Site menu:

 



NAPAPANAHON
Si Manny Pacquiao at ang Politika
People Power vs. GMA?

KUNG KAMI ANG TATANUNGIN
Aral at Ligaw
Babae ang Magtatapat
Boksingerong Anak
Diborsyo sa Pilipinas
Hiling ng Magulang
Kapisan sa Bahay ang Biyenan
Matalino vs. Mayaman
Pag-asa ng Bayan
Paglahok sa Pulitika
Pagsasabi ng Totoo
Panghihimasok sa Buhay ng Iba
Pangingibang-Bansa
Pagsasawalang-Kibo ng Naaapi
Pusher na Kaibigan
Tahanan vs. Paaralan


KAYO, BAYAN, ANG MAGPASYA!
Babae ang Manliligaw   
Bakla sa PNP
Bata at Pamalo
Kapit sa Patalim
Katotohanan sa Pamamahayag
Maganda vs. Pangit
Mahal Mo vs. Mahal Ka
Pagkakaisa ng mga Pilipino
Pakialam sa Pag-ibig ng Anak
Pakikihalo ng Matanda sa SK

  SEND EMAIL

 

THANKS TO OUR SPONSORS





ads - group 5
ads - group 6
NAPAPANAHON  Si Manny Pacquiao at ang Politika  |  People Power vs. GMA?
KUNG KAMI ANG TATANUNGIN  Aral at Ligaw  |  Babae ang Magtatapat  |  Boksingerong Anak  |  Diborsyo sa Pilipinas  |  Hiling ng Magulang  |  Kapisan sa Bahay ang Biyenan  |  Matalino vs. Mayaman  |  Pag-asa ng Bayan  |  Paglahok sa Pulitika  |  Pagsasabi ng Totoo  |  Panghihimasok sa Buhay ng Iba  |  Pangingibang-Bansa  |  Pagsasawalang-Kibo ng Naaapi  |  Pusher na Kaibigan  |  Tahanan vs. Paaralan  
KAYO, BAYAN, ANG MAGPASYA!  Babae ang Manliligaw  |  Bakla sa PNP  |  Bata at Pamalo  |  Dagdag na taon sa Haiskul  |  Kapit sa Patalim  |  Katotohanan sa Pamamahayag  |  Maganda vs. Pangit  |  Mahal Mo vs. Mahal Ka  |  Pagkakaisa ng mga Pilipino  |  Pakialam sa Pag-ibig ng Anak  |  Pakikihalo ng Matanda sa SK  


BATA AT PAMALO

Dapat ba o hindi dapat na paluin ang bata?

DAPAT BA O HINDI DAPAT NA PALUIN ANG BATA?


Mula sa panulat ni:
BERT CABUAL


Balagtasang Itinanghal sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wika
sa Bulwagan ng Centre For Filipinos sa London, UK.

Mga nagsiganap sa Balagtasan:
Dapat:  Estela Vasquez-Nalden
Hindi Dapat:  Fely Corcochea
Lakandiwa:  Bert Cabual



LAKANDIWA

Magandang gabi po, bati kong magiliw
sa nangatitipon ngayong panauhin…
Paksa: “Na ang batang minamahal nati’y
dapat ba o hindi dapat na paluin?”

Katanungan itong nais bigyang-linaw,
kaya ngayong gabi ay may Balagtasan;
ang mga makatang dito’y napipisan,
sa ngalang pagtula’y inaanyayahan.



HINDI DAPAT (Panawagan)

Paanyaya ninyo, bunying lakandiwa,
ay tinutugon ko nang bukal sa diwa;
nais kong ihayag at ipaunawang
ako’y tumututol paluin ang bata.



DAPAT (Panawagan)

Aming Lakandiwang kapita-pitagan,
sumasagot akong handa sa tulaan;
ang batang suwail sa mga magulang,
dapat na palui’t nang maging magalang.


LAKANDIWA

Mga manunulang kawal ni Balagtas,
ang paanyaya ko’y inyong tinatanggap;
yamang sa pagtula’y gustong magpasiklab,
kaya sa tanghala’y halina’t bumigkas.


(Lalapit sa tanghalan ang magtatalong mga makata.)


HINDI DAPAT  (Pagpupugay)

Ako ay si Fely, mga kababayan,
tubo sa Banaba, San Mateo, Rizal;
bagaman at dukha ang mga magulang,
hataw ng pamalo’y di ko naranasan.


