LAKANDIWA (Pagbubukas)
Bumabating buong giliw, Lakandiwa ninyong lingkod
Muli'y isang Balagtasan taos-puso naming handog;
Nagbabalak na makatang sa usapa'y makisangkot
Makasampung pag-isipan bago muna pumalaot;
Maselan ang katanungang sa hapag ay idudulog,
Di angkop sa pusong mamon at utak na kakarampot.
Sa lahat ng mga bansa sa kalakhan nitong Asya
Pilipinas ang naunang yumakap sa demokrasya;
Sa Espanya ay nag-aklas, sa Hapon ay nakigyera,
Di rin tayo nagpaapi sa imperyong Amerika;
Kalayaan hinding-hindi hahayaang manakaw pa
Nitong lahing laging handang magtanggol at makibaka.
Nang mabalot ng karimlan itong bansang minamahal
Niyurakan ng Martial Law ang pantaong karapatan;
Mamamayan ay nag-Edsa at sa mundo ay natanghal
Rebolusyong mapayapang sa diktador ay nagtanggal;
Naibalik at naghari, demokrasyang inaasam,
Di na muling tutulutang gahasain nino pa man.
Sa ikatlong taon ngayon ng madugong liderato
Ni Duterte bilang ating presidente, kaya rito,
Ang paksa ng Balagtasan ay may tanong na ganito:
Dapat ba o hindi dapat tanggapin ng Pilipino
Na sa bansa ay mayroong demokrasya pa rin tayo?
Sa may nasang mangatwiran, bukas na ang entablado.
DAPAT (Sa ibaba ng tanghalan)
Mapitagang Lakandiwa, kababayang sinisinta,
Hiling ko ay pahintulot upang dito'y makibaka;
Ang panig na pipiliin kung palaring makapasa,
Dapat lamang na tanggaping meron tayong demokrasya
Sa panahon ni Duterte, presidenteng maka-masa,
Presidenteng nasusuklam sa kurapsyon at sa droga!
Magmula nang manungkulan bilang ating presidente
Hanggang ngayon sa pangatlong taon niyang pagsisilbi:
Demokrasya sa 'ting bansa sa termino ni Duterte,
Masigla at walang kupas, sagana ang aning buti;
Malaya ang sino pa mang maghayag ng sinasabi,
Payapa at ligtas lahat pagka't walang nang-aapi.
LAKANDIWA (Pagtanggap)
Ang makatang nagpahayag ng hangaring makilaban
Malugod kong tinatanggap sa ibabaw ng tanghalan;
Maya-maya ka magsulit ng katas ng nalalaman,
Pakilala ka lang muna sa balanang nag-aabang;
Kayo naman, kababayan, para merong pakinabang,
Salubungin natin siya ng masayang palakpakan!
DAPAT (Sa ibabaw ng tanghalan)
Salamat, o Lakandiwa, sa mainit na pagtanggap,
Lingkod ninyo'y si Rafael Pulmano, tubong De la Paz;
Sa Lunsod ng Biñan unang nakakita ng liwanag,
Kung saan ang mamamayan ay taal na masisipag;
Hindi lamang sa gawaan ng tsinelas kami'y sikat,
First Season Idol Philippines champion sa 'min din nagbuhat.
Dapat ba o hindi dapat tanggaping sa Pilipinas
Ay meron pang demokrasya sa panahong ang may hawak
Ng gobyerno'y si Duterte? Ang tugon ko'y sadyang Dapat!
Pagka't ito ang s'yang tunay na ngayon ay nagaganap;
Ang pantaong karapatan, kalayaang magpahayag,
At malinis na halalan ay tamasa nating lahat.
HINDI DAPAT (Sa ibaba ng tanghalan)
Maginoong Lakandiwa, ako sana ay payagang
Makalahok sa napiling paksa nitong balagtasan;
Sa panahon ni Duterte: nabulid ang katarungang
Nagpipiglas na lumaya sa makipot na kulungan;
Mayroon bang demokrasya? – mapait na katanungan,
Bayan, tatanggapin mo ba ang demokrasyang basahan?
