong pagnanakaw inuuna,
Para itong isang sakit na matinding makahawa;
Ang alin mang karamdaman, pag ginamot, may pag-asa,
Subali't kung pabayaan, pwedeng maging epidemya.
Alalaon baga, bunying katunggali, kung paano
Ang labadang marurumi, sa halip na iwasan mo,
Ay harapin mo at labhan, gamitan ng pampabango,
Gayon din ang ating bansang nalulugmok sa impyerno;
Kailangan ang matino, matapang at may prinsipyo,
At si Manny 'Pacman' Pacquiao ang angkop na kandidato!
LAKANDIWA:
Unang tindig ni
Pulmano’y may hagupit na panggulat
Sa katalong sa tingin ko’y nakadukmo sa pag-ilag;
Nguni’t ako’y may akalang may sa-palos kung umiwas
Ang magiting na makatang nagbuhat pa sa Batangas;
Sa pagtindig ni Cabual sa pagaspas ng habagat,
Ang hiling ko’y palakpakang atikabo’t walang kupas.
HINDI DAPAT: (Unang Tindig)
Hindi ako nambabargas,
lalong hindi naabuso
Sa takbo ng politikang itinatag ng gobyerno;
Di rin ako tumututol sa marangal na katalo
Na Saligang Batas nati’y may tadhanang makatao;
Nguni’t, bayan, mag-isip ka…ang tsampyon bang
boksingero
Ay may batas na gagawin kung mahalal sa Kongreso?
Si Pacman man ay kilala…boksingerong may kalidad,
Idolo ko’t idolo rin nitong aking kabalagtas;
Ang mundo ng boksingerong may tagumpay na matatag,
Sa mundo ng politika’y lupa’t langit yaong agwat;
Kung siya ma’y may kamaong parang lintik kung ibigwas,
Pagpasok sa politika’y bangkay siyang maaagnas!
Ang lengwahe ng kamao at lengwahe niyang dila
Ay larangang magkaiba’t magkalayong di kawasa;
Talumpati sa Kongresong matalisik at madiwa
Ay iba sa pambubuntal ng kamaong walang sawa;
Boksingero’y sampay-bakod, kumbaga sa manunula,
Sa bulwagan ng batasang politika ng hiwaga.
At si Manny ay lumaki sa pagsasanay ng boksing,
Nagbuhos ng kakayahan at tiyagang buong-giting;
Oo, siya’y nagpunyagi’t ang tagumpay nang sapitin
Ay inulan ng papuring bantayog ng dangal natin…
(Bawa’t tao’y kanya-kanya ng maselang na tungkuling
Itinakda ni Bathalang masinop na talimahin.)
Ganyan din ang politikong hinuhubog ng panahon,
Simula sa pagkabatang maghanda sa kanyang misyon;
Kung matukso’t magahaman sa salaping sangkabunton,
Mananagot siyang tiyak pagdating ng Armagedon;
(Manny Pacquiao, makinig ka: “Politika ay patibong—
Lumagi ka, sa boksing mong biyaya ng Panginoon!”)

LAKANDIWA:
Ibig yatang magkahalo ang
balat sa tinalupan,
Nang tumindig ang makatang napatanyag sa Batangan;
Nguni’t itong kabalagtas na may dupil sa tulaan,
Tila ibig nang sumagot at gulpihin ang kalaban;
Sa pagtindig ni Pulmanong may unos na tangan-tangan,
Palakpakan natin siya’t sa pagtula’y nang ganahan.
DAPAT: (Ikalawang Tindig)
Unang banat pa lang nitong
kalaban kong may amnesia,
Nalimutan na kaagad kung ano ang aming tema;
Anya, bayan, kung si Manny ay mahalal, mag-isip ka...
Aba, bayan, pagboto mo't di pagboto'y bahala ka!
Iya'y iyong karapatan, ang kay Manny nama'y iba:
Dapat ba s'ya o di dapat pumasok sa politika?
Magkaibang lubha, ayon sa makatang Batangueño,
Lengwahe ng kongresista't lengwahe ng boksingero;
Sa interbyu, kahit Ingles ni Manny ay kumakanto,
Nakatigil, nakatutok sa TV ang buong mundo;
Beteranong mambabatas kaygagaling magdiskurso,
Ngunit sino'ng nakikinig? At sino ang may respeto?