DAPAT  (Pagpupugay)

Kung tawagin nila ako’y si Estela,
Taga-nayong-Arab ng Pidigan, Abra;
minulan kong angkan ay nakikilala,
dahil sa pamalo na pandisiplina.



LAKANDIWA    Binibiro tayo ng Inang tadhana na ang magtatalo'y kapuwa diwata...

Binibiro tayo ng Inang tadhana
na ang magtatalo’y kapuwa diwata;
mga paralumang ganda’y pambihira,
nguni’t may kampilan sa isipa’t diwa.

Kaya’t dal’wang panig ang magtatagisan
sa napapanahon nating Balagtasan;
magulang at anak ditong napipisan,
magsigising kayo’t pulutin ang aral.

Sa naritong madla’y unang ihahatid,
panig ng Di-Dapat na ngayo’y titindig;
Fely, tulain mo ang iyong matuwid
na sa bata’y subyang ang palong malupit;
(ang hiling ko naman madlang nakikinig,
palakpakan ninyong sa kaba’y pamatid.)


HINDI DAPAT (Unang Tindig)

Ayaw kong ang bata’y saktan at paluin,
iyang pamamalo’y tinik sa damdamin;
batang sinasakta’y nagmamatampuhin,
nagiging rebelde’t mahinanakitin.

Hangad kong ang bata’y lumaking magalang
sa mga kapatid at mga magulang;
sa halip palui’y ating pangaralan
ng gawang mabuti’t kagandahang-asal.

Latay ng pamalo ay bakas ng galit
na ibinubunga’y lumbay at panangis;
marahas na palo ay hampas ng langit
sa musmos na puso at mura pang isip.

Hangal na magulang ang di mahahabag
sa giliw na bunsong luha’y pumapatak;
kung sa isang sabi’y di sumunod agad,
yakapin ang bunso’t akayin sa sipag.

Sa aking palagay ay hindi pamalo
ang makagagaling sa paslit na puso;
kinakailanga’y lambing at pagsamo
na di magbabawang dakilang pagsuyo.
   
Katotong Estela, hiling ko’y baguhin
ang panukala mong ang bata’y paluin;
pamalo’y itapon, at ating isiping
pag-ibig sa anak ang tanging pansupil.


LAKANDIWA

Unang pagkatindig ni Fely ng Rizal,
ibig nang gipitin ang kanyang kalaban;
nguni’t si Estela’y aking nalalamang
hagkis ng katalo ay kayang ilagan.

Kaya sa pagtindig, Estela’y tugtugin,
nota ng tula mong may ganda’t taginting;
kudyaping antigo’y iyong kalabitin,
sa Dapat Mamalo’y lagutin ang bagting;
(madlang manonood, ang akin pong hiling
ay palakpak ninyong sa puso’y pang-aliw.)


DAPAT  (Unang Tindig)    Ang panig ko'y akin munang lilinawing di lahat ng bata ay dapat paluin...

Ang panig ko’y akin munang lilinawing
di lahat ng bata ay dapat paluin;
sa ulirang bata’t tubong masunurin,
ang palo’y taliwas sa usapan natin.

Biyaya at lugod sa isang tahanan
ang masuyong anak sa mga magulang;
tila anghel silang mapananaligan
sa magandang kilos at pamimitagan.

Dapat ang pamalo sa batang suwail
at ayaw makinig sa sabing magaling;
kung sa pagsigaw mo ay sumisigaw rin,
kunin ang latigo’t iyong hagupitin.

Magulang sa mundo’y may pananagutang
ituwid ang anak sa buktot na asal;
ang hindi makuha sa santong dasalan
ay dapat kuhanin sa santong paspasan.

Tamad kang magulang at wala kang buto
 kung di mo mahubog ang mga anak mo;
 isang kahihiya’t batik ay sa iyo
 ng anak mong lisyang pasanin ng mundo!

Katalo, palad mong dapat ikagalak,
kung sa iyong angka’y walang naging liyas;
kung kapalaran mong may sutil na anak,
hahambalusin mo ng palong malakas


LAKANDIWA

Pipigilin ko po munang mamagitan,
nang di maabala ang pagsasagutan;
akong lakandiwa’y papagitna lamang
kung talagang ako’y kinakailangan.