Demokrasya baga itong may hibla ng pagtataksil
Sa sariling lipi’t angkan at sa bayang dumaraing?
Demokrasya baga itong kalayaa’y sinisikil
Ng pinunong nagkukunwang gumagawa ng magaling?
Lakandiwang mapitagan, kung ako po’y tatanggapin,
Ang pahayag ng katalo’y nakahanda kong sagutin.
LAKANDIWA (Pagtanggap)
Ang makatang sumalungat agad nating papanhikin,
Baka isip magbago pa't umatras nang buong tulin;
Halika at kagaya ng katunggaling bubungguin,
Pakilala ka rin muna, pagkatao'y bulatlatin;
Tayo namang madlang people, alam n'yo na ang gagawin ––
Isalubong sa kaniya'y palakpakang mataginting!
HINDI DAPAT (Sa ibabaw ng tanghalan)
Bert Cabual ang ngalan ko, sa Batangas isinilang,
Sa ang tula’y hinahabi umulan man at umaraw;
Sa Batangas ay may kape na barako kung turingan,
At mayroon ding balisong na sanggalang sa kaaway;
Angkan ako ng makatang nakalaang ipaglaban
Ang panig ng mga aping lumuluha kung tapakan.
Ang sinumang magsalita ng di gusto ng pangulo
Ay kagyat na sinisikil ang dangal at pagkatao;
Masdan ninyo ang nangyari kay De Lima’t kay Sereno,
Ikinulong at tinanggal sa marangal na serbisyo;
Demokrasyang sinasabi ng makatang si Pulmano’y
Demokrasyang binalaho ni Presidente Rodrigo.
LAKANDIWA (Simula ng pagpapalitan ng katuwiran)
Dalawa na ang makatang magkakontra yaong panig
Sino kaya'ng matutumba, sino’ng hindi mayayanig?
Mahalagang patalastas saglit munang isisingit,
Ang ngalan ko ay Solomon Jurado po, "at your service";
Lakandiwa ang papel ko, matalino, at mabait,
Ang magwagi, may pabuya; ang matalo, ililigpit!
Tatawagin ko na ngayon upang dito'y pumagitna
At bumigkas ng katwiran sa harap ng buong madla;
Ang makatang si Rafael Pulmano unang tutula,
Dapat nating tanggapin daw demokrasya'y meron pa nga;
Paulanan ng palakpak na sa puso nagmumula,
Dinggin natin at timbangin kung tama s'ya, o may tama!
DAPAT (Unang tindig)
Pilipinas, Inang Bayan, at Perlas ng Silanganan,
Pilipinong lahi tayong dugo'y maharlika't bughaw;
Dumadaloy sa 'ting puso, sa isip at kamalayan,
Diwa nina Jose Rizal, Bonifacio, at Del Pilar;
Si Duterte, presidenteng sixteen million ang naghalal,
Malasakit sa 'ting bansa ay mahirap mapantayan.
Demokrasya'y nakasandig sa malinaw na prinsipyo:
Ang gobyerno ay sa tao, ng tao, para sa tao;
At iyan ang pamantayang sinusunod ng pangulo
Kaiba lang ang diskarte't kung umasta ay berdugo;
Kabalagtas, ang nangyari kay De Lima at Sereno
Patunay na umiiral, democracy at rule of law.
Saan ka pa maghahanap ng tunay na demokrasya
Na hihigit pa sa ating mapalad ang bawa't isa?
Sa kongreso, sa senado kahit bobo may pag-asa,
At sa OWWA yayaman ka kung ang ngalan mo ay Mocha;
Di na hawak ng Kanlurang bansa ating soberenya,
Matalik na kaalyado natin ngayon Rusya't Tsina.
Sino ka bang magbibintang na may hiblang pagtataksil?