Malabis na minaliit ng katalong mapangutya
Ang purol ng pag-iisip ng idolo nating madla;
Mga turo ng Bibliya nalimutan na rin yata
Na ang tunay na talino sa Maykapal nagmumula;
Si Manny ay maka-Diyos, di n'ya ikinahihiya
Ang magdasal di gaya ng mga trapong walang hiya!
Sa tanong ng kalaban kong "Ang tsampyon bang boksingero
Ay may batas na gagawin kung mahalal sa Kongreso?"
Sa aklat ng Lumang Tipan, sa bahagi ng Eksodo,
Bukod pa sa Sampung Utos, may iba pang libu-libo;
Na batas na naisulat, alam mo ba ng kung sino?
Si Moises na isang pastol, gabay niya'y Diyos mismo!
LAKANDIWA:
Lumalao’y
gumaganda itong ating Balagtasan,
Kaya ako ay titigil na lagi na sa pagitan;
Papagitna lamang ako kung talagang kailangan,
Nang di sila maabala sa maalab na sagutan;
Ang titindig ngayong muli sa pagbigkas na mainam
Ay si Cabual ng Batangas — palakpakan ang ialay.
HINDI DAPAT: (Ikalwang Tindig)
Hindi dapat na manangan sa
pagiging isang tanyag
Ang idolong boksingero nitong ating bansang liyag;
Kabalagtas, ilingap mo ang pananaw at magmatyag
Na boksing at politika’y parang sagang walang tapyas;
Boksing ngani ay mapula nguni’t itim ang kabiyak,
Ang ulap ng politika ay kay Manny magbabagsak.
At sapagka’t sa botante’y marami pang
dungo’t mangmang,
Si Pacquiao ay maaaring sa eleksyon magtagumpay;
Kung sakaling mananalo: anong ating aabangan —
Ang gagawin kaya’y ano sa Kongresong kalalagyan?
Mga pagak na artistang nahalal sa katanyagan —
Kabilang na siya roon — na malimit pagtawanan!
Sa Senado’t sa Kongreso ang “Artista” ay
tama na,
Huwag nating pabayaang komedyante…dagdagan pa;
Kung si Manny ay may budhing makabayang sumisinta,
Di na siya magmimithing sa halala’y mag-abala…
(Sa distrito-politikal ng Mindanao na kay sigla,
Ay ano ba ang gagawing pamalakad na maganda?)
Manunungkulan ba siya sa tulong ng tagapayo
At bungkos ng alipores na kampon ng mga tuso?
Sila-sila’y may adyendang pansariling itotodo —
Baligho ang mangyayari…magboksing man sa Kongreso!
(Si Pacquiao ay pagpugayan bilang bidang boksingero,
Subali’t sa politika…batuhin ng mangga’t
puto.)

DAPAT:
(Ikatlong Tindig)
Marami ngang dungo't
mangmang sa botanteng mamamayan,
Marami ang nabibili ng salaping kumikinang;
Marami rin ang may utang na loob na tinatanaw,
At maraming hindi hamak ang uhaw sa katarungan;
Kahinaan ng lipunang sinasamantala naman
Ng pinunong tanging hangad sarili ang paglingkuran.
Ito'y mga kahinaang naghahanap ng unawa,
Kahinaang humihingi di ng limos o ng awa;
Kahinaang naghihintay ng matapat na kalinga,
Kahinaang si Pacquiao lang ang pag-asa nitong bansa;
Isang bansang nananabik maibalik ang tiwala,
Sa gobyernong malaon nang ang dangal ay nawawala.
Bakit silang mga dungo at mangmang ay pumapatol
Sa artista't boksingerong kapwa nila di marunong?
Sa kanila nasisilip ng botanteng nagugutom
Ang pag-asang di matanaw sa henyong administrasyon;
Kahit hungkag na pag-asang bunga lamang ng ilusyon,
Kapalit ng nakaupong hanggang buto ang korapsyon.
HINDI DAPAT: (Ikatlong Tindig)
Kung si Manny ay talagang
may hangaring makatulong
Sa bansa at kababayang nakaharap sa daluyong;
Limutin ang politika! Bumuo ng isang layon
Na magtayo ng Youth
Center na sa bayan nauukol;
May karate, boksing, tenis, paglalangoy at basketbol —
Kompleto sa pasilidad — ako’y diyan kasang-ayon.