Ngayo’y ikaw Fely ang muling bibigkas
ng katuwiran mong pamalo’y di tumpak;
palo ni Estela’y pag di mo nasalag
ay  masasawi ka’t talunang lalabas;
(pagtindig ng ating makatang marilag,
salubunging muli ninyo ng palakpak.)
                   

HINDI DAPAT  (Ikalawang tindig)    Dapat daw palui’y suwail na bata, kawawa na’y lalong gagawing kawawa!

Nagturing ang aking bunying kamakata,
nang ang panig niya’y ating maunawa;
dapat daw palui’y suwail na bata,
kawawa na’y lalong gagawing kawawa!

Mag-isip ka muna kung ang bata’y pilyo,
bago mo lapatan ng iyong latigo;
kapag kaharap ka’y maamong kordero,
dapwa’t maghuhudas pagkatalikod mo.

Kung sa angkan namin ay may mga anak
na kung sa balatong ay masamang liyas;
sila’y parang tupang naligaw ng landas
na dapat hanapin ng matang may habag.

At sa paghahanap kung matatagpuan,
sila’y yayakaping buong pagmamahal;
nangangako kaming sila’y di sasaktan
ng pamalong lagim ang kahihinatnan.

Ang pananaguta’y taglay na parati
ng mga magulang sa anak na kasi;
nguni’t patawari’t ayaw kong sumali
sa santong paspasang iyong sinasabi.

Matanong nga kita, Estelang katoto,
kung ang anak mo ba’y mapabasagulo –
gugulpihin mo ba’t ikakalaboso,
kung may katarunga’t siya’y may prinsipyo.
 

DAPAT  (Ikalawang Tindig)

Kung sa basag-ulo, bunso ko’y masangkot –
ang puno at dulo’y titingnan kong lubos;
kung ang katarunga’y kanyang sinusunod,
parurusahan ko ang dapat managot.

Sa himig ng iyong mga paghahayag,
ang tinuturol mo’y alibughang anak;
nang maglayas siya’t maligaw ng landas,
matapos magsisi, ang ama’y nagalak.

Nawalay na tupa’y mahal din ng pastol,
parabulang batid natin hanggang ngayon;
ang kawan sa mundo ng bagong panahon,
sa tulong ng tungkod ay itinataboy.

Hampas ng tadhanang masakit matanggap,
kung kaurali mo ay palalong anak;
sa pagpapalayaw ay nag-asal tunggak,
likong pagmamahal, ayon kay Balagtas.
                                     
Kung nangangaral ka sa anak mong tuso,
aral mo’y ubos na …. ayaw pang magbago;
kung di natatakot sa iyong latigo,
baka mo ibili ng BMW!


HINDI DAPAT

Ang BMW… hindi kailangan,
ang makabubuti’y pag-ibig na tunay;
luma mong pamalo’y iyong kalimutan,
nang ang iyong bunso’y maging kaibigan.

Kung walang pamalo’y wala nang luluha
na ipagsisimpi ng musmos na diwa;
sa ating panaho’y daming mga bata,
dahil sa pamalo, napapariwara.


DAPAT

Napapariwara?  Hindi mo ba batid,
ang laki sa layaw ay may samang hatid;
sa droga’t sa alak daming nabubulid,
dalagitang anak mamalaya’y buntis.

Kawawang magulang ng batang naligaw,
likong pagkahabag sa bunsong minahal;
pagkapariwara sa gawang mahalay
ay isinisisi sa mga magulang.


HINDI DAPAT

Ang mga magulang ay sinisisi nga
sa maling paraan ng pag-aaruga;
dahil sa pamalo ang bata’y tulala,
at sa dakong huli’y naging alibugha.


DAPAT

Naging alibugha nang dahil sa layaw,
sa kapuwa tao ay walang pitagan;
hindi pinapansin ang tatay at  nanay,
labis na kalinga’t sa latigo’y kulang.


HINDI DAPAT   

Sa latigo’y kulang, pagka’t ang latigo
ay wala nang bisa sa panahong ito;
                                         

DAPAT              

sa panahong itong tao’y bagamundo
ay di papansinin ang kabaitan mo.


HINDI DAPAT    

Sa kabaitan ko’y bubuti ang anak,
                                         

DAPAT               

bubuti kung siya’y takot sa panghampas;
                                         

HINDI DAPAT     

panghampas ay lagim na nakasisindak
                                         

DAPAT                

sindak sa palo ko’y aral na matatag.