Nagkakalat ka ng tsismis na bayan ay dumaraing!
Hindi ka ba nagbabasa o baldado ang paningin?
Resulta ng mga survey na di naman sinungaling,
Laging pabor sa pangulo ang mataas na high rating
Pilipino'y kuntento na at masayang matuturing.
Kaya aking uulitin kung kapos ang pang-intindi
Sa kalabang umaastang mas may alam sa kabute;
Mula first year hanggang ngayong pang-third year na ni Duterte,
May buhay at pumipintig sa bansa ang "democracy";
Kung meron mang naninira at palaging naninisi,
Sa eleks'yon talo kasi, sa p'westo ay kating-kati!
LAKANDIWA (Sa unang tindig ng Hindi Dapat)
Napakinggan ninyo, Bayan, unang banat ni Rafael
Na nagtanggol sa panig na Dapat natin daw tanggaping
Demokrasya ay meron pa sa 'ting bansang ginigiliw
Sa panahon si Duterte; ngayon naman, ating dinggin
Ang panig ng Hindi Dapat ni Bert Cabual na magiting...
Sa tunog ng palakpakan, muli siyang salubungin!
HINDI DAPAT (Unang tindig)
Nang mahalal si Duterte sa Perlas ng Silanganan,
Unti-unting nanguluntoy ang dahon ng katarungan;
Kalayaang itinindig ng bayaning matatapang
Ay gumuho sa gobyerno ni Duterteng lapastangan;
Kung labing-anim na milyon ang bumoto sa halalan,
Labing-anim na milyon din ang nadayang taong-bayan!
Kabalagtas, ikaw’y bulag sa nangyari kay De Lima,
Noong siya ay isangkot sa suliranin ng droga;
Mga preso sa bilibid ang mga saksing kinuha,
Nang si De Lima’y magipit at hatulang nagkasala;
Si Sereno’y nang mawala doon sa Korte Suprema,
Nagdiwang ang presidente at ang kanyang kakutsaba.
Demokrasya baga itong busabos ka ng dayuhan,
Karagatang ating-atin ay di tayo makinabang?
Ang tinig ng magsasakang hindi mandin magkamayaw
Ay tinig na di marinig sa lumugsong kabuhayan;
Ang kongreso at senado’y kontrolado ng gahaman
At ng sakim na pinuno sa yama’t kapangyarihan.
Mapayapa kang matulog, humimbing kang nangangarap,
Sa ganyan lang mauulol ang sarili sa magdamag;
Ang ahens’yang nagso-survey ay masasabi bang tapat,
Kung lihim ding kontrolado ng pinunong walang habag?
Ang rating ng presidente ay bangkay na maaagnas,
Pag naghari ang totoong demokrasya nating lahat.
Sa suliranin ng droga ay maraming pinapatay
Sugapa ma’t di sugapa kapag napagbibintangan;
Ang biktima ay di man lang makakibo’t makatunghay,
Pagka’t dagling inuutas ng bulisik na militar…
(Bawat hakbang na gawin mo sa Templo ng Kalayaan
Ay hakbang sa iyong libing sa bunganga ng karimlan!)
LAKANDIWA (Sa ikalawang tindig ng Dapat)
Batanggenyong piling panig ay Di Dapat na Tanggapin,
Nagtanggol nang buong tapang, nagliliyab ang damdamin;
Katuwiran ni Bert Cabual pa'no kaya tutugunin
Ng kaniyang katunggaling sa Laguna pa nanggaling?
Ikawalang tindig ngayon ng makatang si Rafael...
Palapakan nating muli, kababayang ginigiliw!
DAPAT (Ikalawang Tindig)
Maling-mali ang turan mong unti-unting nanguluntoy
Katarungan sa 'ting bansa nang mahalal na si Digong;
Kaylan lamang siya pa nga ang nagsabing pag may sumbong,
"Give me clear proof...may due process" na sa batas naaayon
Nang ibuking sa Senado ni Baguio Mayor Magalong:
PNP Chief Albayade sa ninja cops may koneks'yon!
