TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
LUHA
I
Minsan sa mga mata ko’y may luhang pumatak
iyon ay dahil sa ako’y nagagalak;
pagka’t yaring mithi’y akin nang natupad,
naging bunga niring aking pagsisikap.
Nang ang batas ni Tatay ay aking nilabag,
ako ay kaniyang pinagalitan agad;
at sa aking sarili ako ay nahabag,
luha sa mga mata ko ay agad nalaglag.
Totoo pala at talaga palang masaklap
ang mawalan ka ng isang kaanak;
pagtangis ay di agad maampat-ampat,
sa mga naulila ay habag na habag.
Masaganang luha ang nag-uunahan
na sa aking mata’y hindi ko napigilan;
sa paano ako ay tunay na nasaktan
nang ang mahal gumuho ang paninindigan.
Anupa’t sa aking mga naging pagluha,
ang huli ang siyang dinamdam na sadya;
akin lang hiling sa Poong Lumikha,
tulungang mapawi sanhi ng pagluha.
Yaring hinagpis mandi’y napaparam
sa patnubay marahil ng Poong Maykapal;
akin lang sa Kanya’y muling kahilingan,
kung muling magmahal LUHA’Y maiwasan.
II
Hiling na maiwasan luha sa muling pag-ibig,
tila ang Diyos yata… ako’y hindi dininig;
pagka’t ang puso nang maramdaman muling pagpintig,
karupukan ng unang inibig muling naulit.
Nguni’t mali pala ako sa aking inakala
na hindi dininig hibik nitong Diyos na mapagpala;
pagka’t masidhing hiling na sa Pag-ibig di lumuha na,
sa Diyos ng Pag-ibig, naisip ko maling kahilingan pala.
Pagka’t ngayon higit ko nang naunawaan
na sa Pag-ibig palang Diyos ang pinagmulan,
sadyang kasama na ang mga Pagluha’y maranasan,
salit-salit na tuwa, hapis, nguni’t sa huli’y kaluwalhatian.
Sa halip mas maganda palang hilingin natin,
TURO NIYANG PAG-IBIG, matutuhan nating taimtim;
dahil kung wala nga sa Kaniya, mahirap ngang gawin,
di lumuha’t tumangis kung minahal di naging tapat sa atin.
Mga katha ni Josephine Castelltort-Jaylo na matatagpuan sa
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.