Sa ganito’y malalayo ang kumpol ng kabataan
Sa hibo ng bisyo, droga, basag-ulo’t kahalayan;
Magagawa niya ito…tutulong ang karamihang
Foundation sa ating bansang makatao’t makabayan;
(Hindi ba’t sa Paranaque, Training Center ay
kay inam,
sa sikap ni Flash Elorde, sa boksing din hinangaan?)
Di naabot ni Elorde ang kay Pacquiao na naabot
Sa tugatog nitong boksing na tila ba gintong bundok;
Subali’t si Flash Elorde ay may diwa’t niloloob
Na sa baya’t kabataan magmalasakit nang lubos…
(Di pagtulong ang kay Pacquiao na hangaring binubunsod,
Manapa’y self-aggrandisement—parang
matsing naglalagot!!!)
DAPAT:
Maganda ang panukala at
payo ng kabalagtas,
Yan nga'y kaya niyang gawin, ngunit bakit tinatagpas;
Bakit nililimitahan ang kaniyang abilidad?
Bakit tanging ang pagiging boksingero'y itatatak?
(Siya nama'y may talento sa iba ring kapasidad,
Rekording nya't pelikula'y tinangkilik din ng lahat!)
Kung siya ay nanatiling boksingerong pang-amatyur,
Di nagsikap na maging pro
at umakyat ng dibisyon;
Kung siya'y di pinayagang sa kanbas ay makatuntong,
Walang Manny Pacquiao tayong bayani ng buong nasyon;
Ganyan din sa politikang masusubok lang ang bisyon,
Kung hindi mo pagkaitan ng tsansa't pagkakataon.
HINDI DAPAT:
Tsansa at pagkakataon?
— nakuha na niyang lahat,
Nang magboksing, mag-artista't mag-commercial
na palabas;
Ayaw pa ba naman niya sa tayog ng pagkatanyag?
At gusto pa na sa langit ang kapritso’y makalampas;
(Samantalang itong bayan — ibong sawing umiiyak,
Kasakimang bagamundo’y may parusang nakagayak.)
Sa ngalan ng politika’y hindi lamang yaong puso
Ang marapat na ibigay sa kabayan at kabaro;
Kailanga’y self-expression
— kakayahang katutubo —
Si Pacquiao ay wala niyan, totohanan man o biro;
Di ko hangad na ang tanyag na si Manny — mabalaho,
Ihahantad ng kalaban kapintasan niya’t baho!
DAPAT:
Hindi siya naghahangad ng
higit pang katanyagan,
Nais lamang makatulong sa bayan nyang minamahal;
Kapintasan niya't baho di na dapat pagpistahan
Na tila ba mas matino ang maraming iba riyang
Mapoporma, magagaling, mahuhusay, mararangal,
Ngunit sobrang mangurakot at ang mukha'y makakapal!
HINDI DAPAT:
Ang mukha nga ay kakapal
kapag laging ipipilit
Si Pacquiao sa politikang may tala nga’y walang langit;
Walang salang masisira ang imahen niya’t kisig,
At sa hangad na kagitna ay sansalop ang mapalis;
Masasayang ang inimpok na dignidad at dolyares
Ng idolo nitong lonang parisukat na malinis.

DAPAT:
Si Manny ay nagkukusang
masagip ang Pilipinas,
Ikaw nama'y mas pursiging si Pacquiao ang mailigtas;
Gumastos man sa kampanya si Pacman ng limpak-limpak,
Sa sariling pawis mula at di galing sa kulimbat!
HINDI DAPAT:
Di man galing sa kulimbat,
ang salapi’y masasayang,
Kung gastusin sa kampanyang may nag-ambang kasalanan;
Gugulin na ang dolyares sa proyektong maiinam
Na para sa mga dukha’t di sa bugok na halalan.
DAPAT:
Proyektong mas matutupad
pag si Manny ay nahalal,
Bilang meyor, gobernador, na pwesto ring politikal.
HINDI DAPAT:
Politikal niyang pwesto
kung ano mang kahinatnan,
Pipingas sa dangal niya at sa ating kabansaan.
DAPAT:
Dating dukha, ramdam niya
ang dusa ng mamamayan,
Simbolo sya ng pag-asa ng sikmurang kumakalam.
HINDI DAPAT:
Kumakalam na sikmura'y
patay-mali sa pag-asam,
Tinatanaw na simbolo – bantayog ng dusa't panglaw!
DAPAT:
At kanino pa aasa ang
mahirap? Sa mayaman?