Malisyoso ang sabi mong kakutsaba ang nagdiwang
Nang sipain si Sereno sa Mataas na Hukuman,
Dahil walang pagdududang sa due process idinaan;
Quo Warranto noong dinggin, siya mismo'y hinayaan
Sarili ay ipagtanggol, tugunin ang bawa't bintang,
Kapwa pati mahistrado ang bumoto sa pagtanggal.
Sa kaso rin ni De Lima, due process ang tinutunton
Matapos mag-imbistiga, testimonya ay nilikom;
Idinulog ang reklamo sa korte ng prosekusyon
Sa bisa ng arrest warrant akusado ay nakulong;
Meron siyang abogado, hustisya ay gumugulong
Paano mo masasabing katarungan ay naluoy?
Kung bagsak man iyang presyo ng palay ng magsasaka,
Sa gobyerno ni Duterte wag isisi ang problema!
Sila namang nalululong nang labis sa bisyong droga,
Nanlalaban pag natokhang, naunahan lamang sila!
Kaya bunying kabalagtas, ang panig mo'y isuko na
Pagka't buhay na buhay pa sa bansa ang demokrasya!
LAKANDIWA (Sa ikalawang tindig ng Hindi Dapat)
Sa himig ng panalita at tono ng pangatwiran
Si Rafael tila walang balak iurong ang laban;
Ikalawang tindig pa rin, ngayon naman, ni Bert Cabual
Kanina pa nagngingitngit at inip na naghihintay;
Sa kaniyang pagbabalik, kababayang minamahal,
Pakawalang sabay-sabay, masigabong palakpakan!
HINDI DAPAT (Ikalawang tindig)
Paano ba tatanggaping mayroon pang demokrasya,
Kung pantaong-karapata’y dinudurog na hustisya?
Paano ba sasabihing Pilipino’y maligaya,
Kung ang gawa ng pangulo’y balatkayong pinetens’ya?
Paano ba iisiping may darating na pag-asa,
Kung sa bansa’y naghahari ang tiranong palamara?
Hanggang ngayon ay patuloy ang Martial Law sa Mindanao
Na maaring lumawig pa at wala nang katapusan;
May panganib pang maganap na sa buong kapuluan
Ay mabagsik na ihayag yaong batas ng militar;
Mayroon bang demokrasya? Ang katalo’y nahihibang!
Demokrasyang dala niya’y demokrasyang pumapatay.
Militar at kapulisan ang sandatang ginagamit
Ni Duterte, nang ang kanyang tagapuna’y tumahimik;
Ang tinig ng oposisyon sa gobyerno niyang ganid
Ay boses na nilulunod ng kastigong mabalasik;
Ito ba ang demokrasya? Ang bibig ay nakapinid,
Dahilan sa pananakot at babala ng panganib!
Mga hakbang ni Duterte ay hudyat sa ating nasyong
Pakunwaring demokrasya ay malagim na patibong;
Kung may Marcos noong una na malupit na diktador,
Sa katawan ni Duterte ay may bagong Marcos ngayon;
Kabalagtas, matakot ka sa pagtakbo ng panahong
Tiraniya ni Duterte ay magharing tuloy-tuloy!
LAKANDIWA (Sa ikatlo at nalalabing tindig ng Dapat at Hindi Dapat)
Mga bigkas na katwiran ni Cabual ay nag-aalab,
Tugon naman ni Pulmano'y tila bulkang sasambulat;
Sa susunod nilang tindig ako'y di muna aawat
Hanggang kapwa mangagsawa sa puspusang kadadakdak;
Kababayang sumasaksi sa labanang walang puknat,
Mas mainam, mas masarap kung kayo ay papalakpak!