LAKANDIWA

Mga binibini, hintay muna kayo,
nagsa-aso’t pusa itong pagtatalo;
sa kahinahuna’y kung di matutoto
ay baka umandar ang yantok-Mindoro.

Habang tumatagal, tila nag-iinit
itong Balagtasang tagisan ng isip;
Fely, ito ngayon ang huli mong tindig,
tula mo’y itodo sa pagmamatuwid;
(upang sa pagtula’y ganaha’t lumawig,
palakpakan, bayan, ang ipaulinig.)


HINDI DAPAT  (Ikatlo’t huling tindig)
                                            
Naririto akong napauunawa
sa mga magulang ng kawawang bata;
salbahe mang bunso’y di dapat lumuha
nang dahil sa palong hagkis ng tadhana.

Mga anak nati’y ayaw kong sumunod
sa atin, sapagka’t sa pamalo’y takot;
ibig ko’y paggalang na tapat sa loob
na katahimikan ang inihahandog.

Sa isang mag-anak kung may palo’t sigaw
ay di maghahari ang kapayapaan;
ang batang lumaki sa latigo’t suklam,
nagiging balakid sa katiwasayan.

Sa pamamahala’y hindi ko rin gusto
ang pamamaraang may poot at gulo;
hataw ng pamalo sa bata’y ayaw ko,
mistulang diktador at emperyalismo!

At sa pamayana’y aking hinihiling
na sa pagdarasal ang bata palakhin;
hindi sa pamalong parusang matalim
at tinik sa pusong sakdal hirap bathin.

Mga panauhin, aking pakiusap,
limiing mabuti ang panig kong hawak;
wala sa pamalo ang magandang bukas,
nasasa pag-ibig na walang pagkupas.


LAKANDIWA

Tumalon sa pugad ang inahing manok,
tila nangangant’yaw matapos mangitlog;
salatin, Estela, ang pakpak mong soot,
ang huli mong putak ay iyong ihandog;
(sa kanyang pagputak upang di mangatog
palakpakang muli ang ating isoob.)

 
DAPAT  (Ikatlo’t huling tindig)

Mga kababayan, minsan pang limiing
ang mabuting bata’y di dapat paluin;
sapagka’t ang bata ay alay sa atin
ng Dakilang Diyos upang kalingain.

Hindi ko rin hangad na magdalang-galit
sa balighong anak at halang na isip;
sa pamamatnubay, matapat kong nais,
ang bukas ng bunso’y may ngingiting langit.

Ang bata’y paslit pa at ang niloloob
sa tama at mali’y di gaanong talos;
kung di aakayi’t gagabayang lubos,
maliligaw siyang sa bait ay kapos.

Subali’t may batang may sariling tigas
na sa maling gawa ay nagmamataas;
kung sa panunuyo’y hindi maitumpak,
lunas ay pamalong may aral na tatak.

Iyang pamamalo’y huwag lalahukan
ng maling simbuyo ng galit at suklam;
bata ma’y masaling ng bigat ng kamay,
pamatnubay ito’t di kaparusahan.

Sa mga magulang ay paalaala,
supilin ang anak nang tama’t mabunga;
lapastangang bata’y bigyang-disiplina
sa ating pamalong panturo’t pag-asa!


LAKANDIWA

Kapos ang isip ko’t umid yaring dila
sa pangangat’wiran ng dal’wang makata;
tilamsik ng isip at kislap ng diwa’y
mahirap aruki’t hindi ko mahaka.

Kayong nalilimpi’y hihingan kong tulong
ng palakpak ninyo sa gawang-paghatol;
itong aking kamay kung saan ipatong,
pumalakpak lamang ang sumasang-ayon.


Aling palakpakan ang lalong matunog, sinong nagtagumpay na makatang bantog?
(Itatapat ng Lakandiwa ang kamay sa ulo 
ng bawa’t makatang nagtunggali.  Inaasahang
susuobin sila ng masigabong palakpakan.)


LAKANDIWA

Aling palakpakan ang lalong matunog,
sinong nagtagumpay na makatang bantog?
anuman ang ngayo’y inyong niloloob,
pagdating ng bahay, lubusin ang sagot.