Sa matayog yaong aral kahit na nga mapanlamang?
HINDI DAPAT:
Kung si Manny ay idolong
pag-asa ng karukhaan,
Hindi dapat na "pagamit" sa kuhila’t salanggapang.
DAPAT:
Silang sukab, salanggapang
at sipsip ang pagbawalan!
HINDI DAPAT:
Pagbawalan mo si Manny sa
hibo ng kahibangan!
DAPAT:
Makulit ka! Kung gusto mo,
tayo na lang magsuntukan!
HINDI DAPAT:
Ang suntok ng
Batanggenyo’y simbagsik ng bulkang-Taal!
DAPAT:
Iboto si Manny Pacquiao!!
HINDI DAPAT:
Ang isip mo’y
baliw…hibang!!!
LAKANDIWA:
Magsitigil kayo ngayon
kung ayaw na mahambalos,
Imisin ang mga kalat, bibilangin na ang puntos;
Lumalalim na ang gabi at kayo na'y namamaos,
Baka tayo abutin pa ng manok sa pagtilaok;
Kababayang kanina pa matiyagang nakatutok,
Paulanan ng palakpak ang dalawang nagpanuntok.
Alin man sa politika at boksing ay mayrong dangal
Ngunit knockout
kapag sila'y kombinasyong pinagsabay
Pagkat hindi maaaring paglingkuran ng sino man
Ang dalawang panginoon sang-ayon sa Bagong Tipan
Ang panahong gugugulin sa gobyrerno pag nahalal
Hindi pwedeng isisingit sa ensayo twing may laban.
Sa boksing ang buong bansa – sundalo man o rebelde,
Oposisyon o pro-Gloria – napag-isa na ni Manny;
Pati mga mandurukot at pulis na nanghuhuli,
Sa TV ay nakatutok, tahimik ang bawat kalye;
Ang ganitong di nagawa ng sibilya't militari,
Parang bulang sasambulat sa eleksyon kung sasali.
Naiangat na ni Pacquiao ang imahe nitong bansa,
Huwag sanang matukso pang mag-anyaya ng pagkutya;
Bayani na siya ngayon sa mata ng buong madla,
Huwag sanang magpasulsol sa kati ng ibang dila;
Nguni't ako'y nalilihis sa tungkuling nakatakda
Bilang isang tagahatol sa dalawang nagpambangga.
Si Pulmano ang may sabing sa usapang nakalahad,
Paglahok sa pulitika ni Pacquiao ay nararapat;
Ito nama'y tinutulan ni Cabual na hindi payag,
Dahil ayaw anya niyang idolo ay mapahamak;
Sino nga ba sa kanila ang higit na nakaangat,
At dapat na maging kampeon sa labanang walang puknat?
Atin muling sariwain ang katwirang isinaysay,
Ng makatang taga-Biñan na Dapat ang pinanigan;
Si Pacquiao daw ay simbolo ng pag-asang di matanaw
Ng botanteng nangangarap maahon sa karukhaan;
Di raw sagwil sa hangaring maglingkod sa kababayan,
Ang alam na kakarampot dahil Diyos ang gagabay.
Niliwanag ni Rafael na ang paksa'y nakatuon
Sa kung dapat o di dapat na lumahok sa eleksyon;
O pumasok sa politics
si Pacquaio na boxing
champion
Na aniya'y karapatang personal ng may ambisyon;
(Kung dapat o hindi dapat iboto sya'y ibang tanong,
Na botanteng mamamayan naman anya ang hahatol.)
Karapatang magsumiksik sa tanggapang politikal,
Konstitusyon mismo natin malinaw daw na sandigan;
Paggalang ng mga tao kay Manny ay gayon na lang,
Maski Ingles butaw-butaw, buong mundo'y nagpupugay;
Sa halip na awatin sya dahil baka "gamitin" daw,
Silang mapagmanipula ang dapat na ipagbawal.
Panig naman ni Lamberto ng Batangas na nagtanggol,
Sa Di Dapat ang katwirang busisiin natin ngayon:
Sa larangan daw ng boksing si Manny nga'y isang kampeon,
Subali't sa politika magmumukha siyang kengkoy;
Hindi na raw kailangang maghangad pa ng posisyon,
Kung talagang nais lamang sa bayan ay makatulong.
Mga proyektong pang-isports ang dapat daw pagtuunan,
Sa halip na politikang patibong sa kanyang dangal;
Binanggit na halimbawa'y Flash Elorde ng nagdaan
Na nagsikap makatulong ilayo ang kabataan
Sa bitag ng mga bisyong naglipana sa lipunan,
Itinayong Training
Center, marami ang nakinabang.
Kahit na raw makatao ang saligan nating batas,
Ang boksing at politika ay lupa't langit ang agwat;
Ang bagsik ng kamao nyang mabangis at walang habag,
Sa larangan ng suntukan ay di pwedeng ipantapat;
Sa talas ng pag-iisip at dulas ng pangungusap
Na puhunan sa kongreso ng hinog na mambabatas.
Tungkulin kong Lakandiwang sa nagtalo ay igawad
Ang hatol na mahalaga nang maingat na maingat;
May matuwid si Rafael sa pagtulang mabanayad
Na si Pacquiao sa halalan ay tumakbo at mangarap;
Nguni't dito kay Lamberto na ang diwa'y nagniningas,
Katwiran din na si Manny sa eleksyon ay di dapat.
Anupa nga't wala akong maitulak at kabigin,
Kapwa sila may magandang ninanasa at layunin;
Nangangamba tuloy akong ang sinuma'y siphayuin,
Pagkat baka mapintasan at bansagang walang turing;
Ang hiling ko'y palakpakan sila't huling tagubilin
Ay kayo na ang humatol – ang mabuti ay pulutin!
PAMAMAALAM:
Sa nakalipas na mga sandali ay sumainyo ang...Balagtasan! Magpadala ng
inyong hatol sa Balagtasang ito...At habang papalayo ang kumakaway
naming mga kataga...alalahanin nating ang masining na Filipinas ay
mayaman sa Balagtasang walang kamatayan. Salamat sa inyong
pakikinig...

PAKINGGAN ANG BINIGKAS NA
BERSIYON
IKAW,
KABAYAN... ANO ANG IYONG HATOL?
Mag-email
sa amin ng iyong opinyon
HATOL
NI JOJO

let him find out for himself.
nobody knows manny than himself.
Manny, manny, manny... for Congress!
Jojo Pulmano
Micronesia / July 7, 2009 - via Facebook
HATOL
NI SHIELA

he shouldn't...mag-boxing na lang sya..
Shiela Marie Oliverio
Micronesia / July 5, 2009 - via Facebook
HATOL
NI EMMA
I think
Manny should leave the politics alone. He may or may not be a good
polotician, his intention might be good, but he will be surrounded by
corrupt people. Baka mahawa pa siya...He doesnt need the money, but tingnan
mo naman ang mg politician natin, maski mayaman pa sila eh panay panay
pa rin ang pang kurakot nila.
Maybe if he is in a country where there is no corruption baka
puwede pa and his name
will not be tainted by corrupt people around him.
We never know, maybe Manny will be good for the Phillipines. But every
politician starts with a good intention but gets lost along the way,
gets swept by the wave or maybe the tsunami of corrpution. Sabi
nga ni isang artista diyan sa
comedy na napanood ko:
birds of the same feather, makes a good feather duster...hindi
na birds of the the same
feather flock together.
Emma Barclay
Australia / June 22, 2009 - via Yahoo! Group forum
HATOL
NI JOSEPHINE
Kahanga-hanga ang mga
talento ninyo sa
pagkatha ng tula na bihirang talento na sa ngayon. Sana
maiparating
ninyo kay Manny Pacquiao...para maging gabay niya sa pagdedesisyon niya
at pakisama na din sa pagpaparating sa kanya ang aking "Open Letter To
Manny Pacquiao,"
paano nga ba natin maipararating? Kasi sayang
lang na tayo lang ang makakabasa, mas dapat kasi si Manny Pacquiao ang
makabasa nitong mga malasakit nating payo sa kanya...ang opinyon ko
ay mas dapat siguro hindi na niya pasukin pa ang
politika...hindi
naman iyon sa paghamak sa kanyang kakayahan sa larangan ng
politika...Boksing ang special
talent na ibinigay sa kanya ng Diyos,
kaya iyon ang gamitin niya...Sabi nga, stewards tayo ng
mga talentong
ipinagkaloob sa atin ng Diyos a iba-iba sa bawat tao, wag tayong maging
sakim na lahat ay pasukan...Pagyamanin natin ang sadyang
ibinigay...bagama't hindi din naman maling sikaping lahat ng talento ay
may matutunan tayo kahit tag kakaunti nuong wala tayo...sa palagay ko,
the best we can do is
find our real talents to steward productively for
God's glory and God will take care of the rest...