DAPAT (Ikatlong tindig)
Hindi tamang paratangang si Duterte ay diktador
Dahil utos niya't hakbang ay sa batas naaayon;
Bilang isang republikang demokrasya ang pundasyon
May probisyon sa Martial Law atin mismong Konstitusyon;
Sa Marawi, grupong Maute, si Duterte ang naghamon,
Nag-Martial Law sa Mindanao noong sila'y nagrebelyon.
Ako lang ay nagtataka at hindi mo nakikita
Ginhawa ng mamamayan ang turing mo'y pinetens'ya;
Nalimutan mo na baga pangako n'ya sa kumpanya?
Ang kuraps'yon susugpuin, three-to-six months, walang droga?
Bubuwagin ang rice cartel, Endo ipagbabawal na?
At sasakay pa sa "jet ski" sa usapin kontra-Tsina?
Pangahas rin ang bintang mong si Duterte ay tirano
Gayong mahal na mahal n'ya tayong mga Pilipino;
Sa yaman ng karagatan, mga Intsik may pors'yento,
Ekta-ektaryang lupain, okupado na ng POGO;
Trabaho ay dumarami puro singkit ang empleyo,
At sa tuwing merong survey mga Pinoy raw'y kuntento!
HINDI DAPAT (Ikatlong tindig)
Demokrasya baga ito kung kamay mo’y nakatali,
Nakamulat na mata mo ay bulag na di mawari?
Ang prinsipyong sapul-mula’y minahal mo’t itinangi,
Sa bangis ng panggigipit ay prinsipyong binabali;
Demokrasya na ba itong sa “Libingan ng Bayani”
Ay nalibing ang diktador na berdugo nitong lahi?
Tumakbo ka’t hilahin mo ang kadenang may kalansing
Na sa tainga ni Duterte ay musikang naglalambing;
Limutin mo ang “lumipas” at ang “ngayon” ang harapin,
Datapwa’t ang katarungan ay huwag mong uungkatin;
Ang buhay mo’y sa iyo pa, at buhay na tataglayin,
Habang iyong hinuhukay yaong sarili mong libing.
Malaya ka, bakit hindi? Pagmasdan mo ang Palasyo
Na higpuan ng buwitre’t nagtanghod na mga k'wago;
Malaya kang mapakinggan ang papuri ni Panelo
Sa tiranong magdaraya at pangulong lubhang tuso;
Si Panelo’y ginagamit na hari ng panloloko
Ng kampon ng kadiliman at demonyo niyang amo.
DAPAT
Ang Libingan ng Bayani di ba para nga sa patay?
Magbargas ka kung si Marcos ibinaong di pa bangkay!
Kalansing ng kadena mong soberenya'y sinasakal,
Nilansag na ni Duterte nang mag-pivot pa-Silangan;
Dating mga kaalyadong bansang hilig makialam,
Minura at tinanggihan ang ayudang pampinansyal.
Ngayon lamang masasabing ganap tayong nakalaya
Sa kuko ng mayayaman at may p'wersang mga bansa;
Pakunwaring tumutulong ay may pising nakaamba,
Pansariling interes din ang regalong kawanggawa!
Kaya ang kay Tatay Digong na direks'yon ay s'yang tama,
Kay Obama ay nag-goodbye, kay Xi Jinping nangaliwa.
HINDI DAPAT
Isang madreng Australianang tumigil sa Pilipinas,
Bilang isang misyonaryang karamay ng mahihirap;
Nang marinig ni Duterte yaong kanyang pangungusap
Na pagpuna sa gobyernong mapang-api’t mapanghamak;
Yaong madre’y kinastigo at dinakip na nga’t sukat
Sa paratang na nagbitiw ng salitang mahahayap.
Dahil dito’y nangat’wiran ang banal na misyonarya
Na sa kanyang sinalita’y wala namang pulitika;
Hindi siya pinakinggan sa pag-amot ng hustisya
Ng pangulong walang habag! Pobreng madre’y nadeporta!