Maraming salamat bayang nakikinig
sa mga sandaling tayo’y nagkaniig;
mga kataga kong gayak nang umalis,
payagang sa Wikang Sarili’y magtindig! —


 

Print

Mga katha ni Bert Cabual na matatagpuan sa sayt na ito
Tula:  Ang Makata at ang Alak | Kamanyang Kay Manny Pacquiao | Si Quezon at ang Wika | Soneto kay Paeng | Noynoy: Asin at Ilaw | Kaluluwa ng Lahing Marangal | Maligayang Pasko | Sining ng Paglaya           
Kwentula: Bugso ng Gunita
Balagtasan:  Bata at Pamalo | Si Manny Pacquiao at ang Politika |  Dagdag na taon sa Haiskul
Sanaysay: Saltik-Panitik: Balagtasan
Maikling Kuwento: Ang Dasalan ni Belen | Isang Libo't Isang HalikMay Lihim ang Bahay-bahayan | Mayo at Disyembre | Si Mang Estong



KUNG KAMI ANG TATANUNGIN  Aral at Ligaw  |  Boksingerong Anak  |  Diborsyo sa Pilipinas  |  Hiling ng Magulang  |  Kapisan sa Bahay ang Biyenan  |  Matalino vs. Mayaman  |  Pag-asa ng Bayan  |  Paglahok sa Pulitika  |  Pagsasabi ng Totoo  |  Panghihimasok sa Buhay ng Iba  |  Pangingibang-Bansa  |  Pagsasawalang-Kibo ng Naaapi  |  Pusher na Kaibigan  |  Tahanan vs. Paaralan  
KAYO, BAYAN, ANG MAGPASYA!  Babae ang Manliligaw  |  Bakla sa PNP  |  Bata at Pamalo  |  Dagdag na taon sa Haiskul  |  Kapit sa Patalim  |  Katotohanan sa Pamamahayag  |  Maganda vs. Pangit  |  Mahal Mo vs. Mahal Ka  |  Pagkakaisa ng mga Pilipino  |  Pakialam sa Pag-ibig ng Anak  |  Pakikihalo ng Matanda sa SK  





Tunghayan din ang aking Blog

BlogTalasan ng Katwiran


PAKSA # 1
PGMA Hanggang 2010?
TANONG: Dapat ba o hindi dapat magpatuloy sa tungkulin bilang Pangulo ng Pilipinas si Ginang Gloria Macapagal-Arroyo hanggang sa taong 2010?

PAKSA #2
Executive Privilege vs People's Right To Know
TANONG: Sa kaso ni Neri na tumangging sagutin ang ilang katanungan sa pagdinig ng Senado hinggil sa kontrobersyang ZTE National Broadband Network Deal, alin ba ang nararapat bigyan ng higit na pagpapahalaga: Pribilehiyong Ehekutibo ng Pangulo? o Karapatan ng Mamamayan na Malaman ang Katotohanan?

PAKSA #3
Pag-ibig at Tampuhan
TANONG: Sa dalawang nag-iibigan, halimbawang kapwa sila nagkamali, sino ang unang dapat bumati at manuyo upang mawala ang alitan o tampuhan: Lalaki o Babae?

PAKSA #4
Paalam, Cory...Paalam, 'Democracy?'
TANONG: Sa muling pagkagising ng kamalayang makabayan sanhi ng pagpanaw ng dating Pangulong Corazon ‘Cory’ Aquino, ningas-kugon ba lamang ito – o patuloy na mag-aalab sa puso at diwa ng sambayanang Pilipino?

PAKSA #5
Noynoy for President?
TANONG: Dapat bang kumandidatong Presidente ng Pilipinas si Benigno "Noynoy" Aquino III sa halalan sa taong 2010?

PAKSA #6
Trahedya ni 'Ondoy'
TANONG: Malagim na trahedyang bunga ng bagyong 'Ondoy' at iba pang kalamidad sa Pilipinas na maaari namang iwasan kung may kaukulang paghahanda, sino ba ang may higit na kapabayaan – mamamayan o pamahalaan?

PAKSA #7
Epekto ng Print at Broadcast Media sa Pilipinas
TANONG: Higit bang nakatutulong o lalo lamang nakapipinsala ang print at broadcast media sa Pilipinas?



 


"Ang anak mo'y busugin sa pangaral,
At pagdating ng araw, siya'y iyong karangalan."
                    – Kawikaan 29:17
"Likas sa mga bata ang pagiging pilyo,
Ngunit sa pamamagitan ng palo, sila'y matututo."
                    – Kawikaan 22:15