Josephine Castelltort-Jaylo
Philippines / June 21, 2009 - via Yahoo! Group forum
HATOL
NI RAMIL
Maganda ang paksa at napakahusay ng tagisan,
Kaya mahirap pumanig at pumagitna sa timbangan
Ngunit bantulot man akong humatol sa balagtasan,
Sa bansa ay tungkulin ko ang magpahayag, makialam
Baka sakaling makatulong at kanilang pagbatayan
Payo sa mga botante at sa idol ng bayan.
Sa balagtasa'y panig ako kay kabayang Cabual,
Na sa pagtulong di kailangang ikaw ay mahalal;
Maraming paraan ng pagtulong at pagmamahal,
Ngunit hindi na kabilang ang kabulukang politikal
Lingkod daw ng bayan kung magyabang at dumaldal
Sa totoo'y mga ganid, mga linta at pusakal!
Kung si Pacman ay matatag sa sariling prinsipyo
At tunay na hangarin ay makatulong, magsakripisyo,
Huwag syang magpagamit sa mga trapong politiko,
Maglingkod at tumulong kahit wala sa kongreso;
Di naman kumandidato mahuhusay na pilantropo
Ngunit di matatawaran ang tulong sa madlang-tao!
Elepanteng lumilipad, nakakatakot panoorin,
Asong sumisiyap, kumakahol naman si muning
May dahilan ang langit sa bawat katangiang angkin
Si Manny Pacquiao ay nakalaan sa larangan ng boksing
Yun ang biyaya sa kaniya at dun siya magaling
Politika ay iwaksi na, hoy Pacman aba'y gising!
Ramil
Ilagan
Micronesia / June 13, 2009 - via email
HATOL
NI BHENG
Tila hindi gaanong nasakyan ng panig ng DAPAT ang paksa, o sinadya niya
itong hindi sakyan, upang magkapuntos sa pangangatuwiran.
Kapos sa
puntos ng katuwiran ang nagnanais na makalahok si Pacquiao sa
politika. Totoo ang sinabi ng Lakandiwa na si Manny ay
magmumukhang
Kenkoy kung sakali man at mananalo siya sa halalang 2010.
Hindi siya
pampolitika; sa boksing siya talagang nauukol. Sa kapakanan
niya at sa
ikabubuti ng ating bansa, huwag na lamang gatungan pa si Pacquiao na
pumalaot sa halalan 2010. Siya'y totohanang magiging banyaga
at
maliligaw ng landas sa larangang ito. Ayaw lamang marahil na
makasakit
ng Lakandiwa ng ego ng sinuman sa dalawang makata, nguni't sa takbo ng
kanyang pananaludtod sa paghatol, sa wari ko'y gusto niyang papanalunin
ang panig ng HINDI DAPAT. Kinakatigan ang panig ng Hindi Dapat sa
kanyang mga katuwiran sa madiwa at masining pagtula.
Belen
"Bheng"
Arellano
London / June 12, 2009 - via email
IKAW,
KABAYAN... ANO ANG IYONG HATOL?
Mag-email
sa amin ng iyong opinyon
KUNG
KAMI ANG TATANUNGIN Aral
at Ligaw | Boksingerong
Anak | Diborsyo sa Pilipinas
| Hiling ng Magulang
| Kapisan sa Bahay ang Biyenan
| Matalino vs. Mayaman
| Pag-asa ng Bayan |
Paglahok sa Pulitika
|
Pagsasabi ng Totoo
|
Panghihimasok sa Buhay ng
Iba |
Pangingibang-Bansa
|
Pagsasawalang-Kibo ng Naaapi
|
Pusher na Kaibigan
|
Tahanan vs. Paaralan
KAYO,
BAYAN, ANG MAGPASYA! Babae
ang Manliligaw | Bakla
sa PNP |
Bata
at Pamalo |
Dagdag
na taon
sa Haiskul | Kapit
sa Patalim |
Katotohanan
sa Pamamahayag |
Maganda
vs. Pangit |
Mahal
Mo vs. Mahal Ka |
Pagkakaisa
ng mga Pilipino |
Pakialam
sa Pag-ibig ng Anak |
Pakikihalo
ng Matanda sa SK