(Oo, Sister Patricia Fox, kayo nawa’y magpasens’ya,
Pagka’t sa gobyernong ito’y naglaho ang demokrasya.)
DAPAT
Pagdamay ng misyonaryang Sister Fox sa mga dukha
Ay gawaing maka-Diyos at may laang gantimpala;
Manghimasok sa panloob na isyu ng ating bansa
Sa dayuhang gaya niya ay talagang hindi tama;
Tulad rin ng Amerkano't Europeong nagbunganga,
Nakialam at gusto pang si De Lima'y mapalaya!
HINDI DAPAT
Di ba’t sabi ni Duterte: yaong Diyos ng Krist’yano
Ay Diyos na walang k’wenta at Diyos na estupido?
Buong bansa’y nagulantang sa marahas na komento
Ni Duterteng dapat sana’y maka-Diyos na pangulo;
Presidenteng “Walang Diyos!”…dinidiyos niya’y sino?
Si Satanas? Nanganganib itong bansang Katoliko!
DAPAT
Katwiran mo'y kumakanto at sa paksa'y lihis ka na!
Hindi naman relihiyon paksa kundi demokrasya;
Pag sinabing demokrasya, may laya kang makasamba
Bilang Muslim, Katoliko, Protestante, Satanista!
HINDI DAPAT
Yaong ABS-CBN na may radyo’t telebisyo’y
Sasarhan daw ni Duterte sa malapit na panahon;
Di raw niya ire-renew – prangkisa ng korporasyon,
Ito ba ang demokrasya? Pag-abuso’y susun-suson!
DAPAT
Yan ay "fake news" – pag prangkisa, sa Kongreso ang disisyon
Demokrasya'y hindi sangkot sa yaman ng "broadcast station".
HINDI DAPAT
Si Ressa, CEO ng Rappler – kinasuhan, patung-patong
Ang "press freedom" sinasakal ng diktador na si Digong!
DAPAT
Taga-media'y magaling lang sa pagpuna't pagbatikos!
HINDI DAPAT
Pwestong VP binabrasong malipat kay Bongbong Marcos!
DAPAT
Demokrasya'y sadyang ganyan!
HINDI DAPAT
Sa kamay ng mapanlamang!
LAKANDIWA (Pagwawakas)
Tigil kayo at tama na ang sagutang maaanghang
Ingatan ang inyong high blood! Mahal ang magpa-ospital!
Kayo muna'y magpalamig, ako naman ang dadaldal,
Ilalapat ko ang hatol nang maingat at may dangal;
Sa lahat ng nariritong matiyagang sumubaybay
Palakpakan muna natin ang dalawang mahuhusay!
Dapat ba o Hindi Dapat tanggaping sa bansa natin
Mayroon pang demokrasya ngayong tayo'y nasa third year
Ng gobyerno ni Duterte –– iyan nga ang tanong natin
Na masusing siniyasat ng makatang magagaling;
Sino nga ba sa kanila ang kampiyong tatanghalin?
Batanggenyong si Bert Cabual? Biñanenseng si Rafael?
Narinig n'yo ang katwirang inilatag ng dalawa,
Kung kayo ang tatanungin, mas may punto'y sino baga?
Karagdagang katanunga'y kayo na rin ang huhusga...
Kung meron pang demokrasya, dapat ba tayo'y magpista?
Demokrasya kung patay na, diskusyon ay sapat na ba?
Walang aksyon? Puro mema't reklamo sa "social media"?
Tatlong taon? Kaya pa ba? Konsyensya ay usisain;
Susunod na henerasyon ano'ng bansa mamanahin?
Nasa inyo ang disisyon, ang sa gana namang akin
Bilang dito'y Lakandiwa, ang hatol ko ngayo'y dinggin:
Si Bert Cabual ang nagwagi at "second prize" si Rafael!
Palakpakan silang muli! Diyos nawa'y sumaatin.
Marso 13, 2019
Guam at England
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact